Posted in art, black slug, Childhood, dagli, depression, Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, random, Uncategorized

oblivion.

          Isang kuwarto. Nasa loob ako ng isang kuwarto ngunit wala akong maaninag na gamit. Sa kabila ng dilim, alam kong nasa loob pa rin ako ng aming bahay. Naroon pa rin kasi iyong kumportableng pakiramdam.

          Nabasag ang katahimikan nang may narinig akong kalansing ng susi mula sa labas. Si Papa yata iyon. Lagi kasi siyang may dalang susi kaya’t nalalaman kong parating na siya.

          Biglang bumukas ang pinto ng kuwartong iyon. Kasabay niyon ang pagkakaroon ng liwanag mula sa bumbilya.

          Hawak ni Papa ang kanang kamay ng nakababata kong kapatid habang ako ay nasa harapan nila – nakatayo.

          “Pa, saan kayo galing? Bakit hindi niyo ako sinama?” tanong ko sa kanya.

          Sinipat niya ako mula ulo hanggang paa. Tiningnan niya ako na para bang noon niya lamang ako nakita. Hindi niya napansin iyong relong kulay pink na ibinigay niya sa’kin nang minsan ay namasyal sila at hindi ako nakasama sa kadahilanang sandamakmak ang mga proyekto ko no’ng araw na iyon.

          Tiningnan niya ang mga mata ko katulad ng lagi niyang ginagawa sa tuwing pinapangaralan niya ako. Ngunit alam kong may kakaiba.

          “Sino ka? Paano ka nakapasok dito?” tanong ni Papa na ikinabigla ko.

          Sinulyapan ko ang aking nakababatang kapatid ngunit miski siya ay tiningnan ako na para bang isang estranghero. Hindi niya ako tiningnan bilang kanyang ate na nag-aabot ng kanyang tuwalya sa tuwing makaliligtaan niya ito bago maligo.

          Hindi nila ako maalala. Hindi na nila ako kilala.

florence

Advertisements
Posted in black slug, Childhood, depression, Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, poetry, random, Uncategorized

fourth floor.

Naaalala ko pa. Nakatayo kami ng mga kaklase ko sa ikaapat na palapag ng katatayo lamang na gusali. Nakasandal kami sa bagong kabit na railings. Wala naman talagang harang doon. Dati rati pa nga ay puwede kaming umupo sa hubad na semento.

Nagtatawanan kaming magkakaibigan. Tatlo kaming nakasandal sa bakal na harang na iyon. Iyong iba naman naming mga kaklase ay nakaupo sa puting tiles habang naghihintay na matapos ‘yong klaseng nasa loob.

Wala naman talagang makabuluhang nangyari noong araw na iyon. Nagklase kami katulad ng nakasanayan. Halos lahat kami ay bagsak sa kababalik lamang na papel sa Math. Wala namang bago.

Pero may kung anong mayro’n sa mga harang na bakal na iyon. Nakasandal kaming tatlo doon, nakakapit sa bagong pinturang bakal habang nagtatawanan. Naaalala ko pang nakangiti silang dalawa noon bago ako nagbiro.

“Siguro kaya nila nilagyan ng railings kasi baka may tumalon.”

Napatingin silang dalawa sa’kin. Mga dalawang segundo rin silang nakatitig sa’kin bago sila nagpakita ng reaksyon.

Ang isa ay tumawa. Ang isa naman ay ginulo ang buhok ko.

“That’s bad. ‘Wag ka ngang mag-isip ng ganyan. Nako,” naaalala ko pang sabi niya.

Hindi ko alam kung anong sasabihin. Nginitian ko na lang sila pareho at tahimik na pinasalamatan ang ikalawa.

florence