Posted in english, Filipino, friendships, journal, love, poetry, random, thoughts, Uncategorized

intertwined

Stars have aligned

The moon even grinned

Time has stopped

and the wind shivered

Her eyes scream chaos

His lips whisper warmth

With their every step,

Cupid is delighted

The golden arrow laughed

and shone as it flew

It entangled them forever

and knotted their hearts together

Her eyes glistened with life

His lips quivered in awe

Their fates intertwined

as the world watched

She continued walking

And he looked at her back

—disappearing from his view

under the blinking street lights

He gave up waiting

but she turned around

and he was nowhere to be found

behind the busy cars

Cupid consoles the disheartened Time

for he has planned everything

right from the start

until the promising ending

Cupid snapped his fingers

and the whole word became the audience

as destiny worked its magic

once again, in a coffee shop

He stared at her

but this time,

she threw him a glance.

Advertisements
Posted in art, dagli, english, friendships, journal, love, poetry, random, Uncategorized, word vomit

word vomit 5: a confession from me to you

I have a confession to make.

I love confessions and I hate them at the same time. Confessions make humans appear more human to me.

I love seeing their rapid breaths, their pupils dilating, and the truth escaping from their chapped lips.

I also love it when people are drunk. Alcohol forcefully makes them spit their truths out.

And do you know what makes it better? The next day, they won’t remember anything.

Confessions make us appear more human. They make us look more vulnerable and alive and real.

But do you know why I also hate confessions?

Because I’m a human too.

Posted in friendships, journal, love, poetry, random, Uncategorized, word vomit

word vomit 4: superstitions

Hindi ako naniniwala sa mga pamahiin.

Hindi ako naniniwala na kapag nakahulog ako ng kutsara o tinidor,

May bagong taong kakatok.

Kapag may nakasalubong akong itim pusa,

Mamalasin ako.

Kapag nakabasag ako ng pinggan o baso,

Mamalasin ako.

Kapag nakabasag ako ng picture frame,

May mangyayaring hindi maganda.

Kapag nakumpleto ang simbang gabi,

Matutupad ang kahit anong hiling ko.

Kapag nagwalis ako nang bagong taon, 

Hindi na makakapasok ang suwerte.
Bakit?
Wala naman akong nahulog na tinidor

Nung kumatok ka sa pintuan namin

Para mamanhikan.

Wala rin akong nakasalubong na itim na pusa

Pero dumating ka sa buhay ko.

Siguro, hindi ako ganun kapasmado 

Para makabasag ng pinggan o baso

O picture frame na may polaroid nating dalawa

Kaya hindi ko natunugang iiwan mo ako.

Hindi ko rin alam kung bakit iniwan mo ako

Kasi, sa pangsiyam kong simbang gabi,

Ang sabi ko, “Sana siya na talaga.”

Hindi ko rin alam kung bakit mo ako pinagpalit sa kanya

Kasi alam mo ba, hindi ako nagwalis ng bahay nung bagong taon

Kahit na ilang beses akong inaatake ng allergy ko.

Ah. Alam ko na kung bakit mo ako iniwan at pinagpalit sa kanya.

Siguro kasi nakabukas na yung pinto ng bahay nila

— nakaabang sayo —

Bago pa siya makahulog ng kutsara o tinidor.

Siguro kasi iniiwasan niya lahat ng itim na pusa

Wag lang kayong malasin.

Siguro kasi masyado siyang maingat sa mga pinggan at baso

Siguro kasi hindi siya mahilig sa babasaging picture frames na may lamang polaroids niyong dalawa

Siguro kasi, binuo niya yung siyam na simbang gabi

Kasama ka

At sabay pa kayong humiling,

Habang magkahawak kamay

Na “Sana, siya na talaga”

Siguro, nagwalis siya nung bagong taon

Sa kabila ng mga walang kuwentang pamahiin

Kasi nandun ka, sa tabi niya

At hindi na niya kailangan ng suwerte

Kasi nandun ka, sa tabi niya

Habang ako naman, mag-isa.

