Posted in art, dagli, depression, Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, one-shot, random, thoughts

for June; (a one-shot story)

11/19; 11:21 PM

Nandoon ako no’ng gabing ‘yon. Magkatabi tayo . . . nakatayo, nakadipa ang mga kamay sa hangin. Feeling natin, nasa loob tayo ng isang indie film. O kaya ‘yong eksena nila Charlie sa The Perks of Being a Wallflower. Paborito natin ‘yon, e. Gandang ganda ka kay Emma Watson tapos ako, kay Logan at Ezra naman.

Nililipad ng hangin ‘yong buhok ko no’n pero nilabanan ko. Tiniis ko ‘yong pagtusok ng buhok sa mga mata ko, makita at mapagmasdan ko lang ‘yong ngiti mo. Mukha kang aso no’n, e. Sabi mo, gayahin kita.

Dahil malakas ka sa’kin, ngumiti rin ako.

Sinulyapan ko si Ria, nakaupo siya sa paanan mo. Nakabusangot na nga siya no’n, e. Sinabi ko sa’yo pero sabi mo, pabayaan ko na lang siya at ‘wag pansinin. Ang usapan kasi natin, si Ria muna ang tatayo sa likod bago ikaw. Sa kanila ‘yong pick-up truck na ‘yon, e. Nakikiangkas ka na nga lang, ikaw pa ‘tong nakipag-agawan.

Kinuwento ko sa’yo noon ‘yong nabasa kong short story. Free Fall ang title. Wala kang reaksyon. Ipinikit mo ang mga mata mo, binale-wala ang kinuwento ko.

“Seize and feel the moment, Cola,” ang sabi mo pa. Ginawa ko ‘yong sinabi mo. Gaya ng ginawa mo, ipinikit ko ‘yong mga mata ko.

Unti-unti kong naramdaman ‘yong pag-init ng mga mata ko. Kung hindi mo pa pinunasan ‘yong luha ko, hindi ko pa malalamang umiiyak ako.

“Sabi mo kasi, feel the moment,” pagdadahilan ko sa’yo.

Tinawanan mo lang ako. Lagi kang gano’n. Depressed ako, e. Sa ating dalawa, ikaw ‘yong taga-sabi ng: “Kaya ‘yan, bawal sumuko. Shit tayo pero hindi tayo weak shit.” Sabay tapik sa balikat, sabay tawa.

Ang carefree mo. Parang ang saya-saya mo lagi. Parang no’ng nagpasabog ang Diyos ng problema, ako ‘yong may pinakamaraming nakuha tapos wala nang natira para sa’yo kasi natutulog ka sa kuwarto mo.

Sabi ko, parang ang sarap maging ikaw. Nakakapagod na rin kasing maging ganito. Parang pasan-pasan ko ‘yong problema ng buong mundo. No’ng nag-divorce sila Mommy, ikaw ang umalalay sa’kin. Ilang beses mo akong nahuling sinasaktan ‘yong sarili ko pero hindi mo ako sinukuan.

Minsan, tinanong kita kung bakit hindi mo ako maiwan.

“Alam mo, ang ganda-ganda mo. ‘Yang gan’yang ganda . . . dapat ipinagmamalaki.”

Sinabi ko sa’yong ang babaw ng dahilan mo saka, hindi mo naman sinagot ‘yong tanong ko. Ang layo sobra, e. Mababaw naman kasi talaga at isa pa, hindi ‘yon ang gusto kong isagot mo. Buti na lang at bumawi ka.

“Uto-uto ka talaga, Cola. Hindi lang kasi ‘yon, e.” Humalakhak ka pa, inaasar ako.

Kinulit pa kita nang kinulit hanggang sa sinabi mo ‘yong totoong dahilan.

“Ayokong mawala ka. Ikamamatay ko ‘yon. Mahal kita, e.”

Aaminin ko. ‘Yon ang gusto kong marinig na dahilan galing sa’yo pero . . . alam naman nating pareho kung paano ang takbo ng utak ko sa mga gan’yang bagay.

“O, ba’t natahimik ka? Ano ka ba, alam ko namang ayaw mong maging in a relationship. Chill ka lang.” Tumawa ka na naman.

Binawi mo ulit. Nginitian mo ako pagkatapos. May parte sa’kin na nakahinga nang maluwag pero parang nanlumo ako sa sinabi mong wala ka namang balak na bigyang atensyon ‘yong nararamdaman mo para sa’kin.

June, mahal din kita. Ewan ko kung matutuwa ako na hindi ko nagawang sabihin ‘to sa’yo sa personal . . . kasi syempre, nakakahiya at parang nilunok ko lahat ng maling pananaw ko sa pag-ibig. O malungkot kasi hindi ko makikita ‘yong parang tanga mong reaksyon.

Pasensya na kung pinagkait ko sa mga tainga mo ang mga salitang alam kong gustong gusto mong marinig no’ng nabubuhay ka pa. Pero dahil hindi mo naman na mababasa ‘to, mahal kita, June . . . mahal na mahal.

Ang poetic, ‘di ba? Oo nga pala, sinunod ko na ‘yong advice mong magsulat ako kapag nalulungkot ako. Sana nga noon ko pa ‘to ginawa para napabasa ko pa sa’yo ‘tong mga tula kong wala raw kuwenta. Sigurado akong magugustuhan mo ‘tong mga ‘to pero wala na, e.

Time’s up na tayo. Sa susunod na lang siguro. May nabasa akong quote sa internet noon. Ang sabi, special daw ang moments kasi may time limit. Nag-eexpire. Pumikit ka lang saglit . . . wala na ‘yong feeling, wala na ‘yong momentum.

Salamat sa pagtuturo sa’kin no’n, June. Salamat pero hindi pala dapat ako pumikit. Dapat pala, minulat ko ‘yong mga mata ko at pinanood ka. Doon tayo parehong nagkamali.

Sigurado naman ako pinahalagahan mo ‘yong mga moments natin. Gano’n din naman ako. Ilang buwan din tayong humingi ng time extension, ‘no? Kaso wala na, e. No more extensions. Masyado na raw tayong abusado sa pagpapa-extend ng moments natin.

Alam kong pagagalitan mo ako nang sobra kapag nagkita tayo kaya in advance, sorry June . . . time’s up na rin ako, e.

– nicola

Advertisements
Posted in art, depression, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, one-shot, random, word vomit

Dear Rain

Dear Rain,

Hello. Ayos ka lang ba dyan? Kahit sinusulat ko pa lang ‘to, naiisip ko na agad ‘yong pagkunot ng noo mo. You’re probably wondering why I wrote this. Alam ko namang walang kasiguraduhang matatanggap mo ‘to pero malay natin, ‘di ba? And as to why I wrote this, darating din tayo dyan. But first things first, let’s take a trip down memory lane.

Do you still remember how we met? Sana naman oo. Pero kung hindi mo maalala, ipapaalala ko sa’yo. I was standing in front of Café Valentin. Basang-basa ako no’n dahil sa biglang buhos ng ulan. Kilala mo naman kasi ako, ‘di ba? Alam mong ayaw na ayaw kong nagdadala ng payong. Now that I’m thinking about that incident. . .

Posible kayang naramdaman mong wala akong dalang payong kaya mo ako hinintay sa labas ng café?

Ikaw ‘ha. Sabi ko na nga ba e. Na-love at first sight ka yata sa’kin no’n. Hindi ko na yata makakalimutan ‘yong hitsura mo no’ng araw na ‘yon. Nakasuot ka kasi ng isang t-shirt na may imprentang “The Beatles” sa harapan. Gusot din ‘yong pantalon mong medyo nabasa na rin ng ulan.

No’ng una, inakala kong napilitan ka lang na pasilungin ako sa dala mong payong na kulay pula. Nakabusangot ka kasi at pilit mo rin akong iniiwasang tingnan sa mata. Nagpahatid pa nga ako sa’yo sa bahay namin. Pagkatapos, no’ng nagpasalamat ako sa’yo, tinanguan mo lang ako bago ka nagmadaling umalis.

Pakiramdam ko nga, galit ka sa’kin. Pero ano bang ikagagalit mo, kung sakali? Hindi naman kita nilapitan e. Ikaw ‘yong biglang lumapit sa’kin habang hawak ng kanang kamay mo ‘yong payong at isang supot naman ng libro sa kaliwa. No’ng araw ding ‘yon, pagkahatid mo sa’kin sa bahay, nakatanggap kami ng tawag galing sa opisina ni Kuya Gus. Nasa ospital daw si Kuya. He was pronounced dead on arrival.

