Posted in friendships, journal, love, poetry, random, Uncategorized, word vomit

word vomit 4: superstitions

Hindi ako naniniwala sa mga pamahiin.

Hindi ako naniniwala na kapag nakahulog ako ng kutsara o tinidor,

May bagong taong kakatok.

Kapag may nakasalubong akong itim pusa,

Mamalasin ako.

Kapag nakabasag ako ng pinggan o baso,

Mamalasin ako.

Kapag nakabasag ako ng picture frame,

May mangyayaring hindi maganda.

Kapag nakumpleto ang simbang gabi,

Matutupad ang kahit anong hiling ko.

Kapag nagwalis ako nang bagong taon, 

Hindi na makakapasok ang suwerte.
Bakit?
Wala naman akong nahulog na tinidor

Nung kumatok ka sa pintuan namin

Para mamanhikan.

Wala rin akong nakasalubong na itim na pusa

Pero dumating ka sa buhay ko.

Siguro, hindi ako ganun kapasmado 

Para makabasag ng pinggan o baso

O picture frame na may polaroid nating dalawa

Kaya hindi ko natunugang iiwan mo ako.

Hindi ko rin alam kung bakit iniwan mo ako

Kasi, sa pangsiyam kong simbang gabi,

Ang sabi ko, “Sana siya na talaga.”

Hindi ko rin alam kung bakit mo ako pinagpalit sa kanya

Kasi alam mo ba, hindi ako nagwalis ng bahay nung bagong taon

Kahit na ilang beses akong inaatake ng allergy ko.

Ah. Alam ko na kung bakit mo ako iniwan at pinagpalit sa kanya.

Siguro kasi nakabukas na yung pinto ng bahay nila

— nakaabang sayo —

Bago pa siya makahulog ng kutsara o tinidor.

Siguro kasi iniiwasan niya lahat ng itim na pusa

Wag lang kayong malasin.

Siguro kasi masyado siyang maingat sa mga pinggan at baso

Siguro kasi hindi siya mahilig sa babasaging picture frames na may lamang polaroids niyong dalawa

Siguro kasi, binuo niya yung siyam na simbang gabi

Kasama ka

At sabay pa kayong humiling,

Habang magkahawak kamay

Na “Sana, siya na talaga”

Siguro, nagwalis siya nung bagong taon

Sa kabila ng mga walang kuwentang pamahiin

Kasi nandun ka, sa tabi niya

At hindi na niya kailangan ng suwerte

Kasi nandun ka, sa tabi niya

Habang ako naman, mag-isa.

Advertisements
Posted in Uncategorized

word vomit 3: kung ako’y isang libro

Kung magiging libro ako,

Kulay itim ang hardbound na cover ko

Gold ang lettering sa labas

‘Di gaanong malaki yung font size

Tapos times new roman ang font

At “Florence” yung title

Simple lang

Boring ako para sa mga bata

Kasi walang kulay

Kasi raw itim, wala raw buhay

Eh kung tutuusin, ang kulay itim ang resulta ng presensya ng lahat ng kulay

Mukha naman akong research compilation sa mga matatanda

Research compilation na puro data,

Table, graphic organizers, tapos T-tests

Hindi rin magsisimula sa “Once upon a time” ang kuwento ko

Kasi una sa lahat, hindi ako prinsesa

Pangalawa, hindi ako ulilang nakatira sa isang kastilyo

Pangatlo, hindi ako mahilig sa gown

Pang-apat, hindi ko kayang makipagduet sa isang ibon o kahit na anong hayop

Panglima at panghuli, ayokong humalik sa isang palaka

Kung magiging libro ako, ang kalagitnaan naman ng kuwento

Walang mga dragon

At nakakalasong mansanas

Ayoko sa mga bagay na alam kong hindi naman totoo at gawa lang ng ilusyon

Anong gusto kong mangyari sa gitna?

Simple lang

Ako, naglalakad sa isang kalsada, mag-isa

Boring? Oo.

Walang kuwenta? Oo.

Gusto ko kasing maging isang librong puno ng kuwento ng totoong buhay

Ayokong mambulag sa mga tao

Ayoko silang paniwalain na may magic ang mga lampara

At matutupad ang hiling mo kapag humiling ka sa isang bituin

kung magiging libro ako, gusto ko walang paligoy-ligoy

Walang mabubulaklak na salita

At walang mga quotable na linya

Na sa sobrang ganda eh maraming nagtitweet sa twitter at nagcchange status sa Facebook

Ayoko kasi ng agaw-pansin

Wala ring mga pa-deep na karakter

Tulad nina Augustus Waters

Kasi bihira lang ang ganun

Gusto ko rin sanang mailagay yung panginginig ng kamay ko

Pagkunot ng noo ko,

panlalamig ng palad ko,

At ‘yung sakit na naramdaman ko

Nung nakita ko siyang umiyak

Unang pagkakataon kasi ‘yun

Na hindi ko alam kung anong gagawin

Kung magsasalita ba ako o makikinig

Kung iiyak din ba ako o magkukuwento para mapagaan ang usapan

Kung magiging libro ako,

Walang “The End” o “Fin” sa dulo

Kasi hindi pa tapos eh

Ayoko pang matapos

Sakali mang mabasa at mahawakan niya yung book cover ko

Gusto kong mapaisip siya

Ng mga bagay na magagawa niya 

Para magkakulay yung bawat pahina ko

Gusto kong gumawa siya ng paraan para magkaro’n ng mga makukulay na salita

Gusto kong gumawa siya ng paraan para nandun siya,

Kasama sa kuwento,

Kasama sa mga importanteng karakter na hindi pupuwedeng mamatay,

Kasama ko sa loob ng 

mga pahina kong 

binalutan ng itim na book cover 

na may nakaimprentang “Florence” 

Na kulay gintong Times New Roman

Na ‘di kalakihan yung font size

Gusto kong gumawa siya ng paraan

Para makasama ko siya sa isang librong

Walang “The End” o “Fin” sa dulo,

Sa isang kuwentong hindi matatapos

Pero hindi nakakasawa.