Posted in Uncategorized

word vomit 3: kung ako’y isang libro

Kung magiging libro ako,

Kulay itim ang hardbound na cover ko

Gold ang lettering sa labas

‘Di gaanong malaki yung font size

Tapos times new roman ang font

At “Florence” yung title

Simple lang

Boring ako para sa mga bata

Kasi walang kulay

Kasi raw itim, wala raw buhay

Eh kung tutuusin, ang kulay itim ang resulta ng presensya ng lahat ng kulay

Mukha naman akong research compilation sa mga matatanda

Research compilation na puro data,

Table, graphic organizers, tapos T-tests

Hindi rin magsisimula sa “Once upon a time” ang kuwento ko

Kasi una sa lahat, hindi ako prinsesa

Pangalawa, hindi ako ulilang nakatira sa isang kastilyo

Pangatlo, hindi ako mahilig sa gown

Pang-apat, hindi ko kayang makipagduet sa isang ibon o kahit na anong hayop

Panglima at panghuli, ayokong humalik sa isang palaka

Kung magiging libro ako, ang kalagitnaan naman ng kuwento

Walang mga dragon

At nakakalasong mansanas

Ayoko sa mga bagay na alam kong hindi naman totoo at gawa lang ng ilusyon

Anong gusto kong mangyari sa gitna?

Simple lang

Ako, naglalakad sa isang kalsada, mag-isa

Boring? Oo.

Walang kuwenta? Oo.

Gusto ko kasing maging isang librong puno ng kuwento ng totoong buhay

Ayokong mambulag sa mga tao

Ayoko silang paniwalain na may magic ang mga lampara

At matutupad ang hiling mo kapag humiling ka sa isang bituin

kung magiging libro ako, gusto ko walang paligoy-ligoy

Walang mabubulaklak na salita

At walang mga quotable na linya

Na sa sobrang ganda eh maraming nagtitweet sa twitter at nagcchange status sa Facebook

Ayoko kasi ng agaw-pansin

Wala ring mga pa-deep na karakter

Tulad nina Augustus Waters

Kasi bihira lang ang ganun

Gusto ko rin sanang mailagay yung panginginig ng kamay ko

Pagkunot ng noo ko,

panlalamig ng palad ko,

At ‘yung sakit na naramdaman ko

Nung nakita ko siyang umiyak

Unang pagkakataon kasi ‘yun

Na hindi ko alam kung anong gagawin

Kung magsasalita ba ako o makikinig

Kung iiyak din ba ako o magkukuwento para mapagaan ang usapan

Kung magiging libro ako,

Walang “The End” o “Fin” sa dulo

Kasi hindi pa tapos eh

Ayoko pang matapos

Sakali mang mabasa at mahawakan niya yung book cover ko

Gusto kong mapaisip siya

Ng mga bagay na magagawa niya 

Para magkakulay yung bawat pahina ko

Gusto kong gumawa siya ng paraan para magkaro’n ng mga makukulay na salita

Gusto kong gumawa siya ng paraan para nandun siya,

Kasama sa kuwento,

Kasama sa mga importanteng karakter na hindi pupuwedeng mamatay,

Kasama ko sa loob ng 

mga pahina kong 

binalutan ng itim na book cover 

na may nakaimprentang “Florence” 

Na kulay gintong Times New Roman

Na ‘di kalakihan yung font size

Gusto kong gumawa siya ng paraan

Para makasama ko siya sa isang librong

Walang “The End” o “Fin” sa dulo,

Sa isang kuwentong hindi matatapos

Pero hindi nakakasawa.

Posted in Filipino, friendships, journal, love, poetry, random, Uncategorized

word vomit 2: artist

Alam mo ba, nung isang araw,

Muntikan na tayong magkasalubong sa hallway

Papunta ka sa canteen

Ako, papunta sa room 101

Kaso bigla kang lumiko

Lumiko ka papunta sa kung saan.

Alam mo ba, kahapon,

Muntikan na tayong magkasabay pauwi galing sa mall

Nakakatuwa pa nga kasi galing ako sa supermarket

Tapos ikaw, galing ka sa book store

Kaso tumigil ka sa may sakayan

May hinihintay ka yata

Maghihintay sana ako ng tyempo

Para kunwaring nagkataon lang na iisa tayo ng sinakyang jeep

Kaso marami akong dala eh

Sorry, hindi na kita nahintay

Alam mo ba, kanina,

Lalapitan sana kita

Habang nagddrawing ka

Ang seryoso mo ngang tingnan eh

Nakakunot yung noo mo

Habang sobrang higpit ng hawak mo sa dilaw na mongol 2

Ang saya mong panoorin habang nagddrawing

Mukha kasing passion mo yun eh

Pano ko nasabi?