Everyone in the family was expecting his death but even so, I blamed you. Ewan ko rin kung bakit ko ‘yon ginawa. Siguro kasi pakiramdam ko, malas na nakilala kita o baka wala lang akong masising iba. Hindi naman kasi siya namatay dahil sa isang murder o arson katulad no’ng mga napapanood natin sa CSI America.

Heart failure kasi ang ikinamatay ni Kuya. Sa pamilya namin, hereditary na ang sakit sa puso. My father also died because of heart failure five years ago. ‘Yon na rin ang dahilan kung bakit hindi na nagulat ‘yong iba naming kamag-anak sa nangyari kay Kuya Gus. Like I told you, it was expected. Everyone saw it coming.

Well. . . everyone except me.

A month passed by after we “met”. My relatives tried to convince my mother to have me home-schooled instead. Pero ayaw ni Mommy. Hindi naman ako tutol sa home-school. Kung tutuusin nga ay pabor pa sa’kin ‘yon. I had a hard time recovering from my brother’s death. Si Kuya Gus kasi ‘yong tumayong tatay ko habang ginagampanan din niya ang pagiging kuya at best friend ko.

Mahirap kasing tanggapin na wala na akong gitarang maririnig sa labas ng kuwarto kapag nagkulong ako sa loob. Ilang beses ko ring tinanong sa sarili ko kung bakit hindi na lang ako ‘yong nawala. Pero kahit ilang guhit pa ‘yong nilagay ko sa pulsuhan ko, wala pa rin akong makitang sagot.

I was wearing my black hoodie. Unang araw ‘yon ng pasukan. Ni hindi ko napansin na ikaw pala ‘yong bagong estudyante na ipinakilala ni Prof. De Luna dahil nakasuot ako no’n ng earphones. Nalaman ko na lang na ikaw pala ‘yong bagong-lipat nang pinaupo ka sa tabi ko.

Ilang minuto ka ring nakatitig sa’kin bago mo napagtantong nakatingin na rin ako sa’yo.

Ay, sorry.

I still remember your reddish cheeks as you said those words. Dahil isang buwan din akong nagkulong sa kuwarto, hindi ko alam kung anong sasabihin sa’yo. Tiningnan lang kita nang mataman bago mo naisipang mag-iwas ng tingin.

Ang cute mo no’n, Rain.

Nakasuot ka na naman ng isang band shirt. Nirvana. Napansin ko rin ‘yong salamin mo sa mata. No’ng lunch break na, alam kong balak mo akong lapitan. Wala ka pa kasing kakilala no’n at hindi mo rin alam ang pasikot-sikot sa university natin.

Pasensya na kung nagmamadali akong lumabas ng room. Sanay kasi akong kumain nang mag-isa.

I guess I should have approached you back then. Hindi ko naman kasi alam na susundan mo ako sa rooftop. Doon kasi ako kumakain. Kahit pa no’ng nabubuhay si Kuya Gus, doon na ako nagpapalipas ng oras. Iyon kasi ang paborito kong lugar sa buong university. Tahimik kasi at kitang-kita ‘yong mga estudyante mula sa tarangkahan no’n.

Siguro kung hinayaan kitang lumapit sa akin bago ako nagmadaling lumabas, hindi mo ako makikitang umiyak.

Nakakahiya nga sa’yo e. Hindi man lang kita pinasalamatan matapos mo akong yakapin at hayaang umiyak nang umiyak sa balikat mo.

Rain, sorry talaga ‘ha? Hindi ko kasi alam kung anong gagawin. Si Kuya Gus lang naman kasi ang nag-iisang kaibigan ko. Nailang kasi ako sa’yo no’n. Hindi kita kilala pagkatapos hinayaan kitang makalapit sa’kin.

Hindi ka nagsalita. Hinayaan mo lang akong manahimik sa isang tabi habang nagpupunas ako ng luha. Hindi mo ako kinausap. Hindi ka nagtanong kung bakit ako umiiyak. . . pero ramdam kong hinihintay mong ako mismo ang magkuwento sa’yo nang hindi ka nagtatanong.

I respected you after that. Gusto ko lang kasi ng taong tatabi sa’kin. Ayoko do’n sa mga psychiatrist na pumupunta sa bahay. Pinipilit kasi nila akong magkuwento kahit alam nilang ayaw ko.

Nanatili tayong tahimik hanggang sa natapos na ‘yong lunch break. Nakatitig ka lang sa’kin habang mabilis kong niligpit ‘yong mga gamit ko. I started liking you since then. Nadagdagan pa siguro ‘yong curiosity ko sa pagkatao mo pagkatapos ng nangyari sa Creative Writing class natin.

We were asked to write a journal entry. Prof. Felize told us that it could be a poem, insights on some issues—kahit ano raw na pumasok sa utak natin. I ended up writing a poem. After fifteen minutes, nagtawag si Prof. Felize. Unfortunately, I was called. Napilitan tuloy akong basahin sa harap niyong lahat ‘yong sinulat ko.

The water was blurry from above

I was drowning and sinking

Deeper and deeper

Beyond anybody’s grasp

I was dying

Yet no one noticed that

I caught a glimpse of your reaction, Rain. You flinched. Alam mo siguro kung ano ‘yong ibig kong sabihin kaya gano’n ‘yong reaksyon mo. You even looked around the room, checking if someone had the same interpretation as yours. Natawa ako sa’yo.

Of course no one understood what I truly meant. Except you, Rain.

When you reacted that way, I felt like I found someone who can understand me like my brother does. Not that I wanted you to be my substitute brother. . . I just wanted to know you more.

No’ng sumunod na araw, nilapitan kita. Nakakatuwa nga kasi nagkabanggaan pa tayo. Balak mo rin pala akong yayaing sumabay sa’yo.

Pagdating natin sa cafeteria, tinitigan mo lang ako. Ako pa nga ang nagsimula ng usapan. After that ice breaker, you left to buy our food. When you returned, you asked me about the tattoo on my wrist.

“Semi-colon? Anong ibig sabihin niyan?” you asked me. Medyo nahihiya ka pa nga no’n.

“It’s a reminder.”

“Of what?”

“It’s a reminder that I should keep living.”

Concerned mo akong tiningnan. I knew what you felt after hearing my answer. Inisip mong balak kong magpakamatay. Well, ‘yan din ang iniisip ng pamilya ko.

I have scarred myself for countless times but believe me, I don’t want to die yet. I just wanted to feel.

Rain, you really disappointed me. Akala ko kasi, iiwasan mo na ako mula no’n pero hindi mo ginawa. Yes, I wanted to know you more but I didn’t want to be friends with anyone. I expected you to avoid me but you did the opposite. You stayed. You tried to be friends with me. You tried to understand my side of the story.

Two weeks passed and we had our own routine. Lagi tayong magkasabay kumain. Paminsan-minsan din ay hinahatid mo ako pauwi. Pero gano’n pa rin ako. Hindi kita gaanong kinakausap pero ni minsan ay hindi mo ako iniwang mag-isa sa lunch table natin. Ni minsan, hindi mo ako iniwan para lumipat sa mesa ng mga kaibigan mo.

Ano bang mayro’n sa’kin?

“Gusto mo bang dumaan muna sa Café Valentin?”

Tinanguan lang kita nang tinanong mo ako no’n habang naglalakad tayo palabas ng gate. Hindi ko kasi alam kung anong sasabihin. I knew you were expecting me to say no. . . so I did the unexpected.

We were sitting by the window, drinking our cappuccinos. Pareho tayong nangangapa kung sino ang unang magsasalita. Dalawang linggo na tayong magkasabay kumain pero pareho pa rin tayong naiilang sa isa’t isa.

“Yurika June. S-sa’n galing ‘yong pangalan mo?”

“Hindi ko rin alam e.”

You looked like the type who hates small talks, Rain. Sa pangalawang pagkakataon, sinubukan mo ulit akong kausapin.

“G-ganyan ka ba talaga? Ang tahimik mo kasi e.”

I smiled at you. Nakakatuwa kasing dalawang linggo pa ang lumipas bago mo naisipang itanong ‘yon. Naiilang kang ngumiti sa’kin pabalik.

