Posted in art, depression, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, one-shot, random, word vomit

Dear Rain

Dear Rain,

Hello. Ayos ka lang ba dyan? Kahit sinusulat ko pa lang ‘to, naiisip ko na agad ‘yong pagkunot ng noo mo. You’re probably wondering why I wrote this. Alam ko namang walang kasiguraduhang matatanggap mo ‘to pero malay natin, ‘di ba? And as to why I wrote this, darating din tayo dyan. But first things first, let’s take a trip down memory lane.

Do you still remember how we met? Sana naman oo. Pero kung hindi mo maalala, ipapaalala ko sa’yo. I was standing in front of Café Valentin. Basang-basa ako no’n dahil sa biglang buhos ng ulan. Kilala mo naman kasi ako, ‘di ba? Alam mong ayaw na ayaw kong nagdadala ng payong. Now that I’m thinking about that incident. . .

Posible kayang naramdaman mong wala akong dalang payong kaya mo ako hinintay sa labas ng café?

Ikaw ‘ha. Sabi ko na nga ba e. Na-love at first sight ka yata sa’kin no’n. Hindi ko na yata makakalimutan ‘yong hitsura mo no’ng araw na ‘yon. Nakasuot ka kasi ng isang t-shirt na may imprentang “The Beatles” sa harapan. Gusot din ‘yong pantalon mong medyo nabasa na rin ng ulan.

No’ng una, inakala kong napilitan ka lang na pasilungin ako sa dala mong payong na kulay pula. Nakabusangot ka kasi at pilit mo rin akong iniiwasang tingnan sa mata. Nagpahatid pa nga ako sa’yo sa bahay namin. Pagkatapos, no’ng nagpasalamat ako sa’yo, tinanguan mo lang ako bago ka nagmadaling umalis.

Pakiramdam ko nga, galit ka sa’kin. Pero ano bang ikagagalit mo, kung sakali? Hindi naman kita nilapitan e. Ikaw ‘yong biglang lumapit sa’kin habang hawak ng kanang kamay mo ‘yong payong at isang supot naman ng libro sa kaliwa. No’ng araw ding ‘yon, pagkahatid mo sa’kin sa bahay, nakatanggap kami ng tawag galing sa opisina ni Kuya Gus. Nasa ospital daw si Kuya. He was pronounced dead on arrival.

Everyone in the family was expecting his death but even so, I blamed you. Ewan ko rin kung bakit ko ‘yon ginawa. Siguro kasi pakiramdam ko, malas na nakilala kita o baka wala lang akong masising iba. Hindi naman kasi siya namatay dahil sa isang murder o arson katulad no’ng mga napapanood natin sa CSI America.

Heart failure kasi ang ikinamatay ni Kuya. Sa pamilya namin, hereditary na ang sakit sa puso. My father also died because of heart failure five years ago. ‘Yon na rin ang dahilan kung bakit hindi na nagulat ‘yong iba naming kamag-anak sa nangyari kay Kuya Gus. Like I told you, it was expected. Everyone saw it coming.

Well. . . everyone except me.

A month passed by after we “met”. My relatives tried to convince my mother to have me home-schooled instead. Pero ayaw ni Mommy. Hindi naman ako tutol sa home-school. Kung tutuusin nga ay pabor pa sa’kin ‘yon. I had a hard time recovering from my brother’s death. Si Kuya Gus kasi ‘yong tumayong tatay ko habang ginagampanan din niya ang pagiging kuya at best friend ko.

Mahirap kasing tanggapin na wala na akong gitarang maririnig sa labas ng kuwarto kapag nagkulong ako sa loob. Ilang beses ko ring tinanong sa sarili ko kung bakit hindi na lang ako ‘yong nawala. Pero kahit ilang guhit pa ‘yong nilagay ko sa pulsuhan ko, wala pa rin akong makitang sagot.

I was wearing my black hoodie. Unang araw ‘yon ng pasukan. Ni hindi ko napansin na ikaw pala ‘yong bagong estudyante na ipinakilala ni Prof. De Luna dahil nakasuot ako no’n ng earphones. Nalaman ko na lang na ikaw pala ‘yong bagong-lipat nang pinaupo ka sa tabi ko.

