Posted in Childhood, Filipino, friendships, journal, love, poetry, random, Uncategorized

isang sulat para sa nakaraan.

To me from ten years in the future,

Alam kong hindi ka maniniwalang galing ito sa hinaharap dahil alam kong hindi ka naman madaling mauto kaya kung makarating man sa’yo ito, ikaw na ang bahala kung maniniwala ka o hindi. Naniniwala akong laging may dahilan kung bakit nangyayari ang lahat ng bagay pero sakaling mabigyan ako ng pagkakataong bumalik sa nakaraan o ‘di kaya ay magpadala ng sulat sa nakaraan, nandito ang mga bagay na gusto kong gawin mo.

Unang una sa lahat, gusto kong magsalita ka. Hwag mo akong sasagutin nang pilosopo sa utak mo dahil ang ibig kong sabihin ay, kung ayaw mo sa isang bagay o tao, sabihin mo. Sabihin mo ang opinyon mo dahil kapag nanahimik ka, siguradong pagsisisihan mo iyon. Kapag tinanong ka o hiningan ka ng opinyon ukol sa isang desisyon, sabihin mo ang totoo. Sabihin mo kung ayaw mo dahil paminsan-minsan ay kailangan mong unahin ang sarili mo kaysa sa dahilyahan ng iba. Kapag binigyan ka ng pagkakataong magsalita, magsalita ka. Kapag sinabihan ka ng “Ano? Magsalita ka naman”, magsalita ka at hwag kang umiling. Alalahanin mong may mga taong handang punan ng sarili nilang salita ang bawat iling mo. Hwag mong hayaang paniwalain ka nila sa mga bagay na pinaniniwalaan nila at hindi mo pinaniniwalaan.

Ikalawa, hwag kang matakot sa mga bagay-bagay. Hwag kang matakot na magkamali dahil bukod sa napaka-mainstream na mga kasabihang “lahat ng tao ay nagkakamali” at “nobody’s perfect”, hindi ka matututo kung hindi ka magkakamali. Hindi ko naman sinasabi na maghanap ka ng thrill sa lahat ng bagay pero alam mo ‘yon? Sa bawat araw, gumawa ka ng paraan na magkaroon ka ng ala-alang pupuwede mong balik-balikan.

Ikatlo, panatilihin mong balanse ang mga prayoridad mo. Sikapin mong magkaroon ng maayos at matitinong marka sa paaralan. Alam nating dalawa na hindi importante ang mga numerong ‘yan kaya kung sakali mang may kaibigan kang mag-aya sa’yong kumain sa labas kahit pa alas-siete ang oras ng dismissal niyo, pumayag ka. Kapag may kaibigan kang nanghingi sa’yo ng payo o ‘di kaya ay nagkuwento sa’yo ng hinanakit niya sa buhay, gusto kong kahit ano pa ‘yang ginagawa mo — kahit pa isa iyang maikling kuwento kinakailangang sampung pahina para sa Elective mong Creative Writing — itigil mo para sa kaibigan mo. Hindi mo alam, baka mamaya ay ‘yang kaibigan mong balak mong hwag pansinin ay nagbabalak na pa lang magpakamatay.

Ikaapat, gusto kong lumabas ka ng bahay. Gumala ka paminsan-minsan. Pumunta ka sa mall o ‘di kaya sa isang book store. Kumain ka ng French fries. Lumabas ka naman kahit ba para lang masikatan ka ng araw (bukod sa pagpasok mo sa paaralan). Kung bakit gusto kong gumala ka? Kapag nagkaroon ka na kasi ng trabaho at sariling pamilya, wala ka nang oras para sa sarili mo.

Ikalima, hwag kang matakot na umasa sa iba. Hwag kang matakot na humingi ng tulong dahil baka mamaya ay sumabog ka na lang dulot ng mga emosyong kinikimkim mo. Alam kong natatakot kang mahusgahan ng iba pero ikaw din naman kasi ang mahihirapan kung sasarilinin mo lahat. Pagdating sa sandamakmak na gawain sa paaralan, hwag kang mahihiyang humingi ng tulong sa iyong mga magulang o sa kahit kaninong kaibigan mo.