Hawak ko ‘yong tasa ng kape nang bigla akong makaramdam ng sakit. I secretly took my phone out. Mabilis kong hinanap ‘yong “chest pain” sa listahan at saka ito nilagyan ng “✔ “.

“Ganito na talaga ako.”

“Ang tagal na nating magkasabay kumakain pero ito ‘yong unang pagkakataong nag-usap talaga tayo. Nakakatawa lang.”

“Oo nga e.”

Nanahimik na naman tayo. Iyon ang huli nating pag-uusap no’ng linggong ‘yon. Tatlong araw kasing walang pasok dahil sa bagyo. No’ng sumunod na linggo, bigla tayong nagkaro’n ng Physical Fitness Test.

Ayaw ko talagang makisali do’n sa 15-meter sprint kaya lang, kailangan daw talaga no’n sabi ni Prof. Eula. Medyo natatawa ka pa nga sa’kin no’n kasi kitang kita mo ‘yong pagkainis ko.

“Hwag ka na kayang sumali sa sprint? Namumutla ka e. Pumunta ka na sa infirmary, Yuri. Ako na lang ang magsasabi kay Prof.”

“Narinig mo naman ‘yong sinabi ni Prof., ‘di ba? Kailangan niya raw para sa record niya.”

“Pero Yuri. . .”

“Kaya ko naman, Rain.”

Nagulat ako no’ng bigla kang lumapit. Hindi ko naman kasi inaasahan ‘yon. Siguro medyo naging magkaibigan na tayo matapos ‘yong pag-uusap natin sa Café Valentin kaya gano’n na lang ang pag-aalala mo sa’kin.

Dapat ata nakinig ako sa’yo no’n. Hindi na dapat ako nagpumilit pang sumali sa sprint. Sorry na, Rain. Hindi ko naman kasi alam na gano’n ‘yong mangyayari. Katulad mo, nagulat rin ako. Ramdam kong gusto mo kong pagalitan no’n pero hindi mo ginawa. Instead, you kept on asking me if I’m okay. You even offered to take me home.

After what happened during our PE class, you became more concerned. Ikaw na ‘yong laging namimili kung anong kakainin ko. Isang sandwich lang kasi ang kinakain ko tuwing lunch break. Lagi mo ‘kong ipinagbibili ng kanin at ulam.

Sabi mo kasi sa’kin, madalas akong namumutla. Sinabihan mo akong masanay nang kumain ng kanin dahil ‘yon naman talaga dapat ang pananghalian ko araw-araw.

You became protective, Rain.

I have always liked that hidden side of yours. Mayro’n pa ngang isang beses na sa’kin mo binigay lahat ng gulay sa pagkain mo. Idinahilan mo pang kailangan kong kumain ng gulay e halata namang ikaw ang may ayaw do’n.

One time, you saw some of my razorblades. Galit na galit ka no’n pero hindi mo ako pinagtaasan ng boses. Nanatili kang kalmado.

Inakala mo yatang sinusugatan ko pa rin ang sarili ko pero Rain, matagal ko nang itinigil ‘yon. Kahit wala nang bagong sugat sa pulsuhan ko, hindi ko alam kung paano pero alam ko sa sarili kong buhay ako. Hindi ko na kinailangan pang sugatan ang sarili ko para kumpirmahin ‘yon.

Nandyan ka kasi sa tabi ko. Para saan pa ba ang razorblades ko kung lagi ka namang nandyan? Araw-araw mo kasing ipinapaalala sa’kin na buhay ako.

You made me feel. . . things.

Did you know that you scared me big time? Inisip ko kasing baka bigla ka na lang mawala. Masyado ka kasing mabait. Sobrang haba rin ng pasensya mo pagdating sa’kin.

Posible kayang curious ka lang sa kung anong pinagdadaanan ko kaya gano’n ka makadikit sa’kin?

Ang dami kong tanong sa’yo kaya sinubukan kita. Isang linggo akong umiwas sa’yo. I thought you had no choice but to accompany me. Baka kasi naaawa ka lang sa’kin kaya mo ako sinasamahan. Ilang beses mo rin akong sinubukang lapitan pero bago ka pa makalapit sa’kin, palabas na ako ng pintuan.

Natapos ang linggong ‘yon nang hindi tayo nagpapansinan. Akala nga ng mga kaklase natin ay “break” na tayo. Ewan ko sa kanila kung bakit nila iniisip na boyfriend kita.

Lunes ng umaga nang bigla mong hinawakan ‘yong pulsuhan ko. Hindi tayo pumasok sa first class natin. Ilang beses kong sinabi sa’yong malalagot tayo kapag nahuli tayong nagka-cutting pero ang sabi mo, mas mahalagang makapag-usap tayo.

Pagdating natin sa rooftop, ilang segundo pa ang pinalipas mo bago ako tanungin. Nangangapa ka rin ba ng sasabihin, Rain?

“May problema ka ba, Yuri?”

“Wala akong problema.”

“Huh? E bakit mo ako iniiwasan? May nagawa ba akong mali?”

“Wala ka namang ginawang mali. Ako lang naman ‘tong may problema.”

“Hindi kita ma-gets.”

“Sorry talaga sa pag-iwas ko sa’yo. Pero maniwala ka, wala kang ginawang mali.”

“Hindi mo ba talaga sasabihin kung bakit mo ako iniwasan?”

“Sorry.”

“Ayos lang. Naiintindihan kita.”

Bakit ka ba ganyan sa’kin, Rain? Alam kong nagalit ka sa’kin no’ng araw na ‘yon pero nginitian mo ako. Bakit ka ba ganyan? Inasahan kong hindi mo na ako kakausapin pa kahit kailan pero no’ng sumunod na araw, hinintay mo ako sa labas ng room natin tulad ng nakasanayan.

Hindi ko nga alam kung anong mararamdaman ko no’n e. Hindi ko alam kung matutuwa ako o matatakot.

Gusto kong matuwa kasi naging kaibigan kita. Lagi kang nandyan kahit wala pang isang buwan tayong magkakilala. . . pero natatakot din ako, Rain. No’ng mawala si Kuya Gus, nawalan ako ng isang kuya at kaibigan. Malaki ‘yong sugat na naiwan sa puso ko nang mawala si Kuya pero baka mas malala ang kahihinatnan ko sakaling ikaw naman ang mawala sa’kin.

At ang mas nakakatakot? Hindi ako sigurado kung gano’n rin ba ang tingin mo sa’kin.

Sino ka ba, Rain Gabriel Chavez? Sinadya ka bang papuntahin dito ni Kuya para tulungan akong tanggapin ang pagkawala niya?

Natatandaan ko pa ‘yong araw na ‘yon. Aksidente tayong nagkita sa mall. Nagkataon kasing inutusan kang bumili ng groceries habang ako naman, naghahanap ng magandang librong mabibili. Kumain tayo no’n ng sushi, naaalala mo pa ba?

Kinabahan ka pa nga no’ng bigla akong pinagpawisan. Akala mo kasi, allergic ako sa seafood. Nilagyan ko ulit ng ✔” ‘yong “sweating profusely” sa listahan. Pasensya na kung hindi ko sinabi sa’yo kung para saan ‘yong listahang nasilip mo sa cellphone ko.

Natakot ako, Rain. Nakumpleto ko kasi ‘yong nasa listahan. No’ng mamatay si Kuya Gus, ginusto kong sundan siya. Alam mo namang sinasaktan ko noon ‘yong sarili ko, ‘di ba? Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Wala akong mapagsabihan. Bigla akong natakot nang sobra.

Hindi pa pala ako handang mamatay. Ayaw kitang iwan.

Nagpacheck-up ako sa doktor dalawang araw matapos nating magkita sa mall. Walang nakakaalam. Ako lang mag-isa ‘yong pumunta doon. Hindi ko na sinabi sa’yo kasi alam kong mag-aalala ka nang sobra. Mas minabuti kong walang nakakaalam. Hinala pa lang naman kasi ‘yon. I needed proof before telling you. I was very nervous. Saglit kong pinakalma ang sarili ko no’ng tinawag ako ng nurse.

“This is a serious case, Ms. Fontallo. Wala ka ba talagang kasamang guardian?”