Kasi kahit ang higpit ng hawak mo sa dilaw na mongol 2,

Ang gaan naman ng pagsulat mo

Yun bang parang kitang kita ko yung paghalik ng lead ng lapis

Sa puting pisngi ng bond paper

Wala lang

Nakita ko kasi sayo yung sarili ko

Kapag nagsusulat ako ng mga tula ko

Kaya akala ko,

Pareho tayo

Kaso hindi pala

Kasi nagddrawing ka

Tapos ako, nagsusulat naman

Ballpen na m&g ang gamit ko

Tapos ikaw, dilaw na mongol 2

Habang ineenjoy ko kasi yung pagddrawing mo,

Hinihintay mo pala siya.

Posted in art, Filipino, friendships, journal, love, poetry, random, Uncategorized

word vomit 1: ang mga paborito ko

Ikaw yung paborito kong libro

Na kahit ilang beses ko nang nabasa.

Hindi pa rin ako nagsasawa kasi nga, paborito kita.

Ikaw yung paborito kong kanta

Na kahit ilang beses nang umulit sa playlist ko

O kaya paulit-ulit ka sa radyo,

Hindi pa rin ako magsasawang sumabay sa bawat salita.

Ikaw yung cheesy na pelikula na romcom sa TV

Na ewan ko ba kung bakit ko pa rin pinapanood kahit

Hindi ako mahilig sa clichés at kacheesy-han

Ikaw yung paborito kong tshirt

Na kahit maluwag, butas na sa kili-kili,

Tastas na yung laylayan, o kupas na yung kulay…

Sinusuot ko pa rin.

Kahit ilang beses na akong sabihan ng nanay ko

Na ang pangit at ang baduy baduy tingnan.

Ewan ko ba, ganun e

Kapag gusto ko, gusto ko

Kapag nakasanayan ko, parang hindi ko na kayang alisin

Sa utak, puso, at sistema ko

Kapag nagtuloy-tuloy ang usapan, ako na mismo

Ang gagawa ng paraan para hindi matapos

Kapag nagsimula sa hello, dudugtungan ko na

Ng isa pang hello na may kasamang tanong

Para sumagot ka

Pagkatapos, magtatanong ulit ako

Para sumagot ka ulit

At hindi matapos ang usapan.

Ewan ko ba

Ganun nga talaga siguro

Kahit gano ko kabisado yung bawat quotable quote

Sayong sanlibong beses ko nang binasa,

Kahit gano ko kabisado yung lyrics, intro, bass drop

Mong paulit-ulit sa playlist ko at sa radyo,

Kahit gano kacheesy at cringy yung bawat joke,

Bawat lines na binibitiwan sayo,

Kahit gano kaluwag, kalaki yung butas sa kili-kili,

Kahaba yung sinulid na nakalaylay sa laylayan,

Kakupas yung kulay, kabaduy yung style mo,

Babasahin pa rin kita.

Kakantahin pa rin kita.

Papanoorin pa rin kita.

Susuotin pa rin kita.

Hindi ko alam kung bakit pero tangina

Mahal kasi kita.

Posted in Uncategorized

current events.

Nakapag-revise na ako ng children’s story ko. Nakapagsulat na rin ako ng isang chapter sa Wattpad. Nakapagsulat na rin ako ng isa na namang word vomit piece.

On the other hand, hindi pa rin ako nag-aaral para sa long test namin sa Economics. Hindi pa ako nag-aaral para sa long test namin sa English. Hindi pa ako gumagawa ng outputs ko sa Filipino. Hindi pa ako nag-aaral para sa long test namin sa Math. Wala pa akong project sa Computer Science na deadline na ngayong linggo.

Yet nandito ako ngayon, sa harap ng laptop. Nagtatype.

Posted in art, black slug, Childhood, dagli, depression, Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, random, Uncategorized

oblivion.

          Isang kuwarto. Nasa loob ako ng isang kuwarto ngunit wala akong maaninag na gamit. Sa kabila ng dilim, alam kong nasa loob pa rin ako ng aming bahay. Naroon pa rin kasi iyong kumportableng pakiramdam.

          Nabasag ang katahimikan nang may narinig akong kalansing ng susi mula sa labas. Si Papa yata iyon. Lagi kasi siyang may dalang susi kaya’t nalalaman kong parating na siya.

