Posted in art, dagli, depression, Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, one-shot, random, thoughts

for June; (a one-shot story)

11/19; 11:21 PM

Nandoon ako no’ng gabing ‘yon. Magkatabi tayo . . . nakatayo, nakadipa ang mga kamay sa hangin. Feeling natin, nasa loob tayo ng isang indie film. O kaya ‘yong eksena nila Charlie sa The Perks of Being a Wallflower. Paborito natin ‘yon, e. Gandang ganda ka kay Emma Watson tapos ako, kay Logan at Ezra naman.

Nililipad ng hangin ‘yong buhok ko no’n pero nilabanan ko. Tiniis ko ‘yong pagtusok ng buhok sa mga mata ko, makita at mapagmasdan ko lang ‘yong ngiti mo. Mukha kang aso no’n, e. Sabi mo, gayahin kita.

Dahil malakas ka sa’kin, ngumiti rin ako.

Sinulyapan ko si Ria, nakaupo siya sa paanan mo. Nakabusangot na nga siya no’n, e. Sinabi ko sa’yo pero sabi mo, pabayaan ko na lang siya at ‘wag pansinin. Ang usapan kasi natin, si Ria muna ang tatayo sa likod bago ikaw. Sa kanila ‘yong pick-up truck na ‘yon, e. Nakikiangkas ka na nga lang, ikaw pa ‘tong nakipag-agawan.

Kinuwento ko sa’yo noon ‘yong nabasa kong short story. Free Fall ang title. Wala kang reaksyon. Ipinikit mo ang mga mata mo, binale-wala ang kinuwento ko.

“Seize and feel the moment, Cola,” ang sabi mo pa. Ginawa ko ‘yong sinabi mo. Gaya ng ginawa mo, ipinikit ko ‘yong mga mata ko.

Unti-unti kong naramdaman ‘yong pag-init ng mga mata ko. Kung hindi mo pa pinunasan ‘yong luha ko, hindi ko pa malalamang umiiyak ako.

“Sabi mo kasi, feel the moment,” pagdadahilan ko sa’yo.

Tinawanan mo lang ako. Lagi kang gano’n. Depressed ako, e. Sa ating dalawa, ikaw ‘yong taga-sabi ng: “Kaya ‘yan, bawal sumuko. Shit tayo pero hindi tayo weak shit.” Sabay tapik sa balikat, sabay tawa.

Ang carefree mo. Parang ang saya-saya mo lagi. Parang no’ng nagpasabog ang Diyos ng problema, ako ‘yong may pinakamaraming nakuha tapos wala nang natira para sa’yo kasi natutulog ka sa kuwarto mo.

Sabi ko, parang ang sarap maging ikaw. Nakakapagod na rin kasing maging ganito. Parang pasan-pasan ko ‘yong problema ng buong mundo. No’ng nag-divorce sila Mommy, ikaw ang umalalay sa’kin. Ilang beses mo akong nahuling sinasaktan ‘yong sarili ko pero hindi mo ako sinukuan.

Minsan, tinanong kita kung bakit hindi mo ako maiwan.

“Alam mo, ang ganda-ganda mo. ‘Yang gan’yang ganda . . . dapat ipinagmamalaki.”

Sinabi ko sa’yong ang babaw ng dahilan mo saka, hindi mo naman sinagot ‘yong tanong ko. Ang layo sobra, e. Mababaw naman kasi talaga at isa pa, hindi ‘yon ang gusto kong isagot mo. Buti na lang at bumawi ka.

“Uto-uto ka talaga, Cola. Hindi lang kasi ‘yon, e.” Humalakhak ka pa, inaasar ako.

Kinulit pa kita nang kinulit hanggang sa sinabi mo ‘yong totoong dahilan.

“Ayokong mawala ka. Ikamamatay ko ‘yon. Mahal kita, e.”

Aaminin ko. ‘Yon ang gusto kong marinig na dahilan galing sa’yo pero . . . alam naman nating pareho kung paano ang takbo ng utak ko sa mga gan’yang bagay.

“O, ba’t natahimik ka? Ano ka ba, alam ko namang ayaw mong maging in a relationship. Chill ka lang.” Tumawa ka na naman.