Nakakatakot pala talaga. Gulong gulo ako no’ng araw na ‘yon. Bago ako pumunta sa ospital, nakapagdesisyon na akong sasabihin ko sa’yo ‘yong resulta ng tests-kahit pa ikalulungkot mo—I’m sorry, Rain. Ayoko sanang itago sa’yo ‘to pero kasi, hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa’yo.

You were my savior. You saved me from the demons I hid inside me. Unconsciously, you stopped me from hurting myself. You’re probably not aware of what you did to me but you changed me, Rain.

Hindi na ako si Yuri na nagkukulong sa kuwarto. Hindi na ako si Yuri na puro tungkol sa suicide ‘yong sinusulat. I wasn’t aware of what you were doing to me.

I realized I didn’t want to hurt you. ‘Yon ang dahilan kung bakit hindi ko nasabi sa’yo kung ano ‘yong listahan sa cellphone ko, kung bakit ako pumunta sa ospital nang hindi mo alam, at kung ano ‘yong sinabi ng doktor. Hindi ko kaya at hindi ko kakayaning saktan ka, Rain.

And that was the biggest mistake I made. I should’ve told you. Hindi ko alam, Rain. Believe me, hindi ko inasahang ganito ang mangyayari. I’m sorry. By not telling you about my condition earlier, you had to go through this without me—alone.

I love you, Rain.

I have always loved you. Huli na kasi no’ng napagtanto kong mahal na pala kita. My heart was in pain when I realized that. I’m sorry. Dahil sa maling desisyon ko, hindi mo narinig galing sa’kin ‘yan personally. When the doctor told me that I do have Congenital Heart Disease, all I could think about was you.

I don’t want to leave you. I’m not ready to die and I don’t think I would be ready soon. Rain, I was so scared. I have always thought about dying. When Kuya Gus died, I thought I was ready. I didn’t know back then that I cannot prepare myself before I die.

Kung tutuusin pa nga ay mas masuwerte pa ako kaysa kay Kuya. At least, I knew what was coming for me while he didn’t. Pero Rain, I don’t think I will be ready. Feeling ko, hindi talaga ako magiging handa para rito.

If you were able to read this, I’m probably dead. Hindi naman kasi papasok si Mom sa kuwarto ko kung buhay pa ako. I wouldn’t let her inside. She will find this on my desk. It’s addressed to you so I don’t think she’ll try to read it.

Rain, I’m sorry. I’m sorry that you had to know how I felt towards you through this. Alam kong sobrang bilis kasi wala pang dalawang buwan tayong magkakilala pero Rain, hwag mo sana akong pagtawanan kapag nabasa mo ‘to.

Rain Gabriel Chavez, I will never forget you. You will always be in my heart. I promise you that.

Love always,

Yuri

fin

Posted in Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, poetry, random, word vomit

frausia (a one-shot story)

Isa sa mga nakahiligan ko ay ang pagpunta sa library pagkatapos ng klase ko. Iba’t ibang klase ng libro ang binabasa ko, basta makuha nito ang atensyon ko. Isang bagay ang nakaalarma sa’kin—isang sulat na nakaipit sa libro. Sinasabi nitong kailangan kong pumunta sa Raven’s Park kung gusto ko pang mabuhay.

 

Hindi ko alam kung bakit pero kinilabutan ako nang sobra. Kapansin-pansin kasi ‘yong markang pula sa ibabang bahagi ng papel. Dugo ba ‘to? Bahala na nga. Mahirap na. Ayokong isugal ang buhay ko. Pupunta lang naman ako e.

 

Pagdating ko sa Raven’s Park, hindi na ako nagtaka sa nadatnan ko. Walang tao sa paligid— ay, teka. Tao ba ‘yon? Agad akong lumapit sa water fountain upang tingnan kung tao nga ba ‘yong nakita ko.

 

“Miss. . ?”

 

Nilapitan ko ‘yong babaeng nakaupo sa bandang likuran ng water fountain.

 

“Sorry. Nagulat ba kita?”

 

Tiningnan lang ako no’ng babae. Kitang kita ko pa ‘yong pagkunot ng noo niya. Hindi ba ‘to nagsasalita?

 

Iniayos ko muna ‘yong salamin ko bago siya tanunging muli. “May hinihintay ka ba?” Umupo ako sa tabi niya. Kung mayro’n man siyang hinihintay, e ‘di mas maganda. Maganda na rin ‘yong may makakausap ako habang hinihintay ‘yong nagpadala sa’kin ng sulat. May usap-usapan din kasing naging palaruan na ‘tong parkeng ‘to ng iba’t ibang elemento.

 

Tumango siya. “May pinadalhan kasi ako ng sulat. Nilagyan ko pa nga ng kiss mark ‘yong papel e. Imposible namang hindi niya malamang ako ‘yong nagpadala no’n,” sagot niya. Inis siyang nagbuntong-hininga.

 

“Saan mo ba nilagay? Sigurado ka bang makikita ‘yon ng pinadalhan mo?”
 “Oo naman. . . ewan ko na lang kung hindi siya natakot.”
Nanlaki ang mga mata ko sa sagot niya. Nanginginig kong inilabas ‘yong papel na nakuha ko sa libro mula sa bulsa ko. “I-Ito ba ‘yong sinasabi mong sulat?”

 

Mabilis niyang inagaw mula sa’kin ‘yong sulat. “Sa’n mo ‘to nakuha?”

 

“Sa library,” kinakabahan kong sagot.

 

Galit ata siya. . . sa’kin?

 

“Hindi para sa’yo ‘to!” Tumayo siya at bigla akong. . . kinuwelyuhan. “Bakit mo binuksan?”

 

Napatingin ako sa bandang gilid ng leeg niya. Doon ko lang napansin na mayro’n pala siya tattoo—isang rosas. “E kasi nakaipit ‘yan do’n sa librong binabasa ko!”

 

“Anong libro?”

 

“Yong Thesis Guide ni Cassidy Park,” medyo nahihirapan kong sabi sa kanya.

 

Bahagyang nalukot ang noo niya bago ako bitawan. “Thesis Guide? P-pero sa Paper Towns ko ‘yon nilagay. . .”

 

“Ibig sabihin, hindi totoo ‘yong death threat mo?” paninigurado ko sa kanya.

 

Muli siyang napaupo sa gilid ng water fountain. “Of course not! Hindi ko ‘yon magagawa kay Raph!”

 

I stood up. “If that’s the case, I’ll go ahead.”

 

Bigla niyang hinila ‘yong kamay ko, dahilan para mapaupo akong muli sa tabi niya. “Hindi ka muna puwedeng umalis.”

 

“B-Bakit?”

 

“Alam mo na e. . .” Napayuko siya.

 

“Alam ko na ang alin?”

 

Tumingin siya sa’kin na para bang nahihiya. “Alam mo nang gusto ko si Raph. Hindi kita puwedeng paalisin hangga’t hindi ko nasisigurong hindi mo ‘to sasabihin sa kanya.”

 

“Otaku ka siguro, ano? Anong gusto mong mangyari? Magpaka-Ryuuji ako sa’yo katulad no’ng sa Toradora?”

 

Umirap siya. “Uuwi na ‘ko.”

 

“Ha?”

 

“Ang sabi ko, uuwi na ‘ko,” pag-uulit niya.

 

“Oo nga, narinig kita.”

 

“Ayun naman pala e. Bakit ka nag-ha kung narinig mo naman pala ako?” nakapameywang niyang tanong.

 

Napakamot ako sa batok. “E ano naman kung uuwi ka na?”

 

Shit pala ‘to e,” pabulong niyang sabi bago ituro ang kanyang sarili. “Remi Frausia Santiago,” dugtong niya. “Anong pangalan mo?”

 

Julian Fritz Ramos,” naguguluhan kong sagot. Lumapit siya sa’kin hanggang sa halos magkadikit na ‘yong mga ilong namin. “A-anong gagawin mo?”

 

Mataman niya akong tiningnan. “Fritz ang pangalan mo?”

 

“May problema ka ba sa pangalan ko?”

 

Napangisi siya bago sumagot. “Meron, ang bakla kasi e.” Humagalpak muna siya ng tawa at saka tumakbo palayo.

 

Ibang klase. Babae ba talaga ‘yong kausap ko kani-kanina lang? At bakit may tattoo siya sa leeg? Bawal ‘yon sa university a? Bakit nga ba niya ako tinawag na shit? Wala naman akong ginagawang masama sa kanya. Siya pa nga ‘yong bigla akong kinuwelyuhan. At isa pa, bakit paulit-ulit niyang sinabi sa’kin na uuwi na siya?