Ilang minuto ka ring nakatitig sa’kin bago mo napagtantong nakatingin na rin ako sa’yo.

Ay, sorry.

I still remember your reddish cheeks as you said those words. Dahil isang buwan din akong nagkulong sa kuwarto, hindi ko alam kung anong sasabihin sa’yo. Tiningnan lang kita nang mataman bago mo naisipang mag-iwas ng tingin.

Ang cute mo no’n, Rain.

Nakasuot ka na naman ng isang band shirt. Nirvana. Napansin ko rin ‘yong salamin mo sa mata. No’ng lunch break na, alam kong balak mo akong lapitan. Wala ka pa kasing kakilala no’n at hindi mo rin alam ang pasikot-sikot sa university natin.

Pasensya na kung nagmamadali akong lumabas ng room. Sanay kasi akong kumain nang mag-isa.

I guess I should have approached you back then. Hindi ko naman kasi alam na susundan mo ako sa rooftop. Doon kasi ako kumakain. Kahit pa no’ng nabubuhay si Kuya Gus, doon na ako nagpapalipas ng oras. Iyon kasi ang paborito kong lugar sa buong university. Tahimik kasi at kitang-kita ‘yong mga estudyante mula sa tarangkahan no’n.

Siguro kung hinayaan kitang lumapit sa akin bago ako nagmadaling lumabas, hindi mo ako makikitang umiyak.

Nakakahiya nga sa’yo e. Hindi man lang kita pinasalamatan matapos mo akong yakapin at hayaang umiyak nang umiyak sa balikat mo.

Rain, sorry talaga ‘ha? Hindi ko kasi alam kung anong gagawin. Si Kuya Gus lang naman kasi ang nag-iisang kaibigan ko. Nailang kasi ako sa’yo no’n. Hindi kita kilala pagkatapos hinayaan kitang makalapit sa’kin.

Hindi ka nagsalita. Hinayaan mo lang akong manahimik sa isang tabi habang nagpupunas ako ng luha. Hindi mo ako kinausap. Hindi ka nagtanong kung bakit ako umiiyak. . . pero ramdam kong hinihintay mong ako mismo ang magkuwento sa’yo nang hindi ka nagtatanong.

I respected you after that. Gusto ko lang kasi ng taong tatabi sa’kin. Ayoko do’n sa mga psychiatrist na pumupunta sa bahay. Pinipilit kasi nila akong magkuwento kahit alam nilang ayaw ko.

Nanatili tayong tahimik hanggang sa natapos na ‘yong lunch break. Nakatitig ka lang sa’kin habang mabilis kong niligpit ‘yong mga gamit ko. I started liking you since then. Nadagdagan pa siguro ‘yong curiosity ko sa pagkatao mo pagkatapos ng nangyari sa Creative Writing class natin.

We were asked to write a journal entry. Prof. Felize told us that it could be a poem, insights on some issues—kahit ano raw na pumasok sa utak natin. I ended up writing a poem. After fifteen minutes, nagtawag si Prof. Felize. Unfortunately, I was called. Napilitan tuloy akong basahin sa harap niyong lahat ‘yong sinulat ko.

The water was blurry from above

I was drowning and sinking

Deeper and deeper

Beyond anybody’s grasp

I was dying

Yet no one noticed that

I caught a glimpse of your reaction, Rain. You flinched. Alam mo siguro kung ano ‘yong ibig kong sabihin kaya gano’n ‘yong reaksyon mo. You even looked around the room, checking if someone had the same interpretation as yours. Natawa ako sa’yo.

Of course no one understood what I truly meant. Except you, Rain.

When you reacted that way, I felt like I found someone who can understand me like my brother does. Not that I wanted you to be my substitute brother. . . I just wanted to know you more.

No’ng sumunod na araw, nilapitan kita. Nakakatuwa nga kasi nagkabanggaan pa tayo. Balak mo rin pala akong yayaing sumabay sa’yo.

Pagdating natin sa cafeteria, tinitigan mo lang ako. Ako pa nga ang nagsimula ng usapan. After that ice breaker, you left to buy our food. When you returned, you asked me about the tattoo on my wrist.

“Semi-colon? Anong ibig sabihin niyan?” you asked me. Medyo nahihiya ka pa nga no’n.