Binawi mo ulit. Nginitian mo ako pagkatapos. May parte sa’kin na nakahinga nang maluwag pero parang nanlumo ako sa sinabi mong wala ka namang balak na bigyang atensyon ‘yong nararamdaman mo para sa’kin.

June, mahal din kita. Ewan ko kung matutuwa ako na hindi ko nagawang sabihin ‘to sa’yo sa personal . . . kasi syempre, nakakahiya at parang nilunok ko lahat ng maling pananaw ko sa pag-ibig. O malungkot kasi hindi ko makikita ‘yong parang tanga mong reaksyon.

Pasensya na kung pinagkait ko sa mga tainga mo ang mga salitang alam kong gustong gusto mong marinig no’ng nabubuhay ka pa. Pero dahil hindi mo naman na mababasa ‘to, mahal kita, June . . . mahal na mahal.

Ang poetic, ‘di ba? Oo nga pala, sinunod ko na ‘yong advice mong magsulat ako kapag nalulungkot ako. Sana nga noon ko pa ‘to ginawa para napabasa ko pa sa’yo ‘tong mga tula kong wala raw kuwenta. Sigurado akong magugustuhan mo ‘tong mga ‘to pero wala na, e.

Time’s up na tayo. Sa susunod na lang siguro. May nabasa akong quote sa internet noon. Ang sabi, special daw ang moments kasi may time limit. Nag-eexpire. Pumikit ka lang saglit . . . wala na ‘yong feeling, wala na ‘yong momentum.

Salamat sa pagtuturo sa’kin no’n, June. Salamat pero hindi pala dapat ako pumikit. Dapat pala, minulat ko ‘yong mga mata ko at pinanood ka. Doon tayo parehong nagkamali.

Sigurado naman ako pinahalagahan mo ‘yong mga moments natin. Gano’n din naman ako. Ilang buwan din tayong humingi ng time extension, ‘no? Kaso wala na, e. No more extensions. Masyado na raw tayong abusado sa pagpapa-extend ng moments natin.

Alam kong pagagalitan mo ako nang sobra kapag nagkita tayo kaya in advance, sorry June . . . time’s up na rin ako, e.

– nicola

Advertisements
Posted in art, dagli, Filipino, friendships, journal, love, one-shot, random, thoughts, word vomit

fritz (a one-shot story)

