Posted in Childhood, Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, poetry, random, Uncategorized

ang anghel at ang demonyo.

          “Hindi ka ba sasabay sa pagkain?” tanong ng Mama niya sa kanya. Kapansin-pansin ang kunot sa noo nito habang nanatiling diretso ang tingin ni Keila.
          Hindi man lang niya sinulyapan ang ina at dumiretso sa kama. Padabog niyang sinara ang pinto. Sa harap ng salamin ay unti-unti niyang inalis ang mga bagay na nagsisilbing maskara niya – identification card, neck tie na may logo ng kanyang paaralan, at ang kanyang uniporme. Nagpakawala siya ng isang buntong-hininga bago nagsalita, “Alam kong nandyan ka. Sige na, hwag ka nang magtago.”

          “Ano ba ‘yan? Paano mo nalaman?” inis na sabi ng isang itim na nilalang. Mayro’n itong dilaw na mga mata at itim na balat na tila gawa sa tinta ng bolpen. “Magsusulat ka ba ngayon? Magsulat ka naman ngayon para may hapunan ako.”

          “Ayoko. Matutulog na ako,” tugon ni Keila habang pilit na iniiwasang makita ang nakatatakot na itim na nilalang.

          “Hindi ka puwedeng matulog!” sigaw nito sa kanya. Nagsilabasan ang mga pangil nito na walang kasingtulis. “Kailangan kong kumain!”

          “Ayoko nga sabi!” sigaw niya pabalik.

         “Kailangan. Mong. Magsulat.”

         “Ayoko. Pagod ako. Please lang, hwag ngayon.”

         “Wala nga akong kakainin!” pagmamaktol ng itim na nilalang na tila ba isang batang inagawan ng kendi. “Kailangan kong malaman kung ano na ang tumatakbo sa isip mo. Gusto kong malaman kung paano mo inilalarawan sa utak mo ‘yong pakiramdam ng lumunok ng asido!”

          “Tama na. Ayoko ngang magsulat.”

          Napangiti ang halimaw. Alam nitong may epekto kay Keila ang mga sinasabi niya. “Gusto kong malaman kung paano mo inihahalintulad sa paglipad ang pagtalon mula sa ikaapat na palapag ng paaralan mo.”

          “Stop. Tama na.” Tinakpan ni Keila ang kanyang mga tainga. 

          Nagbabakasakali siyang hindi na niya maririnig ang halimaw ngunit doon siya nagkamali. Kahit nagtakip na siya ng kanyang tainga ay naririnig pa rin niya ang pang-asar nitong boses na para bang nasa loob ito ng utak niya.

          “Ano nga bang pakiramdam ng pagkadurog ng buto? Ano nga bang pakiramdam ng paglalaslas sa pulso? Ha? Gusto mo bang malaman?”

          “Shit ka.” Inis na tumayo si Keila at kinuha ang kuwaderno sa ibabaw ng kanyang mesa.

          Nakangiting inabot sa kanya ng itim na halimaw ang kulay asul na bolpen. “Bilisan mong magsulat, nagugutom na ako.”

Wala namang bago sa sumunod na araw. Ganoon pa rin naman ang lahat. Sa paaralan, makikitawa at makikipagbiruan si Keila sa kanyang mga kaibigan na para bang hindi niya sinubukang idikit ang bread knife sa pulsuhan niya bago matulog. Pagdating naman sa bahay ay tatapusin niya ang sandamakmak na gawain mula sa paaralan bago pakainin ang itim na halimaw sa kuwarto niya. Gustuhin man niyang patayin ang halimaw ay hindi niya magawa. Gawa kasi ito ng mga maiitim niyang plano sa pagkitil ng sariling buhay at hindi niya kayang pigilan ang sariling mag-isip ng kung anu-ano.

Maayos naman ang lahat. Wala naman siyang problema sa kanyang pamilya. Wala rin siyang problema sa kanyang mga kaibigan. Maayos ang lahat, iyon ang lagi niyang iniisip ngunit sadyang mayroong mali. Sa dinami-rami naman kasi ng mga tao, siya pa ang napiling samahan ng itim na halimaw na iyon. Ayos naman ang lahat at wala siyang dahilan kung bakit gusto na niyang maglaho ngunit nakararamdam siya ng sobrang kalungkutan.