“It’s a reminder.”

“Of what?”

“It’s a reminder that I should keep living.”

Concerned mo akong tiningnan. I knew what you felt after hearing my answer. Inisip mong balak kong magpakamatay. Well, ‘yan din ang iniisip ng pamilya ko.

I have scarred myself for countless times but believe me, I don’t want to die yet. I just wanted to feel.

Rain, you really disappointed me. Akala ko kasi, iiwasan mo na ako mula no’n pero hindi mo ginawa. Yes, I wanted to know you more but I didn’t want to be friends with anyone. I expected you to avoid me but you did the opposite. You stayed. You tried to be friends with me. You tried to understand my side of the story.

Two weeks passed and we had our own routine. Lagi tayong magkasabay kumain. Paminsan-minsan din ay hinahatid mo ako pauwi. Pero gano’n pa rin ako. Hindi kita gaanong kinakausap pero ni minsan ay hindi mo ako iniwang mag-isa sa lunch table natin. Ni minsan, hindi mo ako iniwan para lumipat sa mesa ng mga kaibigan mo.

Ano bang mayro’n sa’kin?

“Gusto mo bang dumaan muna sa Café Valentin?”

Tinanguan lang kita nang tinanong mo ako no’n habang naglalakad tayo palabas ng gate. Hindi ko kasi alam kung anong sasabihin. I knew you were expecting me to say no. . . so I did the unexpected.

We were sitting by the window, drinking our cappuccinos. Pareho tayong nangangapa kung sino ang unang magsasalita. Dalawang linggo na tayong magkasabay kumain pero pareho pa rin tayong naiilang sa isa’t isa.

“Yurika June. S-sa’n galing ‘yong pangalan mo?”

“Hindi ko rin alam e.”

You looked like the type who hates small talks, Rain. Sa pangalawang pagkakataon, sinubukan mo ulit akong kausapin.

“G-ganyan ka ba talaga? Ang tahimik mo kasi e.”

I smiled at you. Nakakatuwa kasing dalawang linggo pa ang lumipas bago mo naisipang itanong ‘yon. Naiilang kang ngumiti sa’kin pabalik.

Hawak ko ‘yong tasa ng kape nang bigla akong makaramdam ng sakit. I secretly took my phone out. Mabilis kong hinanap ‘yong “chest pain” sa listahan at saka ito nilagyan ng “✔ “.

“Ganito na talaga ako.”

“Ang tagal na nating magkasabay kumakain pero ito ‘yong unang pagkakataong nag-usap talaga tayo. Nakakatawa lang.”

“Oo nga e.”

Nanahimik na naman tayo. Iyon ang huli nating pag-uusap no’ng linggong ‘yon. Tatlong araw kasing walang pasok dahil sa bagyo. No’ng sumunod na linggo, bigla tayong nagkaro’n ng Physical Fitness Test.

Ayaw ko talagang makisali do’n sa 15-meter sprint kaya lang, kailangan daw talaga no’n sabi ni Prof. Eula. Medyo natatawa ka pa nga sa’kin no’n kasi kitang kita mo ‘yong pagkainis ko.

“Hwag ka na kayang sumali sa sprint? Namumutla ka e. Pumunta ka na sa infirmary, Yuri. Ako na lang ang magsasabi kay Prof.”

“Narinig mo naman ‘yong sinabi ni Prof., ‘di ba? Kailangan niya raw para sa record niya.”

“Pero Yuri. . .”

“Kaya ko naman, Rain.”

Nagulat ako no’ng bigla kang lumapit. Hindi ko naman kasi inaasahan ‘yon. Siguro medyo naging magkaibigan na tayo matapos ‘yong pag-uusap natin sa Café Valentin kaya gano’n na lang ang pag-aalala mo sa’kin.

Dapat ata nakinig ako sa’yo no’n. Hindi na dapat ako nagpumilit pang sumali sa sprint. Sorry na, Rain. Hindi ko naman kasi alam na gano’n ‘yong mangyayari. Katulad mo, nagulat rin ako. Ramdam kong gusto mo kong pagalitan no’n pero hindi mo ginawa. Instead, you kept on asking me if I’m okay. You even offered to take me home.