Tahimik lang akong nakaupo sa pinakadulo, sa bandang likuran ng nagmamaneho ng jeep. Nakadungaw ako sa bintana kahit pa pumapasok na ‘yong ulan.
“Ne, pakibaba nga no’ng plastik. Nababasa ka na e.”
Hindi ko pinansin ‘yong sinabi ni Manong Driver. Kaya nga ako nakadungaw para mabasa ako ng ulan e.
Dahan-dahang tumigil ‘yong jeep—mukhang may pilit na namang sasakay kahit naging sampuan na ‘yong pang-siyamang upuan.
“Rem, ayos ka lang ba?” nag-aalalang tanong sa’kin ni Alyx.
“Parang tanga ‘to. Oo naman. Hindi naman ako mamamatay kapag ikaw ‘yong nakadikit sa’kin. . . ikaw ‘yan e. Hindi ka na iba sa’kin—pamilya ka na e.”
Natigil ‘yong pag-uusap namin. “Bayad po,” sabi no’ng nakasalaming bagong sakay.
Akmang aabutin na ni Alyx ‘yong bayad ng bagong dating pero naunahan ko siya.
Hawak ko na ‘yong walong piso ng lalaki nang mapansin ko si Alyx-bahagyang nanlaki ng mga mata niya sa. . . gulat.
Teka, bakit ko inabot? Anong mayro’n? Ni hindi ko nga kilala ‘yong lalaking ‘yon.
“Bakit mo—”
Hindi ko siya pinatapos sa pagsasalita. “Hindi ko rin alam.”
Miski ako rin kasi ay nagulat sa ginawa ko. Hindi ko rin maintindihan ‘yong kakaibang pakiramdam ng paglapat ng mga daliri no’ng lalaki sa palad ko. Hindi kaya epekto ito ng ilang buwan kong pagkukulong sa loob ng kuwarto?
Oo, posible ngang ‘yon ang dahilan.
“Manong, para po.” Bumaba na ‘yong lalaking nakasalamin habang yakap ‘yong dala niyang bag.
Sinundan ko siya ng tingin habang naglalakad siya sa may bangketa. Medyo pamilyar siya e. Nakita ko na yata siya dati sa university.
“Kilala mo ba ‘yon?”
“Nakita ko na yata siya dati. Hindi ko lang maalala.”
Hindi na muling nagsalita pa si Alyx. Pakiramdam ko tuloy ay nasaktan ko na naman siya nang hindi ko sinasadya. Buhat pagkabata ay magkasama na kaming dalawa kaya hindi na lingid sa kaalaman ko na higit pa sa kaibigan ang turing niya sa’kin.
Hinihintay ko lang na siya ‘yong magkusang umamin. Sakali mang umamin nga siya, hindi ko maibibigay sa kanya ‘yong gusto niya. Hanggang kaibigan lang kasi talaga e.
“Tita, sa tingin ko po, magaling na si Remi,” narinig kong sabi ni Alyx kay Mama.
“Paano mo naman nasabi, Al?”
“Kanina po kasi, inabot niya ‘yong bayad ng pasahero.”
“Sigurado ka ba?” Hindi ko narinig na sumagot si Alyx. “Bukas na bukas din, dadalhin ko siya sa doktor niya.”
At iyon nga ang ginawa ni Mama—kinabukasan, dinala na naman niya ako sa doktor ko. Parang tanga kasi ‘tong si Alyx. Ayan tuloy, aasa na naman si Mama na magaling na ako.
“Misis Santiago, sa totoo lang po ay hindi ko maipapaliwanag ang kondisyon ni Remi.”
“Anong hindi mo maipaliwanag? Doktor ka, ‘di ba?” inis kong sabi sa kanya.
Hinawakan ni Mama ‘yong balikat ko. “Remi. . .”
“Huminahon po muna kayo,” binigay niya kay Mama ‘yong papel sa ibabaw ng mesa, “Magaling na po ang anak ninyo. Hindi na negatibo ang mga epekto sa kanya ng mga ipinakita naming litrato. Maganda rin po ang mga resulta ng ginawa naming tests. Ang hindi ko lang po maintindihan ay kung paanong gano’n kabilis siyang gumaling.”
“Anong ibig mong sabihin?” tanong sa kanya ni Mama.
“Ang Haphephobia po kasi, gaya ng sinabi ko sa inyo dati, ay isang pambihirang uri ng takot o mas kilala bilang phobia. Ang tuluyang pagkawala ng phobia ay umaabot ng taon kaya hindi ko po maipaliwanag ang mabilis na paggaling ni Remi,” sumandal siya sa upuan, “Wala po ba talaga kayong ibinigay na gamot kay Remi bukod do’n sa mga nireseta ko?”
“Wala po akong iniinom na gamot maliban sa mga binili namin dito,” pagtanggi ko.
“Kung gayo’n ay bumalik na lang po kayo sakaling magkaproblema. Sa ngayon, pupuwede nang bumalik si Remi sa pag-aaral.”
Sobrang saya ni Mama habang ako, hindi ko alam kung anong dapat maramdaman. Napakaimposible naman kasi. Hindi naman ako tanga para hindi malamang taon pa ang bibilangin bago ako tuluyang gumaling.
Kung hindi ba naman kasi ako sumama kina Ysa no’ng gabing ‘yon, hindi sana ako nagkakaganito ngayon. Pero nangyari na e. Wala naman akong puwedeng sisihin sa nangyari dahil pare-pareho kaming lasing no’n. Walang may kasalanan sa nangyari sa’kin.

Wala
.
Kinabukasan, pumasok ako sa university. Gano’n pa rin naman silang lahat—mapangmata at mapanghinala. Kung makatingin sila sa’kin, parang hindi nila ako naging kaibigan noon. Hindi ko naman sila sinisi at itinaboy palayo. Sila mismo ang lumayo sa’kin.
At hanggang ngayon, hindi ko alam kung bakit.
Tuloy lang ako sa paglakad. Hindi ko na sila pinansin. Mukhang ‘yon din naman kasi ang gusto nila e.
“Pasensya na talaga, Andrea.”
Napahinto ako. Patago akong sumilip sa pinanggalingan ng boses.
“Hindi mo ba talaga ako gusto, Kuya Fritz?” naiiyak na tanong no’ng medyo maliit na babae. 