Posted in Filipino, friendships, journal, love, poetry, random, Uncategorized

word vomit 2: artist

Alam mo ba, nung isang araw,

Muntikan na tayong magkasalubong sa hallway

Papunta ka sa canteen

Ako, papunta sa room 101

Kaso bigla kang lumiko

Lumiko ka papunta sa kung saan.

Alam mo ba, kahapon,

Muntikan na tayong magkasabay pauwi galing sa mall

Nakakatuwa pa nga kasi galing ako sa supermarket

Tapos ikaw, galing ka sa book store

Kaso tumigil ka sa may sakayan

May hinihintay ka yata

Maghihintay sana ako ng tyempo

Para kunwaring nagkataon lang na iisa tayo ng sinakyang jeep

Kaso marami akong dala eh

Sorry, hindi na kita nahintay

Alam mo ba, kanina,

Lalapitan sana kita

Habang nagddrawing ka

Ang seryoso mo ngang tingnan eh

Nakakunot yung noo mo

Habang sobrang higpit ng hawak mo sa dilaw na mongol 2

Ang saya mong panoorin habang nagddrawing

Mukha kasing passion mo yun eh

Pano ko nasabi?

Kasi kahit ang higpit ng hawak mo sa dilaw na mongol 2,

Ang gaan naman ng pagsulat mo

Yun bang parang kitang kita ko yung paghalik ng lead ng lapis

Sa puting pisngi ng bond paper

Wala lang

Nakita ko kasi sayo yung sarili ko

Kapag nagsusulat ako ng mga tula ko

Kaya akala ko,

Pareho tayo

Kaso hindi pala

Kasi nagddrawing ka

Tapos ako, nagsusulat naman

Ballpen na m&g ang gamit ko

Tapos ikaw, dilaw na mongol 2

Habang ineenjoy ko kasi yung pagddrawing mo,

Hinihintay mo pala siya.

Posted in art, Filipino, friendships, journal, love, poetry, random, Uncategorized

word vomit 1: ang mga paborito ko

Ikaw yung paborito kong libro

Na kahit ilang beses ko nang nabasa.

Hindi pa rin ako nagsasawa kasi nga, paborito kita.

Ikaw yung paborito kong kanta

Na kahit ilang beses nang umulit sa playlist ko

O kaya paulit-ulit ka sa radyo,

Hindi pa rin ako magsasawang sumabay sa bawat salita.

Ikaw yung cheesy na pelikula na romcom sa TV

Na ewan ko ba kung bakit ko pa rin pinapanood kahit

Hindi ako mahilig sa clichés at kacheesy-han

Ikaw yung paborito kong tshirt

Na kahit maluwag, butas na sa kili-kili,

Tastas na yung laylayan, o kupas na yung kulay…

Sinusuot ko pa rin.

Kahit ilang beses na akong sabihan ng nanay ko

Na ang pangit at ang baduy baduy tingnan.

Ewan ko ba, ganun e

Kapag gusto ko, gusto ko

Kapag nakasanayan ko, parang hindi ko na kayang alisin

Sa utak, puso, at sistema ko

Kapag nagtuloy-tuloy ang usapan, ako na mismo

Ang gagawa ng paraan para hindi matapos

Kapag nagsimula sa hello, dudugtungan ko na

Ng isa pang hello na may kasamang tanong

Para sumagot ka

Pagkatapos, magtatanong ulit ako

Para sumagot ka ulit

At hindi matapos ang usapan.

Ewan ko ba

Ganun nga talaga siguro

Kahit gano ko kabisado yung bawat quotable quote

Sayong sanlibong beses ko nang binasa,

Kahit gano ko kabisado yung lyrics, intro, bass drop

Mong paulit-ulit sa playlist ko at sa radyo,

Kahit gano kacheesy at cringy yung bawat joke,

Bawat lines na binibitiwan sayo,

Kahit gano kaluwag, kalaki yung butas sa kili-kili,

Kahaba yung sinulid na nakalaylay sa laylayan,

Kakupas yung kulay, kabaduy yung style mo,

Babasahin pa rin kita.

Kakantahin pa rin kita.

Papanoorin pa rin kita.

Susuotin pa rin kita.

Hindi ko alam kung bakit pero tangina

Mahal kasi kita.

Posted in Uncategorized

current events.

Nakapag-revise na ako ng children’s story ko. Nakapagsulat na rin ako ng isang chapter sa Wattpad. Nakapagsulat na rin ako ng isa na namang word vomit piece.

On the other hand, hindi pa rin ako nag-aaral para sa long test namin sa Economics. Hindi pa ako nag-aaral para sa long test namin sa English. Hindi pa ako gumagawa ng outputs ko sa Filipino. Hindi pa ako nag-aaral para sa long test namin sa Math. Wala pa akong project sa Computer Science na deadline na ngayong linggo.

Yet nandito ako ngayon, sa harap ng laptop. Nagtatype.