After what happened during our PE class, you became more concerned. Ikaw na ‘yong laging namimili kung anong kakainin ko. Isang sandwich lang kasi ang kinakain ko tuwing lunch break. Lagi mo ‘kong ipinagbibili ng kanin at ulam.

Sabi mo kasi sa’kin, madalas akong namumutla. Sinabihan mo akong masanay nang kumain ng kanin dahil ‘yon naman talaga dapat ang pananghalian ko araw-araw.

You became protective, Rain.

I have always liked that hidden side of yours. Mayro’n pa ngang isang beses na sa’kin mo binigay lahat ng gulay sa pagkain mo. Idinahilan mo pang kailangan kong kumain ng gulay e halata namang ikaw ang may ayaw do’n.

One time, you saw some of my razorblades. Galit na galit ka no’n pero hindi mo ako pinagtaasan ng boses. Nanatili kang kalmado.

Inakala mo yatang sinusugatan ko pa rin ang sarili ko pero Rain, matagal ko nang itinigil ‘yon. Kahit wala nang bagong sugat sa pulsuhan ko, hindi ko alam kung paano pero alam ko sa sarili kong buhay ako. Hindi ko na kinailangan pang sugatan ang sarili ko para kumpirmahin ‘yon.

Nandyan ka kasi sa tabi ko. Para saan pa ba ang razorblades ko kung lagi ka namang nandyan? Araw-araw mo kasing ipinapaalala sa’kin na buhay ako.

You made me feel. . . things.

Did you know that you scared me big time? Inisip ko kasing baka bigla ka na lang mawala. Masyado ka kasing mabait. Sobrang haba rin ng pasensya mo pagdating sa’kin.

Posible kayang curious ka lang sa kung anong pinagdadaanan ko kaya gano’n ka makadikit sa’kin?

Ang dami kong tanong sa’yo kaya sinubukan kita. Isang linggo akong umiwas sa’yo. I thought you had no choice but to accompany me. Baka kasi naaawa ka lang sa’kin kaya mo ako sinasamahan. Ilang beses mo rin akong sinubukang lapitan pero bago ka pa makalapit sa’kin, palabas na ako ng pintuan.

Natapos ang linggong ‘yon nang hindi tayo nagpapansinan. Akala nga ng mga kaklase natin ay “break” na tayo. Ewan ko sa kanila kung bakit nila iniisip na boyfriend kita.

Lunes ng umaga nang bigla mong hinawakan ‘yong pulsuhan ko. Hindi tayo pumasok sa first class natin. Ilang beses kong sinabi sa’yong malalagot tayo kapag nahuli tayong nagka-cutting pero ang sabi mo, mas mahalagang makapag-usap tayo.

Pagdating natin sa rooftop, ilang segundo pa ang pinalipas mo bago ako tanungin. Nangangapa ka rin ba ng sasabihin, Rain?

“May problema ka ba, Yuri?”

“Wala akong problema.”

“Huh? E bakit mo ako iniiwasan? May nagawa ba akong mali?”

“Wala ka namang ginawang mali. Ako lang naman ‘tong may problema.”

“Hindi kita ma-gets.”

“Sorry talaga sa pag-iwas ko sa’yo. Pero maniwala ka, wala kang ginawang mali.”

“Hindi mo ba talaga sasabihin kung bakit mo ako iniwasan?”

“Sorry.”

“Ayos lang. Naiintindihan kita.”

Bakit ka ba ganyan sa’kin, Rain? Alam kong nagalit ka sa’kin no’ng araw na ‘yon pero nginitian mo ako. Bakit ka ba ganyan? Inasahan kong hindi mo na ako kakausapin pa kahit kailan pero no’ng sumunod na araw, hinintay mo ako sa labas ng room natin tulad ng nakasanayan.

Hindi ko nga alam kung anong mararamdaman ko no’n e. Hindi ko alam kung matutuwa ako o matatakot.

Gusto kong matuwa kasi naging kaibigan kita. Lagi kang nandyan kahit wala pang isang buwan tayong magkakilala. . . pero natatakot din ako, Rain. No’ng mawala si Kuya Gus, nawalan ako ng isang kuya at kaibigan. Malaki ‘yong sugat na naiwan sa puso ko nang mawala si Kuya pero baka mas malala ang kahihinatnan ko sakaling ikaw naman ang mawala sa’kin.