“Maganda naman ako, ‘di ba? Marami ngang nagkakagusto sa’kin e. . . pero lahat sila, inayawan ko. Kuya, ikaw nga kasi ang gusto ko.”
Halos matawa ako nang marinig ‘yong sinabi ng babae. Muli kong silang pinagmasdan. Sa tantiya ko ay mas bata ‘yong Andrea ng tatlong taon do’n sa lalaking kausap niya.
Napakamot sa batok ang lalaki. “Uhm. . . Ano kasi, Andrea, m-may girlfriend na ako.” 

Napahagikhik ako nang mahina. Masyado naman kasing halata ‘yong pagsisinungaling ng lalaki.
“Kuya Fritz, alam kong wala kang girlfriend. ‘Di ba nga, sabi mo, ‘studies first’?” pagsabat no’ng si Andrea.
Napabuntong-hininga ‘yong Fritz. “Gaya nga ng sabi mo, priority ko ang pag-aaral ko.”
“Ibig sabihin, gusto mo rin ako? Kahit katiting lang, Kuya, mayro’n ba akong pag-asa sa’yo?”

Shit
naman. Unang araw ko at ganito pa ang sasalubong sa’kin? Kung puwede ko lang siguro silang kuhanan ng video, kanina ko pa ginawa. Kaso hindi pa naman ako gano’n kasama.
“Pasensya na talaga, Andrea, pero hindi kasi kita gusto.”
Narinig ko na naman ‘yong pagbuntong-hininga ni Fritz kasabay ng pag-iyak ng tumatakbong si Andrea.
Paalis na ako nang bigla akong tinawag no’ng Fritz. “Miss, nahulog mo yata ‘yong panyo mo.”
“Wala naman po akong dalang panyo,” pasigaw kong sagot kay Fritz habang naglalakad palayo sa kanya. “Ibigay mo na lang ‘yan kay Andrea o kaya, ipamunas mo sa pawis mo sa noo. Kabadong kabado ka e,” natatawa kong pahabol sabi.
Ilang buwan din ang lumipas bago ako masanay. Ewan ko ba. Sandali lang naman akong hindi pumasok pero parang ang dami nang nagbago.
“Magandang hapon po. Baka gusto niyo pong sumali sa Chemistry Club?” nakangiting sabi sa’kin ni—Fritz?
Saka ko lang napansin nang kabuuan ‘yong mukha niya. Medyo natatago ng salamin niya ‘yong pagkasingkit niya. Nakadagdag din ‘yong mahaba niyang bangs sa pagiging inosente at maamo ng mukha niya. Kung hindi ako nagkakamali, siya ‘yong lalaking nakasalamin na nakasabay namin ni Alyx noon.
Umiling lang ako sa kanya.
“Wala ka pala Fritz e!” narinig kong pang-aasar sa kanya no’ng isa niyang kasama.
Hindi ko alam kung paano nagsimula ‘yong pagpansin ko kay Fritz. Siguro naging interesado ako sa kanya matapos ‘yong nangyari sa jeep. Mababaw siguro ‘yon sa mata ng iba pero para sa’kin na dating may Haphephobia, napakalaking misteryo no’n.
Nagising na lang ako na isang araw, siya kaagad ‘yong nakikita ng mga mata ko kahit napakarami ng mga estudyante sa quadrangle.
At ang mas nakakagulat?
Parang gusto kong hawakan ‘yong mga kamay niya sa tuwing nakikita ko siyang nagsasalita sa stage habang mahigpit niyang hawak ang mic.
Dahil gusto kong mapalapit pa lalo kay Fritz, sumubok ako. Alam kong napakadesperada ng gagawin ko pero baka sakaling mapansin niya ako. Kung susuwertehin man ako, baka nga maging interesado rin siya sa’kin.
Pumunta ako sa library. Mabilis kong hinanap ‘yong librong laging binabasa ni Fritz at saka inipit ang isang sulat sa huling pahina no’n. 

