Naaalala ko pa ang araw na iyon. Nakaupo si Mama sa isang maliit na pulang bangko. Lukot ang kanyang noo habang halos magkadikit na ang dalawa niyang kilay. Sa bawat pagtulo ng butil-butil niyang pawis sa noo ay siya namang pamumuo ng bula sa bawat pagkusot niya. Nakapokus si Mama sa pagkukusot habang ako naman ay nakaupo sa tabi niya – naglalaro.
Mag-aapat na taon pa lamang ako noon at dahil hindi ko naman alam na mahirap maglaba, lalo pa akong dumikit kay Mama. Pinaglaruan ko ang mga bulang dulot ng isang pakete ng Tide Ultra. Ilang beses akong sinabihan ni Mama na huwag siyang guluhin ngunit sadyang matigas ang ulo ko kaya’t hindi ako nakinig.
Hawak ko ang regalong ibinigay sa akin ni Papa. Minsanan lang kasi siya umuwi kung kaya’t lubos kong pinahahalagahan ang mga pasalubong niya. Tuwang-tuwa kong pinalangoy ang yari sa plastik na si Pikachu sa bula sa pag-aakalang maaari siyang maging sirena at lumangoy na parang wala nang bukas. Bigla na lamang tumigil si Mama sa pagsaway sa akin, bagkus ay tumayo siya. Inagaw niya mula sa akin si Pikachu at laking gulat ko nang inihagis niya iyon sa labas ng pinto. Padabog niyang isinara ang pinto at saka muling ipinagpatuloy ang paglalaba.
Mangiyak-ngiyak ako noon kung kaya’t madaling naawa si Mama. Sa ikalawang pagkakataon ay tumayo siya upang kunin ang kawawang si Pikachu sa labas. Sumilip ako sa bintana at mula sa bintanang iyon, natanaw ko ang isang malaking truck.
Isang mahinang krak! ang narinig ko. Pumasok si Mama ng pinto ngunit hindi ko na nakita pa si Pikachu.
florence