Posted in Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, poetry, random, Uncategorized

journal #5: ala-ala

Nakangiti na naman ang buwan sa akin na tila ba may gustong ipaalala. Napakalamig din ng hanging unti-unting sumusuot sa mga hibla ng suot kong damit. Sa sobrang lamig ng haplos ng hangin, naalala na naman kita. Ah, baka ikaw ang ipinapaalala sa akin ng buwan. Ikaw na pilit kong kinakalimutan at inaalala. Kung paano ko iyon ginagawa nang magkasabay ay hindi ko alam. Hinahanap na ako sa bahay natin ngunit mananatili muna ako rito – sa lugar na tanging ako lang ang may lakas ng loob na pumunta. Napakatahimik ng paligid ngunit maririnig ang mahinang ungot ng kinakalawang na swing.  Kahihiligan mo rin kaya ang mga gabing tulad ng ngayon? Heto na naman ako, inaalala ka kahit wala naman akong mga ala-alang kasama ka. Gusto kitang kalimutan ngunit hindi ko magawa. Maging ang hangin at buwan kasi ay ipinapaalala ka sa’kin. Umupo ako sa swing na kahit anong oras ay mukhang bibigay na.

Pakiramdam ko nga ay ikaw itong nagyeyelong hanging ngayon ay palihim akong niyayakap. Naramdaman mo bang iniisip kita? Paano, lagi ka nilang binabanggit sa akin. Napapangiti na lang ako sa tuwing makikita ko ang ngiti sa labi ni Mama sa tuwing babanggitin niya ang pangalan mo. Isang ngiting hinding hindi ko maibibigay sa kanya. Ni hindi ko nga maintindihan kung bakit mas pinapahalagahan ka nila kaysa sa akin. Ako itong nasa tabi nila at nakapagbibigay ng maraming gintong medalya ngunit mukhang mas mahal ka pa nila kaysa sa akin. Ramdam kong ikaw ang mas mahal nila – ikaw na walang ginawa kundi gumapang, umiyak, matulog, at kumain… noon.

Gusto kong magalit sa iyo dahil kahit wala ka naman dito, mas mahal ka nila, ngunit hindi ko magawa. Hindi ko magawa dahil wala ka namang kasalanan. Hindi mo naman ginustong magkaroon ng sakit sa puso at iwanan kaming lahat. Hindi mo naman ginustong iwanan ako. Sa palagay ko, kung hindi mo ako iniwanan, hindi ako maiinggit sa iyo. Marami na siguro tayong mga ala-ala. Napatotohanan ko na rin siguro ang mga kuwento ng mga ninang mo na magkamukha raw tayong dalawa. Napakadaya mo kasi. Natakasan mo ang mga panghuhusga ng mga tao, hindi tulad ko na hanggang ngayon ay nakakulong pa rin sa pamimili kung susundin ko ba ang nais nilang mangyari. Nakatakas ka kasi mula sa reyalidad na lubha kong kinatatakutan kaya’t… naiinggit ako sa iyo. Natatawa na lamang ako sa mga naiisip kong hindi dapat. Sa ating dalawa kasi, ikaw ang mas matanda, pagkatapos heto ako’t nag-iisip ng kung anu-ano sa’yo. Napayakap ako sa braso ko nang muling umihip ang hangin na tila ba may ibinubulong.

“Ang daya mo, Kuya,” pabalik kong bulong sa hangin. Dahan-dahan akong tumayo mula sa pakupas nang dilaw na swing. Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ngunit narinig ko ang tinig ng isang lalaki. “Patawad sa’yo, mahal kong kapatid.” Sinuri ko ang paligid at nakumpirma kong walang tao. Bagaman nangingilid na ang luha sa aking mga mata, muli akong bumulong sa hangin, “Patawarin mo rin ako, Kuya. Hintayin mo ko diyan, ha?”

florence

Advertisements

Author:

"You need to get lost before you find yourself" likes: coffee ☕ || rain ☔ || books 📚 || music 🎧 || writing at 2 AM :)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s