Pagkatapos ay bumalik na ako sa klase.
Dali-dali akong pumunta sa Raven’s Park. Alam kong matatakutin si Fritz kaya talagang suntok sa buwan itong ginawa ko. Posible kasing matakot siya at mauwi sa wala itong paghihintay ko. 


Isang oras na ang lumipas pero wala pa rin si Fritz.


A, oo nga pala. Katatapos lang ng klase niya at mga ganitong oras pa lang siya papunta sa library.
Ilang minuto pa ay nakarinig ako ng mga kaluskos pero hindi naman ako natakot. Maganda naman kasi ‘tong Raven’s Park. Napabayaan lang kaya kinalawang na ‘yong mga gamit sa palaruan. Bilang resulta, wala nang nagpupunta ritong mga bata para maglaro.
“Miss. . ?”
Napalingon ako.
“Sorry. Nagulat ba kita?”
Tumingin lang ako sa kanya. Hindi ako makapaniwalang pumunta nga siya.
“May hinihintay ka ba?” Umupo si Fritz sa tabi ko.
Dahan-dahan akong tumango. “May pinadalhan kasi ako ng sulat. Nilagyan ko pa nga ng kiss mark ‘yong papel e. Imposible namang hindi niya malamang ako ‘yong nagpadala no’n.”
Halos mautal na ako sa harap niya pero pinigilan ko. Baka mabulilyaso pa ang plano ko e.
“Saan mo ba nilagay? Sigurado ka bang makikita ‘yon ng pinadalhan mo?” 
“Oo nga. . . ewan ko na lang kung hindi ‘yon matakot,” sagot ko habang mataman siyang tinitingnan sa mata.
Nalilito niya akong tiningnan bago inilabas ‘yong papel na iniwan ko galing sa bulsa niya. “I-Ito ba ‘yong sinasabi mong sulat?”
Agad kong inagaw ‘yon sa kanya. “Sa’n mo ‘to nakuha?”
Hindi ko pala kaya. Ang lakas ng loob kong tawanan ‘yong Andrea na umamin sa kanya noon pero ako. . . ni hindi ko man maamin sa kanya na ako ‘yong nagpadala ng sulat.
“Sa library,” kinakabahan niyang sagot sa’kin.
Bahala na nga. Nandito na siya e.
“Hindi para sa’yo ‘to!” tumayo ako at saka siya kinuwelyuhan, “Bakit mo binuksan?”
Bakas ang pagkabigla sa mukha niya. “E kasi nakaipit ‘yan do’n sa librong binabasa ko!”
“Anong libro?”
“Yong Thesis Guide ni Cassidy Park.”
“Thesis Guide? P-pero sa Paper Towns ko ‘yon nilagay,” pagsisinungaling ko sa kanya.
Pasensya na, Fritz. Hindi ko pa yata kaya e.
“Ibig sabihin, hindi totoo ‘yong death threat mo?” tanong niya sa’kin.
Muli akong umupo sa gilid ng water fountain. “Of course not! Hindi ko ‘yon magagawa kay Raph!” Nagsinungaling na naman ako. . . ulit.
“If that’s the case, then I’ll go ahead.”
Teka, ano? Hindi man lang ba niya ako kakausapin? Galit ba siya?
Hinila ko ‘yong kamay niya. Ano bang nangyayari sa’kin? “Hindi ka muna puwedeng umalis.”
“B-Bakit?”
“Alam mo na e. . .”
“Alam ko na ang alin?”
Nahihiya akong tumingin sa kanya “Alam mo nang gusto ko si Raph. Hindi kita puwedeng paalisin hangga’t hindi ko nasisigurong hindi mo ‘to sasabihin sa kanya.”
“Otaku ka siguro, ano? Anong gusto mong mangyari? Magpaka-Ryuuji ako sa’yo katulad no’ng sa Toradora?”
Umirap ako sa kanya. “Uuwi na ‘ko.”
“Ha?”
“Ang sabi ko, uuwi na ‘ko,” pag-uulit ko.
“Oo nga, narinig kita.”
“Ayun naman pala e. Bakit ka nag-ha kung narinig mo naman pala ako?” 
Napakamot siya sa batok. “E ano naman kung uuwi ka na?”
Shit pala ‘to e,” pabulong kong sabi habang natatawa. “Remi Frausia Santiago,” pagpapakilala ko bago siya tanungin ng, “Anong pangalan mo?”
Nagsinungaling na naman ako sa kanya sa pangatlong beses. Grabe. Paniwalaan pa kaya ako nito sakaling makapag-ipon na ako ng lakas ng loob?
Julian Fritz Ramos,” naguguluhan niyang sagot. Lumapit ako sa kanya hanggang sa halos magkadikit na ‘yong mga ilong namin. “A-anong gagawin mo?”
Mataman ko siyang tiningnan. “Fritz ang pangalan mo?”
“May problema ka ba sa pangalan ko?”
Napangisi ako. “Mayro’n, ang bakla kasi e.” Humagalpak ako sa tawa at saka tumakbo palayo.
Nakakainis. Para akong tanga kanina sa harap niya. Ano ba talagang nangyayari sa’kin? 
Papara na sana ako ng jeep nang mapansin ko si Fritz na naglalakad paakyat sa LRT Station. Mabuti pala’t dala ko ngayon ‘yong beep card ko.
Yakap na naman niya ‘yong bag niya gaya no’ng unang beses ko siyang nakita. Para talagang tanga.