          Biglang bumukas ang pinto ng kuwartong iyon. Kasabay niyon ang pagkakaroon ng liwanag mula sa bumbilya.

          Hawak ni Papa ang kanang kamay ng nakababata kong kapatid habang ako ay nasa harapan nila – nakatayo.

          “Pa, saan kayo galing? Bakit hindi niyo ako sinama?” tanong ko sa kanya.

          Sinipat niya ako mula ulo hanggang paa. Tiningnan niya ako na para bang noon niya lamang ako nakita. Hindi niya napansin iyong relong kulay pink na ibinigay niya sa’kin nang minsan ay namasyal sila at hindi ako nakasama sa kadahilanang sandamakmak ang mga proyekto ko no’ng araw na iyon.

          Tiningnan niya ang mga mata ko katulad ng lagi niyang ginagawa sa tuwing pinapangaralan niya ako. Ngunit alam kong may kakaiba.

          “Sino ka? Paano ka nakapasok dito?” tanong ni Papa na ikinabigla ko.

          Sinulyapan ko ang aking nakababatang kapatid ngunit miski siya ay tiningnan ako na para bang isang estranghero. Hindi niya ako tiningnan bilang kanyang ate na nag-aabot ng kanyang tuwalya sa tuwing makaliligtaan niya ito bago maligo.

          Hindi nila ako maalala. Hindi na nila ako kilala.

florence

Posted in Childhood, Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, poetry, random, Uncategorized

ang anghel at ang demonyo.

          “Hindi ka ba sasabay sa pagkain?” tanong ng Mama niya sa kanya. Kapansin-pansin ang kunot sa noo nito habang nanatiling diretso ang tingin ni Keila.
          Hindi man lang niya sinulyapan ang ina at dumiretso sa kama. Padabog niyang sinara ang pinto. Sa harap ng salamin ay unti-unti niyang inalis ang mga bagay na nagsisilbing maskara niya – identification card, neck tie na may logo ng kanyang paaralan, at ang kanyang uniporme. Nagpakawala siya ng isang buntong-hininga bago nagsalita, “Alam kong nandyan ka. Sige na, hwag ka nang magtago.”

          “Ano ba ‘yan? Paano mo nalaman?” inis na sabi ng isang itim na nilalang. Mayro’n itong dilaw na mga mata at itim na balat na tila gawa sa tinta ng bolpen. “Magsusulat ka ba ngayon? Magsulat ka naman ngayon para may hapunan ako.”

          “Ayoko. Matutulog na ako,” tugon ni Keila habang pilit na iniiwasang makita ang nakatatakot na itim na nilalang.

          “Hindi ka puwedeng matulog!” sigaw nito sa kanya. Nagsilabasan ang mga pangil nito na walang kasingtulis. “Kailangan kong kumain!”

          “Ayoko nga sabi!” sigaw niya pabalik.

         “Kailangan. Mong. Magsulat.”

         “Ayoko. Pagod ako. Please lang, hwag ngayon.”

         “Wala nga akong kakainin!” pagmamaktol ng itim na nilalang na tila ba isang batang inagawan ng kendi. “Kailangan kong malaman kung ano na ang tumatakbo sa isip mo. Gusto kong malaman kung paano mo inilalarawan sa utak mo ‘yong pakiramdam ng lumunok ng asido!”

          “Tama na. Ayoko ngang magsulat.”

          Napangiti ang halimaw. Alam nitong may epekto kay Keila ang mga sinasabi niya. “Gusto kong malaman kung paano mo inihahalintulad sa paglipad ang pagtalon mula sa ikaapat na palapag ng paaralan mo.”

          “Stop. Tama na.” Tinakpan ni Keila ang kanyang mga tainga. 

          Nagbabakasakali siyang hindi na niya maririnig ang halimaw ngunit doon siya nagkamali. Kahit nagtakip na siya ng kanyang tainga ay naririnig pa rin niya ang pang-asar nitong boses na para bang nasa loob ito ng utak niya.

          “Ano nga bang pakiramdam ng pagkadurog ng buto? Ano nga bang pakiramdam ng paglalaslas sa pulso? Ha? Gusto mo bang malaman?”

          “Shit ka.” Inis na tumayo si Keila at kinuha ang kuwaderno sa ibabaw ng kanyang mesa.

          Nakangiting inabot sa kanya ng itim na halimaw ang kulay asul na bolpen. “Bilisan mong magsulat, nagugutom na ako.”