Ang nakasusuka niyang mundo ay unti-unting gumuho nang dumating si Nikolai Isaiah Montenegro. Kalilipat lamang nito at unang araw pa lamang nito sa klase ay kapansin-pansin na ang pagsulyap nito sa kanya. At dahil siya si Keila Dione Reyes, hindi niya pinansin iyon. Lagi niyang iniisip na baka iba ang tinitingnan nito. Baka nagkataon lang na nakatingin ito sa kanya. Ang akala niya ay wala lang iyon hanggang sa kumalat ang balitang gusto siya ni Nikolai.

“Hindi totoo ‘yan,” medyo inis niyang sabi sa kanyang kaibigang si Dianne. Pinagpipilitan kasi nito sa kanya na totoo ang bali-balita. “Imposible lang kasi saka hindi niya naman ako kilala. Parang ang bilis naman ata.”

“Maganda ka naman e. Maldita ka lang,” natatawa pa nitong sabi.

Wala naman kasing ginagawa iyong si Nikolai para mapalapit sa kanya hanggang sa isang araw, kinausap siya nito. 

Hi,” umupo ito sa tabi niya, “ayaw mo bang sumali sa kanila?” Tinuro pa nito ang kanyang mga kaibigang masayang naglalaro ng dodge ball.

Hindi niya alam ang isasagot. Hindi naman siya mahiyain. Nabigla lang siguro siya dahil kinausap siya ni Nikolai. “Ayoko sa mga ganyang laro,” sagot niya habang nakatingin sa mga kaibigan.

“Bakit naman?” kunot-noong tanong nito sa kanya.

“Ayoko lang. Mas gugustuhin kong nakaupo at nagbabasa.”

Bookworm ka?” muli pa nitong tanong.

Writer din, ang gusto niyang sabihin pero hindi pa naman sila gaanong magkakilala. “Medyo,” tipid niyang sagot sa lalaki. “Depende sa genre.”

“Anong genre ba ang trip mo?” usisa pa ni Nikolai.

Fiction. Kung bakit fiction? Uh. Siguro kasi kahit ano, puwede mangyari.”

“Gano’n din naman sa fantasy a?”

“Sa fantasy kasi, ano. Alam mo ‘yon? Kahit na pilit kang dinadala ng author sa mundong ginawa niya, mayro’n pa ring bumubulong sa utak mo na hindi ‘yon mangyayari sa totoong buhay. So I would rather choose fiction. At least kahit papa’no alam mong posible ‘yong–” Gulat siyang napatingin kay Nikolai. “Teka nga, bakit ko nga ba sinasabi sa’yo ‘yon?”

Natatawang umiling si Nikolai. “Hindi ko alam sa’yo. Ikaw lang naman ‘tong biglang nagkuwento tungkol sa fiction at fantasy.”

Napatingin si Nikolai sa paparating nilang mga kaklaseng tapos nang maglaro. “Uh. Mauna na ako bago pa sila… Mang-asar.” Nginitian siya nito at saka pabirong ginulo ang buhok niya. “Ang saya mo palang kausap. Sa susunod ulit.”

Nang gabing ding iyon, mahimbing na nakatulog si Keila. Nawalang parang bula ang itim na halimaw. Lumipas pa ang mga araw at nahulog ang loob nila sa isa’t isa. Sobrang saya ni Keila at alam niyang kasunod ng bawat halakhak niya ay luha. Natatakot siya. Ayaw na niyang magpatuloy pa ang sayang nararamdaman niya sa tuwing kasama niya si Nikolai. Pakiramdam niya kasi ay mayroong malaking kapalit ang pagiging masaya niya. Nagpatuloy ang mahihimbing niyang tulog. Walang itim na halimaw na nambubulabog sa tulog niya. Walang itim na halimaw na nagtatanong sa kanya kung paano niya gustong kitilin ang sariling buhay.

Matagal-tagal din niyang hindi binubuksan ang kuwaderno sa ibabaw ng mesa niya. Alam niya kung ano ang laman ng kuwadernong iyon – ilang mga hangman at hindi mabilang na suicide plan. Alam niyang ikatutuwa ng itim na halimaw ang gagawin niya pero ginawa niya pa rin – binuklat niya ang kuwaderno at binasa ang mga pinagsusulat niya.