Tahimik lang akong nakasunod sa kanya nang hindi niya namamalayan. Kung mamamatay-tao siguro ako, kanina pa pinaglalamayan ‘tong si Fritz.
Grabe. Bakit nga ba ako nagkagusto rito?
“R-remi?” gulat niyang tanong nang sa wakas ay napansin niya ako.
“Sinusundan mo ba ako?” Ang galing ko talagang mag-imbento.
“Bakit naman kita susundan?” Nag-iwas siya ng tingin. “Dito ako sumasakay. Kahit tanungin mo pa ‘yong sekyu dyan e.”
Syempre alam kong dito siya laging sumasakay. Nakikita ko siya dito araw-araw e.
Hindi na ako sumagot. Baka makahalata pa ‘to e.

“Nandyan na po ‘yong tren. Kung maaari lamang ay hwag tayong tumapak sa pulang linya.”



Pumasok na ako sa loob ng tren habang nakasunod naman siya sa’kin.
Minsan lang ako sumakay sa tren pero hindi na ako nagulat sa dami ng tao. Ganito naman ata palagi rito e. Wala nang dapat ikagulat.
Kaharap ko lang si Fritz. Medyo magkalapit ‘yong mga mukha namin kaya hindi ako makatingin sa kanya nang diretso.
Halos magmura ako nang may tumulak sa’kin nang pagkalakas-lakas.
Hinigit ako ni Fritz papalapit sa kanya. “Hindi ako manyak, ‘ha? Baka mamaya, kung sa’n ka pa sumubsob,” bulong niya.
Binabawi ko na pala ang paratang ko sa kanya kanina. Oo nga, gentleman nga siya.
“Ayos ka lang ba? Nakakahinga ka pa ba dyan?” nag-aalala niyang tanong.
Napayuko ako. “Ayos lang ako.”
Ramdam ko ‘yong mataman niyang pagtitig sa’kin. Naiilang tuloy ako lalo. Ang lapit na nga ng mukha niya pagkatapos ganyan pa siya makatitig. Siguro, kung wala kami sa loob ng tren at wala ‘yong lahat ng tao rito, kanina ko pa inisip na balak niya akong halikan.
“Bakit ba hindi mo ako matingnan sa mata?”
Tiningnan ko siya nang masama. “Ayan. Masaya ka na ba?”
“Ang labo mo. Ikaw na nga ‘tong—”
“Hindi ko naman hiniling sa’yo na gawin mo ‘yan. At saka, baka nga hinarangan mo lang ako para mas mapalapit sa’kin.”
Hindi siya nakasagot. Naiwang nakaawang ang mga labi niya. Mukhang may balak siyang sabihin pero hindi niya tinuloy.
Napangisi ako. “O bakit hindi ka makasagot? Tama ako, ‘no?” pang-aasar ko pa sa kanya. “Umamin ka na kasi na—”


“Na ano?”