 

Pagdating ko sa LRT Station, bumili ako kaagad ng ticket. Dahil wala pang tren, umupo muna ako sa bandang gilid.

 

Isusuot ko na sana sa tainga ko ‘yong puti kong earphones nang may marinig akong kumakanta. Napatingin ako sa katabi ko. “R-remi?”

 

Mabilis na nawala ‘yong ngiti niya. “Sinusundan mo ba ako?”

 

“Bakit naman kita susundan?” Nag-iwas ako ng tingin. “Dito ako sumasakay. Kahit tanungin mo pa ‘yong sekyu dyan e.”

 

Hindi na siya sumagot.

 

Nandyan na po ‘yong tren. Kung maaari lamang ay hwag tayong tumapak sa dilaw na linya.”

 

Remi stood up and I did the same.

 

Masikip sa loob ng tren. Kaharap ko lang si Remi kahit na umiiwas pa rin siya ng tingin. Amoy na amoy ko rin ‘yong magkahalong pawis at pabango sa hangin—tipikal na senaryo sa loob ng tren. Ang hindi ko inasahan ay ang sumunod na nangyari.

 

May tumulak kay Remi, dahilan para mapalapit siya sa’kin. Mas hinila ko siya palapit sa’kin. 
“Hindi ako manyak, ‘ha? Baka mamaya, kung sa’n ka pa sumubsob,” bulong ko sa kanya.

 

Mahirap na. Baka bukas lang ay may biglang kumalat na balitang nambastos ako ng babae.

 

Tumungo lang siya—hindi pa rin ako tinitingnan sa mata.

 

“Ayos ka lang ba? Nakakahinga ka pa ba dyan?” nag-aalala kong tanong sa kanya.

 

“Ayos lang ako,” sagot niya habang nakayuko.

 

Ano bang problema sa’kin ng babaeng ‘to? Kanina pa siya hindi makatingin sa’kin e. “Bakit ba hindi mo ako matingnan sa mata?”

 

Napapitlag naman siya sa gulat. Tiningnan niya ako nang masama. “Ayan. Masaya ka na ba?”

 

“Ang labo mo. Ikaw na nga ‘tong—”

 

Hindi niya ako pinatapos magsalita. “Hindi ko naman hiniling sa’yo na gawin mo ‘yan. At saka, baka nga hinarangan mo lang ako para mas mapalapit sa’kin.”

 

Grabe. . . Ibang klase. Talaga nga naman, oo.

 

“O bakit hindi ka makasagot? Tama ako, ‘no?” nakangisi niyang sabi. “Umamin ka na kasi na—”

 

“Na ano?”

 

“Gil Puyat Station. Pakiiwasan ang pagsandal sa magkabilang pintuan ng tren. Paunahin po muna natin ‘yong mga bababang pasahero.”

 

Inirapan ako ni Remi. “Na na-love at first sight ka sa’kin.”

 

Siguro, kung maluwang ang sinasakyan naming tren, napasapo na ako sa noo. Hindi ko yata kayang intindihin ang logic na mayro’n ang babaeng ‘to.

 

Pero oo, inaamin ko. Maganda si Remi. May pagka-brown ‘yong mga mata niya. May lahi ba siya? Tama lang din ang pangangatawan niya—hindi siya ga’nong payat at hindi rin siya mataba. Medyo kulot ‘yong buhok niyang kulay brown. Hindi ko alam kung bakit ngayon ko lang siya nakita. Sa talas ba naman ng mata ng kabarkada kong si Austin pagdating sa mga babae sa university, imposibleng hindi siya mapansin nito.

 

“Managinip ka,” ang tanging sinabi ko sa kanya.

 

“Tsk,” napailing siya, “Ako pa talaga ang managinip? Ikaw nga ‘tong dumidikit sa’kin e.”

 

“Bahala ka nga.”

 

Lumipas pa ang ilang minuto. Gano’n lang ang posisyon naming dalawa.

 

“Nasa Carriedo Station na po tayo. Pakiiwasan ang pagsandal sa magkabilang pintuan ng tren. Kung maaari ay paunahin po muna natin ‘yong mga bababang pasahero.”

 

“Excuse me,” bulong ko kay Remi. Nang tumabi siya ay bumaba na ako ng tren.

 

Umulan pala.

 

Inilagay ko sa harapan ‘yong backpack ko bago bumaba ng hagdanan. Maraming snatcher dito e. Nataon pa namang dala ko ‘yong huling kopya ng thesis paper namin. Mahirap na.

 

Naglakad ako sa putikang kalsada ng bangketa. Nang maramdaman kong may nakasunod sa’kin, huminto ako sa paglalakad.

 

“Ano ba naman ‘yan?” mahinang reklamo ni Remi. . ?

 

“Bakit ka nandito?” tanong ko sa kanya.

 

Dios mio! Dito pa talaga kayo naglampungan! Hala, do’n kayo sa gilid! Ang lawak ng kalsada e!”

 

Napatingin ako do’n sa matandang babae. “Pasensya na ‘ho, manang.”

 

“7-11 tayo,” nakayukong sabi sa’kin ni Remi.

 

Bumili siya ng kape. Hinintay ko lang siya. . . kahit hindi ko alam kung bakit ako nandito. Maya-maya pa ay umupo na siya sa tabi ko.

 

“Puwede na ba kitang tanungin kung bakit mo ako sinusundan?”

 

“Anong si—”

 

Pinutol ko ‘yong sasabihin niya. Mangangatwiran pa kasi e huling huli ko na siya. “Remi. . . hwag ka nang mangatwiran, please? Kagagaling ko lang sa university tapos pumunta pa ako sa Raven’s Park. Pagod na ako. . . tapos may defense pa kami bukas.”

 

Huminga siya nang malalim. “Ano ba kasing tinatanong mo?”

 

“Bakit mo ako sinusundan?”

 

“A. . . ‘yon lang pala.” Humigop siya ng kape.

 

“Remi, please.”

 

Totoo naman ‘yong mga sinabi ko. May defense pa kami nina Austin bukas nang umaga. Alas-siyete na rin kasi. Kailangan ko pang aralin ‘yong mga posibleng tanong na naka-assign sa’kin. Kung alam ko lang kasi na may nakaipit na sulat do’n sa—

 

“It was for you,” she whispered.

 

“Ano?”

 

“P-para sa’yo ‘yong sulat sa Thesis Guide ni Cassidy Park.”

 

Ano raw?

 

                “Dinaga kasi ako e.” Humigpit ‘yong hawak niya sa baso. “Wala ka bang sasabihin?” Tumingin siya sa’kin.

 

“Teka, hindi ko kasi ma-gets e.”

 

She sighed. “That note on Cassidy Park’s Thesis Guide is for you in the first place. Ikaw talaga ‘yong pinapupunta ko sa Raven’s Park. Hindi ‘yong Raph na sinasabi ko.”

 

Hindi ako nakasagot.

 

“At kung bakit kita sinusundan? Simple lang. I was stalking you,” ngumiti siya nang maluwang, “Like I told you, dinaga ako.”

 

“Dinaga?” Napakamot ako sa batok. “Bakit mo ako pinapunta do’n?”

 

Shit talaga ‘to. Walang duda,” pabulong niyang sabi.

 

“Ano ‘yon?”

 

“Wala! Ang sabi ko, may hitsura ka sana kaso minsan—minsan lang naman—ang tanga mo.”

 

Natawa na lang ako sa kanya.

 

“Kaya mo ba ako pinapunta sa Raven’s Park. . . kasi may aaminin ka sa’kin?” Tiningnan ko siya sa mata.

 

“Gano’n na nga. Salamat naman at na-gets mo na ‘yong gusto kong iparating.” Katahimikan. Tumikhim siya. “Ano na? Hindi mo ba ako iri-reject at paiiyakin gaya no’ng ginawa mo sa lower year na si Andrea kasi ‘studies first’ ang motto mo sa buhay?”

 

“No, I’m not going to reject you,” natatawa kong sabi sa kanya.

 

“E ano?” Inis niyang hinampas ‘yong kamay ko sa ibabaw ng mesa. “Paasa ka rin pala, e ‘no?”

 

“Sabi mo kanina, uuwi ka na, ‘di ba?” pag-iiba ko ng usapan.