Wala namang bago sa sumunod na araw. Ganoon pa rin naman ang lahat. Sa paaralan, makikitawa at makikipagbiruan si Keila sa kanyang mga kaibigan na para bang hindi niya sinubukang idikit ang bread knife sa pulsuhan niya bago matulog. Pagdating naman sa bahay ay tatapusin niya ang sandamakmak na gawain mula sa paaralan bago pakainin ang itim na halimaw sa kuwarto niya. Gustuhin man niyang patayin ang halimaw ay hindi niya magawa. Gawa kasi ito ng mga maiitim niyang plano sa pagkitil ng sariling buhay at hindi niya kayang pigilan ang sariling mag-isip ng kung anu-ano.

Maayos naman ang lahat. Wala naman siyang problema sa kanyang pamilya. Wala rin siyang problema sa kanyang mga kaibigan. Maayos ang lahat, iyon ang lagi niyang iniisip ngunit sadyang mayroong mali. Sa dinami-rami naman kasi ng mga tao, siya pa ang napiling samahan ng itim na halimaw na iyon. Ayos naman ang lahat at wala siyang dahilan kung bakit gusto na niyang maglaho ngunit nakararamdam siya ng sobrang kalungkutan.

Ang nakasusuka niyang mundo ay unti-unting gumuho nang dumating si Nikolai Isaiah Montenegro. Kalilipat lamang nito at unang araw pa lamang nito sa klase ay kapansin-pansin na ang pagsulyap nito sa kanya. At dahil siya si Keila Dione Reyes, hindi niya pinansin iyon. Lagi niyang iniisip na baka iba ang tinitingnan nito. Baka nagkataon lang na nakatingin ito sa kanya. Ang akala niya ay wala lang iyon hanggang sa kumalat ang balitang gusto siya ni Nikolai.

“Hindi totoo ‘yan,” medyo inis niyang sabi sa kanyang kaibigang si Dianne. Pinagpipilitan kasi nito sa kanya na totoo ang bali-balita. “Imposible lang kasi saka hindi niya naman ako kilala. Parang ang bilis naman ata.”

“Maganda ka naman e. Maldita ka lang,” natatawa pa nitong sabi.

Wala naman kasing ginagawa iyong si Nikolai para mapalapit sa kanya hanggang sa isang araw, kinausap siya nito. 

Hi,” umupo ito sa tabi niya, “ayaw mo bang sumali sa kanila?” Tinuro pa nito ang kanyang mga kaibigang masayang naglalaro ng dodge ball.

Hindi niya alam ang isasagot. Hindi naman siya mahiyain. Nabigla lang siguro siya dahil kinausap siya ni Nikolai. “Ayoko sa mga ganyang laro,” sagot niya habang nakatingin sa mga kaibigan.

“Bakit naman?” kunot-noong tanong nito sa kanya.

“Ayoko lang. Mas gugustuhin kong nakaupo at nagbabasa.”

Bookworm ka?” muli pa nitong tanong.

Writer din, ang gusto niyang sabihin pero hindi pa naman sila gaanong magkakilala. “Medyo,” tipid niyang sagot sa lalaki. “Depende sa genre.”

“Anong genre ba ang trip mo?” usisa pa ni Nikolai.

Fiction. Kung bakit fiction? Uh. Siguro kasi kahit ano, puwede mangyari.”

“Gano’n din naman sa fantasy a?”

“Sa fantasy kasi, ano. Alam mo ‘yon? Kahit na pilit kang dinadala ng author sa mundong ginawa niya, mayro’n pa ring bumubulong sa utak mo na hindi ‘yon mangyayari sa totoong buhay. So I would rather choose fiction. At least kahit papa’no alam mong posible ‘yong–” Gulat siyang napatingin kay Nikolai. “Teka nga, bakit ko nga ba sinasabi sa’yo ‘yon?”

Natatawang umiling si Nikolai. “Hindi ko alam sa’yo. Ikaw lang naman ‘tong biglang nagkuwento tungkol sa fiction at fantasy.”

Napatingin si Nikolai sa paparating nilang mga kaklaseng tapos nang maglaro. “Uh. Mauna na ako bago pa sila… Mang-asar.” Nginitian siya nito at saka pabirong ginulo ang buhok niya. “Ang saya mo palang kausap. Sa susunod ulit.”