“Gil Puyat Station. Pakiiwasan ang pagsandal sa magkabilang pintuan ng tren. Paunahin po muna natin ‘yong mga bababang pasahero.”



Inirapan ko siya. “Na na-love at first sight ka sa’kin.”
Tiningnan niya ako. “Managinip ka,” ang tanging sinabi niya sa’kin.
“Tsk,” napailing ako, “Ako pa talaga ang managinip? Ikaw nga ‘tong dumidikit sa’kin e.”
“Bahala ka nga.”
Ilang minuto pa ang lumipas. Hindi na rin ako umangal sa pagdikit niya sa’kin dahil sa patuloy na pagdami ng tao.


“Nasa Carriedo Station na po tayo. Pakiiwasan ang pagsandal sa magkabilang pintuan ng tren. Kung maaari ay paunahin po muna natin ‘yong mga bababang pasahero.”

“Excuse me,” bulong niya bago siya tuluyang bumaba.
Alam kong napakatanga ng ginawa kong pagsakay ng tren nang hindi alam kung sa’n bababa pero kasi, si Fritz ‘yon e. Dahil wala naman akong alam dito, sinundan ko na lang ang lalaking ‘yon.

Tahimik lang siyang naglalakad sa putikang bangketa habang nasa likuran niya lang ako.
“Ano ba naman ‘yan?” pagrireklamo ko nang bigla siyang huminto sa paglakad.

Nakng
. Ang malas ko naman.
“Bakit ka nandito?” tanong pa niya.
Dios mio! Dito pa talaga kayo naglampungan! Hala, do’n kayo sa gilid! Ang lawak ng kalsada e!” sigaw no’ng matandang babae sa likuran ko.
Tiningnan ni Fritz ‘yong matanda. “Pasensya na ‘ho, manang.”
Napabuntong-hininga ako. Mukhang wala na rin akong pagpipilian. “Ministop tayo,” pagyaya ko sa kanya.
Pagdating namin sa Ministop, bumili muna ako ng kape bago tumabi sa kanya.
“Puwede na ba kitang tanungin kung bakit mo ako sinusundan?” prangka niyang tanong.
“Anong si—”
“Remi. . . hwag ka nang mangatwiran, please? Kagagaling ko lang sa university tapos pumunta pa ako sa Raven’s Park. Pagod na ako. . . tapos may defense pa kami bukas.”
Sabi na nga ba e. Hindi talaga maganda ‘tong pinaggagawa ko. Nakasagabal pa ako kay Fritz. 

“Ano ba kasing tinatanong mo?”
Bahala na.
“Bakit mo ako sinusundan?”
“A. . . ‘yon lang pala.” Humigop ako ng kape.
“Remi, please.”
Bahala na. Para matapos na rin ‘tong kahibangan ko sa kanya. “It was for you.”
“Ano?”
Mukhang hindi niya inasahan. Pero ako rin naman, ‘ha? Hindi ko rin naman inasahan ‘yong ganito.
“P-para sa’yo ‘yong sulat sa Thesis Guide ni Cassidy Park.”
Hindi siya nakasagot.
“Dinaga kasi ako e,” humigpit ‘yong hawak ko sa baso, “Wala ka bang sasabihin?” Tumingin ako sa kanya.
“Teka, hindi ko kasi ma-gets e.”
“That note on Cassidy Park’s Thesis Guide was for you in the first place. Ikaw talaga ‘yong pinapupunta ko sa Raven’s Park. Hindi ‘yong Raph na sinasabi ko.”
Hindi na naman siya nakasagot. Ano ba ‘yan? Kinakabahan ako lalo e.
“At kung bakit kita sinusundan? Simple lang. I was stalking you,” ngumiti ako sa kanya, “Like I told you, dinaga ako.”
“Dinaga?” napakamot siya sa batok, “Bakit mo ako pinapunta do’n?”
Ano raw? Nakailang ulit na ako pero hindi niya pa rin ako ma-gets. . ? Ibang klase. “Shit talaga ‘to. Walang duda.”
“Ano ‘yon?”
“Wala! Ang sabi ko, may hitsura ka sana kaso minsan—minsan lang naman—ang tanga mo.”
Natawa siya. “Kaya mo ba ako pinapunta sa Raven’s Park. . . kasi may aaminin ka sa’kin?” Tiningnan niya ako sa mata.
“Gano’n na nga. Salamat naman at na-gets mo na ‘yong gusto kong iparating.” Tumikhim ako nang hindi na naman siya sumagot. “Ano na? Hindi mo ba ako iri-reject at paiiyakin gaya no’ng ginawa mo sa lower year na si Andrea kasi ‘studies first’ ang motto mo sa buhay?”
He laughed.  “No, I’m not going to reject you.”
“E ano?” Nainis kong hinampas ‘yong kamay niya sa ibabaw ng mesa. “Paasa ka rin pala, e ‘no?”
“Sabi mo kanina, uuwi ka na, ‘di ba?” pag-iiba niya ng usapan. Ha? Kanina ko pa ‘yon sinabi sa Raven’s Park a!