 

“Ha? Wala naman akong sinabi a?”

 

“Kanina sa Raven’s Park, dalawang beses mong sinabing uuwi ka na.”

 

“Ang alam ko kasi, gentleman ka kaya inakala kong ihahatid mo ako pauwi. Ang kaso, hindi mo ako hinatid. . . kaya sinundan na lang kita.”

 

“O kaya nga. Ihahatid na kita.” Tumayo ako at isinukbit sa balikat ‘yong backpack ko.

 

Tumayo na rin si Remi. “Rejected na ba ako?”

 

Pabiro kong ginulo ‘yong buhok niya.

 

“Umuwi na tayo. Ihahatid na kita.”

 

 

Fraus; the goddess or personification of treachery and fraud in Roman mythology; an alternative name for Mercury, the god of theft (among other things); also known as Apaté in Greek mythology.

 

fin

Posted in art, black slug, Childhood, dagli, depression, Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, random, Uncategorized

oblivion.

          Isang kuwarto. Nasa loob ako ng isang kuwarto ngunit wala akong maaninag na gamit. Sa kabila ng dilim, alam kong nasa loob pa rin ako ng aming bahay. Naroon pa rin kasi iyong kumportableng pakiramdam.

          Nabasag ang katahimikan nang may narinig akong kalansing ng susi mula sa labas. Si Papa yata iyon. Lagi kasi siyang may dalang susi kaya’t nalalaman kong parating na siya.

          Biglang bumukas ang pinto ng kuwartong iyon. Kasabay niyon ang pagkakaroon ng liwanag mula sa bumbilya.

          Hawak ni Papa ang kanang kamay ng nakababata kong kapatid habang ako ay nasa harapan nila – nakatayo.

          “Pa, saan kayo galing? Bakit hindi niyo ako sinama?” tanong ko sa kanya.

          Sinipat niya ako mula ulo hanggang paa. Tiningnan niya ako na para bang noon niya lamang ako nakita. Hindi niya napansin iyong relong kulay pink na ibinigay niya sa’kin nang minsan ay namasyal sila at hindi ako nakasama sa kadahilanang sandamakmak ang mga proyekto ko no’ng araw na iyon.

          Tiningnan niya ang mga mata ko katulad ng lagi niyang ginagawa sa tuwing pinapangaralan niya ako. Ngunit alam kong may kakaiba.

          “Sino ka? Paano ka nakapasok dito?” tanong ni Papa na ikinabigla ko.

          Sinulyapan ko ang aking nakababatang kapatid ngunit miski siya ay tiningnan ako na para bang isang estranghero. Hindi niya ako tiningnan bilang kanyang ate na nag-aabot ng kanyang tuwalya sa tuwing makaliligtaan niya ito bago maligo.

          Hindi nila ako maalala. Hindi na nila ako kilala.

florence

Posted in Childhood, Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, poetry, random, Uncategorized

ang anghel at ang demonyo.

          “Hindi ka ba sasabay sa pagkain?” tanong ng Mama niya sa kanya. Kapansin-pansin ang kunot sa noo nito habang nanatiling diretso ang tingin ni Keila.
          Hindi man lang niya sinulyapan ang ina at dumiretso sa kama. Padabog niyang sinara ang pinto. Sa harap ng salamin ay unti-unti niyang inalis ang mga bagay na nagsisilbing maskara niya – identification card, neck tie na may logo ng kanyang paaralan, at ang kanyang uniporme. Nagpakawala siya ng isang buntong-hininga bago nagsalita, “Alam kong nandyan ka. Sige na, hwag ka nang magtago.”

          “Ano ba ‘yan? Paano mo nalaman?” inis na sabi ng isang itim na nilalang. Mayro’n itong dilaw na mga mata at itim na balat na tila gawa sa tinta ng bolpen. “Magsusulat ka ba ngayon? Magsulat ka naman ngayon para may hapunan ako.”

          “Ayoko. Matutulog na ako,” tugon ni Keila habang pilit na iniiwasang makita ang nakatatakot na itim na nilalang.

          “Hindi ka puwedeng matulog!” sigaw nito sa kanya. Nagsilabasan ang mga pangil nito na walang kasingtulis. “Kailangan kong kumain!”

          “Ayoko nga sabi!” sigaw niya pabalik.

         “Kailangan. Mong. Magsulat.”

         “Ayoko. Pagod ako. Please lang, hwag ngayon.”

         “Wala nga akong kakainin!” pagmamaktol ng itim na nilalang na tila ba isang batang inagawan ng kendi. “Kailangan kong malaman kung ano na ang tumatakbo sa isip mo. Gusto kong malaman kung paano mo inilalarawan sa utak mo ‘yong pakiramdam ng lumunok ng asido!”

          “Tama na. Ayoko ngang magsulat.”

          Napangiti ang halimaw. Alam nitong may epekto kay Keila ang mga sinasabi niya. “Gusto kong malaman kung paano mo inihahalintulad sa paglipad ang pagtalon mula sa ikaapat na palapag ng paaralan mo.”

          “Stop. Tama na.” Tinakpan ni Keila ang kanyang mga tainga. 

          Nagbabakasakali siyang hindi na niya maririnig ang halimaw ngunit doon siya nagkamali. Kahit nagtakip na siya ng kanyang tainga ay naririnig pa rin niya ang pang-asar nitong boses na para bang nasa loob ito ng utak niya.

          “Ano nga bang pakiramdam ng pagkadurog ng buto? Ano nga bang pakiramdam ng paglalaslas sa pulso? Ha? Gusto mo bang malaman?”

          “Shit ka.” Inis na tumayo si Keila at kinuha ang kuwaderno sa ibabaw ng kanyang mesa.

          Nakangiting inabot sa kanya ng itim na halimaw ang kulay asul na bolpen. “Bilisan mong magsulat, nagugutom na ako.”

Wala namang bago sa sumunod na araw. Ganoon pa rin naman ang lahat. Sa paaralan, makikitawa at makikipagbiruan si Keila sa kanyang mga kaibigan na para bang hindi niya sinubukang idikit ang bread knife sa pulsuhan niya bago matulog. Pagdating naman sa bahay ay tatapusin niya ang sandamakmak na gawain mula sa paaralan bago pakainin ang itim na halimaw sa kuwarto niya. Gustuhin man niyang patayin ang halimaw ay hindi niya magawa. Gawa kasi ito ng mga maiitim niyang plano sa pagkitil ng sariling buhay at hindi niya kayang pigilan ang sariling mag-isip ng kung anu-ano.

Maayos naman ang lahat. Wala naman siyang problema sa kanyang pamilya. Wala rin siyang problema sa kanyang mga kaibigan. Maayos ang lahat, iyon ang lagi niyang iniisip ngunit sadyang mayroong mali. Sa dinami-rami naman kasi ng mga tao, siya pa ang napiling samahan ng itim na halimaw na iyon. Ayos naman ang lahat at wala siyang dahilan kung bakit gusto na niyang maglaho ngunit nakararamdam siya ng sobrang kalungkutan.

Ang nakasusuka niyang mundo ay unti-unting gumuho nang dumating si Nikolai Isaiah Montenegro. Kalilipat lamang nito at unang araw pa lamang nito sa klase ay kapansin-pansin na ang pagsulyap nito sa kanya. At dahil siya si Keila Dione Reyes, hindi niya pinansin iyon. Lagi niyang iniisip na baka iba ang tinitingnan nito. Baka nagkataon lang na nakatingin ito sa kanya. Ang akala niya ay wala lang iyon hanggang sa kumalat ang balitang gusto siya ni Nikolai.

“Hindi totoo ‘yan,” medyo inis niyang sabi sa kanyang kaibigang si Dianne. Pinagpipilitan kasi nito sa kanya na totoo ang bali-balita. “Imposible lang kasi saka hindi niya naman ako kilala. Parang ang bilis naman ata.”

“Maganda ka naman e. Maldita ka lang,” natatawa pa nitong sabi.

Wala naman kasing ginagawa iyong si Nikolai para mapalapit sa kanya hanggang sa isang araw, kinausap siya nito. 

Hi,” umupo ito sa tabi niya, “ayaw mo bang sumali sa kanila?” Tinuro pa nito ang kanyang mga kaibigang masayang naglalaro ng dodge ball.