Nang gabing ding iyon, mahimbing na nakatulog si Keila. Nawalang parang bula ang itim na halimaw. Lumipas pa ang mga araw at nahulog ang loob nila sa isa’t isa. Sobrang saya ni Keila at alam niyang kasunod ng bawat halakhak niya ay luha. Natatakot siya. Ayaw na niyang magpatuloy pa ang sayang nararamdaman niya sa tuwing kasama niya si Nikolai. Pakiramdam niya kasi ay mayroong malaking kapalit ang pagiging masaya niya. Nagpatuloy ang mahihimbing niyang tulog. Walang itim na halimaw na nambubulabog sa tulog niya. Walang itim na halimaw na nagtatanong sa kanya kung paano niya gustong kitilin ang sariling buhay.

Matagal-tagal din niyang hindi binubuksan ang kuwaderno sa ibabaw ng mesa niya. Alam niya kung ano ang laman ng kuwadernong iyon – ilang mga hangman at hindi mabilang na suicide plan. Alam niyang ikatutuwa ng itim na halimaw ang gagawin niya pero ginawa niya pa rin – binuklat niya ang kuwaderno at binasa ang mga pinagsusulat niya.

Ayoko na dito. Gusto ko nang umalis. Hindi ko na kaya. Wala na yatang nagmamahal sa’kin. Nasasakal na ako kahit maayos lahat. Nalulunod ako. Hindi na ako makahinga. Please save me. Tangina, ayoko na.

Nanginginig niyang sinara ang kuwaderno pero huli na ang lahat. Muling nagising ang itim na halimaw. Nakangiti siya nitong binati. “Akala mo ba mahal ka ng lalaking iyon? Ako na ang nagsasabi sa’yo, hindi ka niya mahal!”

“A-alam ko. Hindi mo kailangang ipamukha.”

“Kung mahal ka man niya ngayon, mabilis ding mawawala iyan dahil makahahanap siya ng mas maganda kaysa sa’yo.”

“Alam ko. Tama na, please.”

“Anong tama na? Hindi ako titigil hangga’t hindi ka tumitigil sa kahibangan mong ‘yan!”

“Tama na, tama na.” Inis siyang tumayo. Kinuha niya ang cutter mula sa drawer at tuluyan itong idinikit sa pulsuhan niya.

Iniwasan niya si Nikolai. Hindi niya ito pinapansin at pinipilit niyang hwag itong tingnan sa tuwing mayro’ng recitation sa klase. Hindi naman nagreklamo si Nikolai. Simula’t sapul naman kasi ay wala silang relasyon. Alam nilang may gusto (o mahal) nila ang isa’t isa pero wala iyong tinatawag na “commitment”. Ang akala ni Keila ay hindi napapansin ni Nikolai ang paglayo niya. At doon siya nagkamali.

Isang gabi, mula sa paaralan si Florence at gaya ng nakasanayan, tuloy-tuloy lang siya papuntang kuwarto. Halos hindi na rin niya maaninag ang dilaw na mga mata ng itim na halimaw sa sobrang taas nito. Abot na sa kisame ang itim na halimaw. Kasinglapad na rin nito ang mattress ng kama niya. Gabi-gabi niya itong pinapakain sa pamamagitan ng mga tulang pinagsusulat niya. Triple naman ang inilalaki ng itim na halimaw sa tuwing nilalaslas niya ang kanyang pulso.

Akmang kukunin na niya ang cutter mula sa drawer nang biglang nagbukas ang pintuan niya. “Keila?” Si Nikolai pala. Bakas ang gulat sa mukha nito habang palipat-lipat ang tingin kay Keila at sa cutter na handa nang humalik sa pulsuhan nito.

“Anong nangyayari?” Patakbong lumapit si Nikolai kay Keila. Naguguluhan man ay inagaw niya ang cutter mula rito. “Bakit ka…”

“A-ayoko na kasi e.”

“Hindi pagpapakamatay ang sagot. Hwag namang ganito. Alam mong hindi ko magugustuhan ‘pag nawala ka kaya bakit? Hinayaan kitang lumayo kasi akala ko, gusto mo lang huminga sandali pero anong nangyayari?” Huminga muna ito bago nagpatuloy. “Hindi ko kaya ng wala ka. Sana naman alam mo ‘yan.”