Ikaanim, gusto kong magtiwala ka sa kanya. Alam kong natatakot ka sa epekto sa’yo ng taong ‘to (alam kong kilala mo kung sino ang tinutukoy ko) pero sana hwag kang tumakbo. Kahit anong balak mong tumakas, hwag mong ituloy. Kahit mahirap, gusto kong pagkatiwalaan mo siya. Kahit mahirap, gusto kong ibigay mo sa kanya nang buo ang tiwala mo. Alam kong naiinis ka sa sarili mo tuwing napagtatanto mong sinusulyapan mo na naman siya. Alam kong nagpapakita ng takot ang mga mata mo sa tuwing magkakasalubong kayong dalawa. Alam kong kinakabahan ka na para bang may ginawa kang krimen pero alam ko ring takot ka lang na magkamali. Alam kong alam mo sa sarili mo na takot kang masaktan kaya ka natatakot sa kanya. Naiintindihan kita kung hindi mo gagawin ang hiling kong ‘to pero sana, subukan mo kahit papaano, kahit paunti-unti.

Ikapito, hwag mong aawayin ang bunso mong kapatid. Sa tantya ko ay nasa ikatlong baitang siya diyan sa inyo. Sana naman ay lubusin mo na ang mga panahong magkasama kayong nanonood ng Barbie o kahit anong cartoons sa TV. Lubusin mo na ang mga pagkakataong kayong dalawa lang ang nasa bahay dahil ‘yang mga pagkakataong ‘yan lamang ang mga oras na puwede kayong mag-usap tungkol sa mga bagay na pulos kabaliwan at napakawalang katuturan para sa mga matatanda. Lubusin mo na ang mga panahong nasosolo mo siya dahil darating ang araw na iba na ang kasama niya sa panonood ng mga pelikulang hindi na Barbie o cartoons. Darating ang araw na hindi na ikaw ang uutusan niyang abutin ang remote ng TV sa itaas ng refrigerator dahil tatangkad siya at kaya na niya iyong gawin mag-isa. Darating ang araw na hindi ka na niya uutusan. Sa maniwala ka’t sa hindi, ako na ang nagsasabi sa’yo, hahanap-hanapin mo ang mga sandaling nakahiga siya sa tiyan mo pagkatapos ay sisigaw siya ng “Ate, pakuha nga ng unan!”. Sasagutin mo siya ng “E kung tumayo ka kaya? Pa’no ko kukunin kung nakahiga ka sa tiyan ko?” na magsisimula ng isang argumento hanggang sa nakalimutan na ninyong dalawa ang tungkol sa unan — na napunta na pala doon sa natapong tubig na kanina pa natapon pero hindi mo pa rin pinupunasan.

Ikawalo, matuto kang humingi ng tawad sa mga magulang mo. Oo, lagi ka nilang pinapagalitan pero sana naman ay tanggapin mong may pagkakamali ka rin naman. Hwag kang matakot na magsabi sa kanila ng mga ikinasasama ng loob mo dahil sila dapat ang unang makakaalam ng mga iyon. Hwag kang mag-isip ng kung anu-ano kapag sinasabihan ka nilang ang manang ng music taste mo. Oo, alam kong ibang usapan na kapag music taste ang nilait nila pero intindihin mo na lang dahil gano’n daw talaga mag-isip ang mga matatanda ayon sa librong “Ang Munting Prinsipe”. Alam kong iniisip mong below the belt ang panlalait nila sa music taste mo pero gaya nga ng sinabi ko sa’yo, hayaan mo na dahil opinyon nila ‘yon. Hwag ka na rin mainis sa tuwing pinipilit ka nilang matulog nang maaga dahil iniisip lang naman nila ang kalusugan mo.

Idahilyam, iukit mo sa isip mo na mahalaga ka at hindi magiging ayos lahat kung wala ka. Alam kong alam mo ang tungkol sa time paradox kaya alam mong maaapektuhan ang buhay ng iba. Mahalaga ka sa mga taong nakapaligid sa’yo. Maaaring nawawalan sila ng oras para sa’yo o sadyang hindi kayo pinagtatagpo ng landas pero mahalaga ka sa kanila at gusto kong itatak mo sa isip mo ‘yan. Hwag kang susuko at hwag kang maging makasarili.

At ang pinakahuli, huminga ka. Hwag mong hayaang kainin ka ng bulok na sistema. Hangga’t maaari ay gusto kong pasimple kang sumalungat sa bulok na sistema. Gusto kong gawin mo ang gusto mo. Gawin mo ang mga bagay na makapagpapasaya sa’yo at hayaan mo ang mga magsasabing mukha kang tanga sa ginagawa mo. Hayaan mo, hindi kasi nila alam na sila ang tunay na mga tanga sa ginagawa nilang pagsunod sa sistemang inaakala nilang tama pero bulok naman pala.

florence

Advertisements

Author:

"You need to get lost before you find yourself" likes: coffee ☕ || rain ☔ || books 📚 || music 🎧 || writing at 2 AM :)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s