Hindi niya alam ang isasagot. Hindi naman siya mahiyain. Nabigla lang siguro siya dahil kinausap siya ni Nikolai. “Ayoko sa mga ganyang laro,” sagot niya habang nakatingin sa mga kaibigan.

“Bakit naman?” kunot-noong tanong nito sa kanya.

“Ayoko lang. Mas gugustuhin kong nakaupo at nagbabasa.”

Bookworm ka?” muli pa nitong tanong.

Writer din, ang gusto niyang sabihin pero hindi pa naman sila gaanong magkakilala. “Medyo,” tipid niyang sagot sa lalaki. “Depende sa genre.”

“Anong genre ba ang trip mo?” usisa pa ni Nikolai.

Fiction. Kung bakit fiction? Uh. Siguro kasi kahit ano, puwede mangyari.”

“Gano’n din naman sa fantasy a?”

“Sa fantasy kasi, ano. Alam mo ‘yon? Kahit na pilit kang dinadala ng author sa mundong ginawa niya, mayro’n pa ring bumubulong sa utak mo na hindi ‘yon mangyayari sa totoong buhay. So I would rather choose fiction. At least kahit papa’no alam mong posible ‘yong–” Gulat siyang napatingin kay Nikolai. “Teka nga, bakit ko nga ba sinasabi sa’yo ‘yon?”

Natatawang umiling si Nikolai. “Hindi ko alam sa’yo. Ikaw lang naman ‘tong biglang nagkuwento tungkol sa fiction at fantasy.”

Napatingin si Nikolai sa paparating nilang mga kaklaseng tapos nang maglaro. “Uh. Mauna na ako bago pa sila… Mang-asar.” Nginitian siya nito at saka pabirong ginulo ang buhok niya. “Ang saya mo palang kausap. Sa susunod ulit.”

Nang gabing ding iyon, mahimbing na nakatulog si Keila. Nawalang parang bula ang itim na halimaw. Lumipas pa ang mga araw at nahulog ang loob nila sa isa’t isa. Sobrang saya ni Keila at alam niyang kasunod ng bawat halakhak niya ay luha. Natatakot siya. Ayaw na niyang magpatuloy pa ang sayang nararamdaman niya sa tuwing kasama niya si Nikolai. Pakiramdam niya kasi ay mayroong malaking kapalit ang pagiging masaya niya. Nagpatuloy ang mahihimbing niyang tulog. Walang itim na halimaw na nambubulabog sa tulog niya. Walang itim na halimaw na nagtatanong sa kanya kung paano niya gustong kitilin ang sariling buhay.

Matagal-tagal din niyang hindi binubuksan ang kuwaderno sa ibabaw ng mesa niya. Alam niya kung ano ang laman ng kuwadernong iyon – ilang mga hangman at hindi mabilang na suicide plan. Alam niyang ikatutuwa ng itim na halimaw ang gagawin niya pero ginawa niya pa rin – binuklat niya ang kuwaderno at binasa ang mga pinagsusulat niya.

Ayoko na dito. Gusto ko nang umalis. Hindi ko na kaya. Wala na yatang nagmamahal sa’kin. Nasasakal na ako kahit maayos lahat. Nalulunod ako. Hindi na ako makahinga. Please save me. Tangina, ayoko na.

Nanginginig niyang sinara ang kuwaderno pero huli na ang lahat. Muling nagising ang itim na halimaw. Nakangiti siya nitong binati. “Akala mo ba mahal ka ng lalaking iyon? Ako na ang nagsasabi sa’yo, hindi ka niya mahal!”

“A-alam ko. Hindi mo kailangang ipamukha.”

“Kung mahal ka man niya ngayon, mabilis ding mawawala iyan dahil makahahanap siya ng mas maganda kaysa sa’yo.”

“Alam ko. Tama na, please.”

“Anong tama na? Hindi ako titigil hangga’t hindi ka tumitigil sa kahibangan mong ‘yan!”

“Tama na, tama na.” Inis siyang tumayo. Kinuha niya ang cutter mula sa drawer at tuluyan itong idinikit sa pulsuhan niya.

Iniwasan niya si Nikolai. Hindi niya ito pinapansin at pinipilit niyang hwag itong tingnan sa tuwing mayro’ng recitation sa klase. Hindi naman nagreklamo si Nikolai. Simula’t sapul naman kasi ay wala silang relasyon. Alam nilang may gusto (o mahal) nila ang isa’t isa pero wala iyong tinatawag na “commitment”. Ang akala ni Keila ay hindi napapansin ni Nikolai ang paglayo niya. At doon siya nagkamali.

Isang gabi, mula sa paaralan si Florence at gaya ng nakasanayan, tuloy-tuloy lang siya papuntang kuwarto. Halos hindi na rin niya maaninag ang dilaw na mga mata ng itim na halimaw sa sobrang taas nito. Abot na sa kisame ang itim na halimaw. Kasinglapad na rin nito ang mattress ng kama niya. Gabi-gabi niya itong pinapakain sa pamamagitan ng mga tulang pinagsusulat niya. Triple naman ang inilalaki ng itim na halimaw sa tuwing nilalaslas niya ang kanyang pulso.

Akmang kukunin na niya ang cutter mula sa drawer nang biglang nagbukas ang pintuan niya. “Keila?” Si Nikolai pala. Bakas ang gulat sa mukha nito habang palipat-lipat ang tingin kay Keila at sa cutter na handa nang humalik sa pulsuhan nito.

“Anong nangyayari?” Patakbong lumapit si Nikolai kay Keila. Naguguluhan man ay inagaw niya ang cutter mula rito. “Bakit ka…”

“A-ayoko na kasi e.”

“Hindi pagpapakamatay ang sagot. Hwag namang ganito. Alam mong hindi ko magugustuhan ‘pag nawala ka kaya bakit? Hinayaan kitang lumayo kasi akala ko, gusto mo lang huminga sandali pero anong nangyayari?” Huminga muna ito bago nagpatuloy. “Hindi ko kaya ng wala ka. Sana naman alam mo ‘yan.”

“Nasasakal na kasi ako. Ayokong madamay ka. Ayokong masali ka. Ayokong mahirapan ka.”

“Kaya mo ba ako iniiwasan? Alam mo, mas gugustuhin kong ‘madamay’ ako sa problema mo kaysa sa magising na lang akong wala ka na.” Niyakap niya ng mahigpit si Keila. “Kasi sinasabi ko sa’yo, hindi ko kakayanin. Mahal kita, okay?”

“Mahal din kita.”

Tahimik lamang silang pinapanood ng itim na halimaw na tila ba nahihirapang huminga. Maya-maya pa ay sumabog na parang abo ang itim na halimaw.

“W-wala na siya.”

“Ha? Sino?”

“’Yong itim na halimaw.”

“Anong itim na halimaw?” Tumawa si Nikolai. “May nakikita ka bang hindi ko nakikita?”

“Ha? E-ewan ko. Nandiyan lang siya kanina.”

“Ewan ko sa’yo. Ang wirdo mo.”

florence

Posted in Childhood, Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, poetry, random, Uncategorized

si andrea.

Kababasa ko lang ng blog post ng isang kaibigan. Tungkol iyon sa pakikipag-away nila ng mga kapatid niya sa isang kapitbahay na namaril sa aso nila. Habang nagbabasa, pilit kong inalala ‘yong mga araw na nasa labas ako ng bahay. Ang kaso nga lang, hindi nga pala ako lumalabas ng bahay namin. Lagi akong nasa loob ng bahay, nakalingkis sa payat na braso ng manika kong si Ansherina. Lumalabas lang ako ng bahay kapag uutusan ako ni Mama na bumili ng Magic Sarap, Knorr Cubes (kadalasang chicken), o ‘di kaya ay Tide powder.

Mayroon akong lutu-lutuan. Marami akong mga manikang kumpleto ng damit at sapatos. Mayroon din akong bahay-bahayan. Mayroon din ako ng mga maliliit na librong pambata. Sagana ako sa mga laruan pero ano naman ang gagawin ko sa mga laruan ko kung wala naman akong kalaro?

Hindi naman ako takot na makipagkaibigan o kung anuman noon. Hindi rin naman ako tinutukso kaya hindi ko rin alam kung bakit wala akong kalaro. Isang araw, habang nakaupo ako sa may tarangkahan ng bahay namin, may isang batang babaeng tumawag sa’kin. Akala ko pa nga no’ng una ay hindi ako ‘yong tinatawag niya kaya hindi ko siya pinansin.