“Nasasakal na kasi ako. Ayokong madamay ka. Ayokong masali ka. Ayokong mahirapan ka.”

“Kaya mo ba ako iniiwasan? Alam mo, mas gugustuhin kong ‘madamay’ ako sa problema mo kaysa sa magising na lang akong wala ka na.” Niyakap niya ng mahigpit si Keila. “Kasi sinasabi ko sa’yo, hindi ko kakayanin. Mahal kita, okay?”

“Mahal din kita.”

Tahimik lamang silang pinapanood ng itim na halimaw na tila ba nahihirapang huminga. Maya-maya pa ay sumabog na parang abo ang itim na halimaw.

“W-wala na siya.”

“Ha? Sino?”

“’Yong itim na halimaw.”

“Anong itim na halimaw?” Tumawa si Nikolai. “May nakikita ka bang hindi ko nakikita?”

“Ha? E-ewan ko. Nandiyan lang siya kanina.”

“Ewan ko sa’yo. Ang wirdo mo.”

florence

Posted in Childhood, Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, poetry, random, Uncategorized

si andrea.

Kababasa ko lang ng blog post ng isang kaibigan. Tungkol iyon sa pakikipag-away nila ng mga kapatid niya sa isang kapitbahay na namaril sa aso nila. Habang nagbabasa, pilit kong inalala ‘yong mga araw na nasa labas ako ng bahay. Ang kaso nga lang, hindi nga pala ako lumalabas ng bahay namin. Lagi akong nasa loob ng bahay, nakalingkis sa payat na braso ng manika kong si Ansherina. Lumalabas lang ako ng bahay kapag uutusan ako ni Mama na bumili ng Magic Sarap, Knorr Cubes (kadalasang chicken), o ‘di kaya ay Tide powder.

Mayroon akong lutu-lutuan. Marami akong mga manikang kumpleto ng damit at sapatos. Mayroon din akong bahay-bahayan. Mayroon din ako ng mga maliliit na librong pambata. Sagana ako sa mga laruan pero ano naman ang gagawin ko sa mga laruan ko kung wala naman akong kalaro?

Hindi naman ako takot na makipagkaibigan o kung anuman noon. Hindi rin naman ako tinutukso kaya hindi ko rin alam kung bakit wala akong kalaro. Isang araw, habang nakaupo ako sa may tarangkahan ng bahay namin, may isang batang babaeng tumawag sa’kin. Akala ko pa nga no’ng una ay hindi ako ‘yong tinatawag niya kaya hindi ko siya pinansin.

Dahil ayokong lumabas, pumasok ‘yong batang babae sa gate namin at saka ako pinuntahan sa tarangkahan. Nakipagkilala siya at nakipagkaibigan. Andrea raw ang pangalan niya at nakatira siya sa katabi naming bahay. Naglaro kami ng lutu-lutuan hanggang sa napansin kami ni Mama. Binantayan niya lang kami mula sa pintuan pero hindi naman siya nagalit na nagpapasok ako ng isang bata galing sa labas.

Napakadaldal ni Andrea. Ang dami niyang kuwento at para bang hindi siya nauubusan ng sasabihin. Sa sobrang dami ng kuwento niya ay nabagot ako. Ramdam kong unti-unting lumipad ang utak ko. Si Andrea? Daldal pa rin siya nang daldal hanggang sa mapagtanto niyang hindi na ako nakikinig.

Napakabilis ng pangyayari. Sa inis ni Andrea na hindi ako nakinig sa kuwento niya, sinabunutan niya ako. Aaminin ko, may pagka-overreacting ako dahil umiyak ako kahit hindi naman ako nasaktan sa pag-unat niya sa kulot kong buhok. Pero kasi, hindi ako pinapalo ng mga magulang ko pagkatapos ay bigla niya akong sasabunutan dahil hindi ako nakikinig sa pagkukuwento niya?

Hindi naman ata tama iyon.

Umiyak ako nang umiyak. Patakbo kaming nilapitan ni Mama. Pinagalitan niya si Andrea at sinabihang huwag nang makipaglaro sa akin.

Hindi ko talaga alam kung anong dapat kong maramdaman noon. Hindi ko alam kung dapat ba akong mainis kay Mama dahil nawala ang una kong ‘kaibigan’ o magpasalamat kay Mama sa pag-iwas niya sa akin sa sakit na dulot ng pagsabunot ni Andrea.

florence