At ang mas nakakatakot? Hindi ako sigurado kung gano’n rin ba ang tingin mo sa’kin.

Sino ka ba, Rain Gabriel Chavez? Sinadya ka bang papuntahin dito ni Kuya para tulungan akong tanggapin ang pagkawala niya?

Natatandaan ko pa ‘yong araw na ‘yon. Aksidente tayong nagkita sa mall. Nagkataon kasing inutusan kang bumili ng groceries habang ako naman, naghahanap ng magandang librong mabibili. Kumain tayo no’n ng sushi, naaalala mo pa ba?

Kinabahan ka pa nga no’ng bigla akong pinagpawisan. Akala mo kasi, allergic ako sa seafood. Nilagyan ko ulit ng ✔” ‘yong “sweating profusely” sa listahan. Pasensya na kung hindi ko sinabi sa’yo kung para saan ‘yong listahang nasilip mo sa cellphone ko.

Natakot ako, Rain. Nakumpleto ko kasi ‘yong nasa listahan. No’ng mamatay si Kuya Gus, ginusto kong sundan siya. Alam mo namang sinasaktan ko noon ‘yong sarili ko, ‘di ba? Hindi ko alam kung anong gagawin ko. Wala akong mapagsabihan. Bigla akong natakot nang sobra.

Hindi pa pala ako handang mamatay. Ayaw kitang iwan.

Nagpacheck-up ako sa doktor dalawang araw matapos nating magkita sa mall. Walang nakakaalam. Ako lang mag-isa ‘yong pumunta doon. Hindi ko na sinabi sa’yo kasi alam kong mag-aalala ka nang sobra. Mas minabuti kong walang nakakaalam. Hinala pa lang naman kasi ‘yon. I needed proof before telling you. I was very nervous. Saglit kong pinakalma ang sarili ko no’ng tinawag ako ng nurse.

“This is a serious case, Ms. Fontallo. Wala ka ba talagang kasamang guardian?”

Nakakatakot pala talaga. Gulong gulo ako no’ng araw na ‘yon. Bago ako pumunta sa ospital, nakapagdesisyon na akong sasabihin ko sa’yo ‘yong resulta ng tests-kahit pa ikalulungkot mo—I’m sorry, Rain. Ayoko sanang itago sa’yo ‘to pero kasi, hindi ko alam kung paano ko sasabihin sa’yo.

You were my savior. You saved me from the demons I hid inside me. Unconsciously, you stopped me from hurting myself. You’re probably not aware of what you did to me but you changed me, Rain.

Hindi na ako si Yuri na nagkukulong sa kuwarto. Hindi na ako si Yuri na puro tungkol sa suicide ‘yong sinusulat. I wasn’t aware of what you were doing to me.

I realized I didn’t want to hurt you. ‘Yon ang dahilan kung bakit hindi ko nasabi sa’yo kung ano ‘yong listahan sa cellphone ko, kung bakit ako pumunta sa ospital nang hindi mo alam, at kung ano ‘yong sinabi ng doktor. Hindi ko kaya at hindi ko kakayaning saktan ka, Rain.

And that was the biggest mistake I made. I should’ve told you. Hindi ko alam, Rain. Believe me, hindi ko inasahang ganito ang mangyayari. I’m sorry. By not telling you about my condition earlier, you had to go through this without me—alone.

I love you, Rain.

I have always loved you. Huli na kasi no’ng napagtanto kong mahal na pala kita. My heart was in pain when I realized that. I’m sorry. Dahil sa maling desisyon ko, hindi mo narinig galing sa’kin ‘yan personally. When the doctor told me that I do have Congenital Heart Disease, all I could think about was you.

I don’t want to leave you. I’m not ready to die and I don’t think I would be ready soon. Rain, I was so scared. I have always thought about dying. When Kuya Gus died, I thought I was ready. I didn’t know back then that I cannot prepare myself before I die.

Kung tutuusin pa nga ay mas masuwerte pa ako kaysa kay Kuya. At least, I knew what was coming for me while he didn’t. Pero Rain, I don’t think I will be ready. Feeling ko, hindi talaga ako magiging handa para rito.