“Ha? Wala naman akong sinabi a?”
“Kanina sa Raven’s Park, dalawang beses mong sinabing uuwi ka na.”
“Ang alam ko kasi, gentleman ka kaya inakala kong ihahatid mo ako pauwi. Ang kaso, hindi mo ako hinatid. . . kaya sinundan na lang kita.”
“O kaya nga. Ihahatid na kita.” Tumayo siya.
Tumayo na rin ako. “Rejected na ba ako?”
Ang labo naman niya yata. Gusto niya ba ako o hindi? Kailangan ko na bang mag-move on?
Natatawa niyang ginulo ‘yong buhok ko. “Umuwi na tayo. Ihahatid na kita.”
Ngumiti siya sa’kin. Hindi ko napigilan at ngumiti rin ako pabalik.

– fin – 

Posted in art, dagli, english, friendships, journal, love, poetry, random, Uncategorized, word vomit

word vomit 5: a confession from me to you

I have a confession to make.

I love confessions and I hate them at the same time. Confessions make humans appear more human to me.

I love seeing their rapid breaths, their pupils dilating, and the truth escaping from their chapped lips.

I also love it when people are drunk. Alcohol forcefully makes them spit their truths out.

And do you know what makes it better? The next day, they won’t remember anything.

Confessions make us appear more human. They make us look more vulnerable and alive and real.

But do you know why I also hate confessions?

Because I’m a human too.

Posted in art, black slug, Childhood, dagli, depression, Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, random, Uncategorized

oblivion.

          Isang kuwarto. Nasa loob ako ng isang kuwarto ngunit wala akong maaninag na gamit. Sa kabila ng dilim, alam kong nasa loob pa rin ako ng aming bahay. Naroon pa rin kasi iyong kumportableng pakiramdam.

          Nabasag ang katahimikan nang may narinig akong kalansing ng susi mula sa labas. Si Papa yata iyon. Lagi kasi siyang may dalang susi kaya’t nalalaman kong parating na siya.

          Biglang bumukas ang pinto ng kuwartong iyon. Kasabay niyon ang pagkakaroon ng liwanag mula sa bumbilya.

          Hawak ni Papa ang kanang kamay ng nakababata kong kapatid habang ako ay nasa harapan nila – nakatayo.

          “Pa, saan kayo galing? Bakit hindi niyo ako sinama?” tanong ko sa kanya.

          Sinipat niya ako mula ulo hanggang paa. Tiningnan niya ako na para bang noon niya lamang ako nakita. Hindi niya napansin iyong relong kulay pink na ibinigay niya sa’kin nang minsan ay namasyal sila at hindi ako nakasama sa kadahilanang sandamakmak ang mga proyekto ko no’ng araw na iyon.

          Tiningnan niya ang mga mata ko katulad ng lagi niyang ginagawa sa tuwing pinapangaralan niya ako. Ngunit alam kong may kakaiba.

          “Sino ka? Paano ka nakapasok dito?” tanong ni Papa na ikinabigla ko.

          Sinulyapan ko ang aking nakababatang kapatid ngunit miski siya ay tiningnan ako na para bang isang estranghero. Hindi niya ako tiningnan bilang kanyang ate na nag-aabot ng kanyang tuwalya sa tuwing makaliligtaan niya ito bago maligo.

          Hindi nila ako maalala. Hindi na nila ako kilala.

florence