Dahil ayokong lumabas, pumasok ‘yong batang babae sa gate namin at saka ako pinuntahan sa tarangkahan. Nakipagkilala siya at nakipagkaibigan. Andrea raw ang pangalan niya at nakatira siya sa katabi naming bahay. Naglaro kami ng lutu-lutuan hanggang sa napansin kami ni Mama. Binantayan niya lang kami mula sa pintuan pero hindi naman siya nagalit na nagpapasok ako ng isang bata galing sa labas.

Napakadaldal ni Andrea. Ang dami niyang kuwento at para bang hindi siya nauubusan ng sasabihin. Sa sobrang dami ng kuwento niya ay nabagot ako. Ramdam kong unti-unting lumipad ang utak ko. Si Andrea? Daldal pa rin siya nang daldal hanggang sa mapagtanto niyang hindi na ako nakikinig.

Napakabilis ng pangyayari. Sa inis ni Andrea na hindi ako nakinig sa kuwento niya, sinabunutan niya ako. Aaminin ko, may pagka-overreacting ako dahil umiyak ako kahit hindi naman ako nasaktan sa pag-unat niya sa kulot kong buhok. Pero kasi, hindi ako pinapalo ng mga magulang ko pagkatapos ay bigla niya akong sasabunutan dahil hindi ako nakikinig sa pagkukuwento niya?

Hindi naman ata tama iyon.

Umiyak ako nang umiyak. Patakbo kaming nilapitan ni Mama. Pinagalitan niya si Andrea at sinabihang huwag nang makipaglaro sa akin.

Hindi ko talaga alam kung anong dapat kong maramdaman noon. Hindi ko alam kung dapat ba akong mainis kay Mama dahil nawala ang una kong ‘kaibigan’ o magpasalamat kay Mama sa pag-iwas niya sa akin sa sakit na dulot ng pagsabunot ni Andrea.

florence

Posted in black slug, Childhood, depression, Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, poetry, random, Uncategorized

fourth floor.

Naaalala ko pa. Nakatayo kami ng mga kaklase ko sa ikaapat na palapag ng katatayo lamang na gusali. Nakasandal kami sa bagong kabit na railings. Wala naman talagang harang doon. Dati rati pa nga ay puwede kaming umupo sa hubad na semento.

Nagtatawanan kaming magkakaibigan. Tatlo kaming nakasandal sa bakal na harang na iyon. Iyong iba naman naming mga kaklase ay nakaupo sa puting tiles habang naghihintay na matapos ‘yong klaseng nasa loob.

Wala naman talagang makabuluhang nangyari noong araw na iyon. Nagklase kami katulad ng nakasanayan. Halos lahat kami ay bagsak sa kababalik lamang na papel sa Math. Wala namang bago.

Pero may kung anong mayro’n sa mga harang na bakal na iyon. Nakasandal kaming tatlo doon, nakakapit sa bagong pinturang bakal habang nagtatawanan. Naaalala ko pang nakangiti silang dalawa noon bago ako nagbiro.

“Siguro kaya nila nilagyan ng railings kasi baka may tumalon.”

Napatingin silang dalawa sa’kin. Mga dalawang segundo rin silang nakatitig sa’kin bago sila nagpakita ng reaksyon.

Ang isa ay tumawa. Ang isa naman ay ginulo ang buhok ko.

“That’s bad. ‘Wag ka ngang mag-isip ng ganyan. Nako,” naaalala ko pang sabi niya.

Hindi ko alam kung anong sasabihin. Nginitian ko na lang sila pareho at tahimik na pinasalamatan ang ikalawa.

florence

Posted in friendships, journal, Maikling Kuwento, poetry, random

random #15: suicidal

Hindi na alam ni Aika kung anong sasabihin sa kaibigang si Mae. Kinakailangan kasing umalis ng ina ni Mae at iyon ang ikinatatakot nito. Kung anu-ano na kasi ang pumapasok sa utak ni Mae. Mommy’s girl si Mae habang Daddy’s girl naman si Aika. Ang pinagkaiba ng sitwasyon nilang dalawa ay buhay pa ang nanay ni Mae samantalang ang tatay ni Aika ay matagal nang patay.

Ting!, tunog ng laptop ni Aika, senyales na nakatanggap siya ng mensahe sa Facebook. Isang bagong mensahe mula kay Mae. Huminga muna ng malalim si Aika bago buksan ang chatbox nila ni Mae.

M – Mae; A – Aika

M: bes, parang gusto ko na lang mawala 

A: hoy, wala namang ganyanan

M: seryoso, hindi ko kakayanin pag umalis si mama

A: kaya mo ‘yan! ikaw pa, fighter tayo, di ba?

M: hindi ko na alam…

A: Mae, nandito lang ako… Isipin mo na lang kung anong mararamdaman ko kapag tinuloy mo ‘yang binabalak mo

M: sige, babye na

A: Basta, wala kang gagawing hindi ko gusto… Okay?

M: Okay…

Nag-log out na si Aika sa Facebook, isinara ang laptop, at saka humiga sa kama. Maya-maya  pa ay muli siyang tumayo. Binuksan niya ang isang drawer sa tabi ng kanyang kama at nanginginig na dinampot ang kumikinang na blade.

florence

Posted in Filipino, journal, love, Maikling Kuwento, poetry, random

gusto kong magsulat.

Gusto kong magsulat. Nasa pagitan na ng aking mga daliri ang plumang handa nang humalik sa papel ngunit paano ba ako magsisimula?

Hindi ko alam kung magsisimula ba ako sa malaking letra (masyado kasing pormal) o sa maliit na letra (baka magmukha namang walang kuwenta).

Hindi ko alam kung sisimulan ko ba ang tulang balak kong isulat sa pamamagitan ng isang masayang linya o isang malungkot na linya.

Kung magsisimula ako sa masayang linya, siguradong mapapangiti ang sinumang magbabasa. Kung magsisimula ako sa isang malungkot na linya, hindi ba’t magiging isang bagsakan ang sakit?

Hindi ko alam kung tungkol saan, ano, at kanino ang isusulat kong tula. Basta’t ang alam ko ay gusto kong magsulat. Hindi ko alam kung paano ngunit nginingitian ata ako ng mga pluma.

Isang ngiting napakaganda.

Nakakaakit at nakakaadik.

florence

Posted in Filipino, friendships, journal, Maikling Kuwento, poetry, random, Uncategorized

journal #7: isang sulat para sa taong ‘di karapat-dapat

Para sa’yo,

Alam kong hindi mo inaasahang magsusulat ako tungkol sa’yo ngunit may mga gusto akong sabihin sa’yo na hindi ko kayang sabihin nang harapan. Una sa lahat, salamat dahil naging matatag ako. Dahil sa’yo, natuto akong pumili ng mga dapat pagkatiwalaan. Salamat sa’yo at naging maingat ako sa lahat ng bagay.

Pasensya nga pala kung lumayo ako nang hindi man lang kita hinayaang magpaliwanag. Halos tuklawin na kasi noon ako ng katotohanan at may quota naman ang pagpapakatanga ko. Pasensya nga pala kung tumigil ako sa pagsagot sa mga tawag mo, pati sa pagrereply sa text at chat mong pulos “uy” at “hi” ang laman. Naumay na kasi ako sa pagpapapansin at hanging dala mo.

Aaminin ko, nagpahabol ako sa’yo. At pakiramdam ko, ang sama sama kong nilalang dahil hindi ko man lang binagalan ang takbo ko para makahabol ka. Nakalayo ako at nang madapa ako, may tumulong sa akin… at hindi ikaw iyon. Tinanggap ko ang tulong niya at sinamahan niya ako habang ikaw… Hindi na kita natanaw pa.

Hinding hindi ako mapapagod sa pagpapasalamat sa iyo. Kung hindi dahil sa’yo, hindi magyeyelo ang puso ko at marahil ay mawawalan siya ng papel sa buhay ko. Alam mo bang dahil sa’yo ay ilang beses ko siyang pinagdudahan? Dahil sa’yo, nahirapan akong ibahagi ang kuwento ko sa kanya. Dahil sa’yo, nanatiling tikom ang bibig ko hangga’t hindi ako tinatanong. 

Salamat at patawad. Hanggang sa muli, kaibigan.

florence