If you were able to read this, I’m probably dead. Hindi naman kasi papasok si Mom sa kuwarto ko kung buhay pa ako. I wouldn’t let her inside. She will find this on my desk. It’s addressed to you so I don’t think she’ll try to read it.

Rain, I’m sorry. I’m sorry that you had to know how I felt towards you through this. Alam kong sobrang bilis kasi wala pang dalawang buwan tayong magkakilala pero Rain, hwag mo sana akong pagtawanan kapag nabasa mo ‘to.

Rain Gabriel Chavez, I will never forget you. You will always be in my heart. I promise you that.

Love always,

Yuri

fin

Advertisements
Posted in art, black slug, Childhood, dagli, depression, Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, random, Uncategorized

oblivion.

          Isang kuwarto. Nasa loob ako ng isang kuwarto ngunit wala akong maaninag na gamit. Sa kabila ng dilim, alam kong nasa loob pa rin ako ng aming bahay. Naroon pa rin kasi iyong kumportableng pakiramdam.

          Nabasag ang katahimikan nang may narinig akong kalansing ng susi mula sa labas. Si Papa yata iyon. Lagi kasi siyang may dalang susi kaya’t nalalaman kong parating na siya.

          Biglang bumukas ang pinto ng kuwartong iyon. Kasabay niyon ang pagkakaroon ng liwanag mula sa bumbilya.

          Hawak ni Papa ang kanang kamay ng nakababata kong kapatid habang ako ay nasa harapan nila – nakatayo.

          “Pa, saan kayo galing? Bakit hindi niyo ako sinama?” tanong ko sa kanya.

          Sinipat niya ako mula ulo hanggang paa. Tiningnan niya ako na para bang noon niya lamang ako nakita. Hindi niya napansin iyong relong kulay pink na ibinigay niya sa’kin nang minsan ay namasyal sila at hindi ako nakasama sa kadahilanang sandamakmak ang mga proyekto ko no’ng araw na iyon.

          Tiningnan niya ang mga mata ko katulad ng lagi niyang ginagawa sa tuwing pinapangaralan niya ako. Ngunit alam kong may kakaiba.

          “Sino ka? Paano ka nakapasok dito?” tanong ni Papa na ikinabigla ko.

          Sinulyapan ko ang aking nakababatang kapatid ngunit miski siya ay tiningnan ako na para bang isang estranghero. Hindi niya ako tiningnan bilang kanyang ate na nag-aabot ng kanyang tuwalya sa tuwing makaliligtaan niya ito bago maligo.

          Hindi nila ako maalala. Hindi na nila ako kilala.

florence

Posted in black slug, Childhood, depression, Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, poetry, random, Uncategorized

fourth floor.

Naaalala ko pa. Nakatayo kami ng mga kaklase ko sa ikaapat na palapag ng katatayo lamang na gusali. Nakasandal kami sa bagong kabit na railings. Wala naman talagang harang doon. Dati rati pa nga ay puwede kaming umupo sa hubad na semento.

Nagtatawanan kaming magkakaibigan. Tatlo kaming nakasandal sa bakal na harang na iyon. Iyong iba naman naming mga kaklase ay nakaupo sa puting tiles habang naghihintay na matapos ‘yong klaseng nasa loob.

Wala naman talagang makabuluhang nangyari noong araw na iyon. Nagklase kami katulad ng nakasanayan. Halos lahat kami ay bagsak sa kababalik lamang na papel sa Math. Wala namang bago.

Pero may kung anong mayro’n sa mga harang na bakal na iyon. Nakasandal kaming tatlo doon, nakakapit sa bagong pinturang bakal habang nagtatawanan. Naaalala ko pang nakangiti silang dalawa noon bago ako nagbiro.

“Siguro kaya nila nilagyan ng railings kasi baka may tumalon.”

Napatingin silang dalawa sa’kin. Mga dalawang segundo rin silang nakatitig sa’kin bago sila nagpakita ng reaksyon.

Ang isa ay tumawa. Ang isa naman ay ginulo ang buhok ko.

“That’s bad. ‘Wag ka ngang mag-isip ng ganyan. Nako,” naaalala ko pang sabi niya.

Hindi ko alam kung anong sasabihin. Nginitian ko na lang sila pareho at tahimik na pinasalamatan ang ikalawa.

florence