Ayoko na dito. Gusto ko nang umalis. Hindi ko na kaya. Wala na yatang nagmamahal sa’kin. Nasasakal na ako kahit maayos lahat. Nalulunod ako. Hindi na ako makahinga. Please save me. Tangina, ayoko na.

Nanginginig niyang sinara ang kuwaderno pero huli na ang lahat. Muling nagising ang itim na halimaw. Nakangiti siya nitong binati. “Akala mo ba mahal ka ng lalaking iyon? Ako na ang nagsasabi sa’yo, hindi ka niya mahal!”

“A-alam ko. Hindi mo kailangang ipamukha.”

“Kung mahal ka man niya ngayon, mabilis ding mawawala iyan dahil makahahanap siya ng mas maganda kaysa sa’yo.”

“Alam ko. Tama na, please.”

“Anong tama na? Hindi ako titigil hangga’t hindi ka tumitigil sa kahibangan mong ‘yan!”

“Tama na, tama na.” Inis siyang tumayo. Kinuha niya ang cutter mula sa drawer at tuluyan itong idinikit sa pulsuhan niya.

Iniwasan niya si Nikolai. Hindi niya ito pinapansin at pinipilit niyang hwag itong tingnan sa tuwing mayro’ng recitation sa klase. Hindi naman nagreklamo si Nikolai. Simula’t sapul naman kasi ay wala silang relasyon. Alam nilang may gusto (o mahal) nila ang isa’t isa pero wala iyong tinatawag na “commitment”. Ang akala ni Keila ay hindi napapansin ni Nikolai ang paglayo niya. At doon siya nagkamali.

Isang gabi, mula sa paaralan si Florence at gaya ng nakasanayan, tuloy-tuloy lang siya papuntang kuwarto. Halos hindi na rin niya maaninag ang dilaw na mga mata ng itim na halimaw sa sobrang taas nito. Abot na sa kisame ang itim na halimaw. Kasinglapad na rin nito ang mattress ng kama niya. Gabi-gabi niya itong pinapakain sa pamamagitan ng mga tulang pinagsusulat niya. Triple naman ang inilalaki ng itim na halimaw sa tuwing nilalaslas niya ang kanyang pulso.

Akmang kukunin na niya ang cutter mula sa drawer nang biglang nagbukas ang pintuan niya. “Keila?” Si Nikolai pala. Bakas ang gulat sa mukha nito habang palipat-lipat ang tingin kay Keila at sa cutter na handa nang humalik sa pulsuhan nito.

“Anong nangyayari?” Patakbong lumapit si Nikolai kay Keila. Naguguluhan man ay inagaw niya ang cutter mula rito. “Bakit ka…”

“A-ayoko na kasi e.”

“Hindi pagpapakamatay ang sagot. Hwag namang ganito. Alam mong hindi ko magugustuhan ‘pag nawala ka kaya bakit? Hinayaan kitang lumayo kasi akala ko, gusto mo lang huminga sandali pero anong nangyayari?” Huminga muna ito bago nagpatuloy. “Hindi ko kaya ng wala ka. Sana naman alam mo ‘yan.”

“Nasasakal na kasi ako. Ayokong madamay ka. Ayokong masali ka. Ayokong mahirapan ka.”

“Kaya mo ba ako iniiwasan? Alam mo, mas gugustuhin kong ‘madamay’ ako sa problema mo kaysa sa magising na lang akong wala ka na.” Niyakap niya ng mahigpit si Keila. “Kasi sinasabi ko sa’yo, hindi ko kakayanin. Mahal kita, okay?”

“Mahal din kita.”

Tahimik lamang silang pinapanood ng itim na halimaw na tila ba nahihirapang huminga. Maya-maya pa ay sumabog na parang abo ang itim na halimaw.

“W-wala na siya.”

“Ha? Sino?”

“’Yong itim na halimaw.”

“Anong itim na halimaw?” Tumawa si Nikolai. “May nakikita ka bang hindi ko nakikita?”

“Ha? E-ewan ko. Nandiyan lang siya kanina.”

“Ewan ko sa’yo. Ang wirdo mo.”

florence

Advertisements

Author:

"You need to get lost before you find yourself" likes: coffee ☕ || rain ☔ || books 📚 || music 🎧 || writing at 2 AM :)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s