Posted in Filipino, friendships, journal, love, poetry, random

journal #10: bakit ako?

Hindi ako ‘yong tipo mong babae na mahilig pumunta sa kung saan. Mas nanaisin ko pang manatili sa bahay – sa ibabaw ng kama, kasama ang isang tasa ng bagong timplang kape, isang notebook, at isang ballpen na lila ang tinta.

Hindi ako ‘yong tipo mong babae na magaling pumorma. Ako kasi ‘yong tipo ng babae na bahala na kung anong hitsura ko basta’t kumportable ako. Sa maniwala ka’t sa hindi, nagsusuot ako ng damit na may mahabang manggas kahit tirik ang araw sa labas. Doon kasi ako kumportable.

Hindi ako ‘yong tipo mong babae na naglalabas ng payong kahit hindi naman nakakabasa ang ulan. Mahilig kasi akong magpaulan…at sa maniwala ka’t sa hindi, kahit anong pagpapaulan ang ginagawa ko ay hindi ako nagkakasakit. Wirdo nga ako, sabi nila. Madalas nila akong tinitingnan (na para bang nanghuhusga) sa tuwing naliligo ako sa ulan.

Hindi ako ‘yong tipo mong babae na palaayos. Halos wala na nga akong pakialam sa hitsura ko e. Magsusuklay ako pagkatapos maligo at ang sunod na pagdapo ng ngipin ng suklay sa buhok ko ay sa gabi na, bago ako matulog. Hindi rin ako nagpupulbo o naglalagay ng kung anu-ano sa mukha.

Hindi ako ‘yong tipo mong babae na madaling lapitan at ngumingiti nang matamis sa kung sinumang lumapit sa kanya. Ako kasi ‘yong tipo ng babae na laging may nakapasak na earphones sa tainga at kung kakausapin mo man ako, pagkunot ng noo ang isasagot ko sa’yo at hindi isang ngiti.

Hindi ako ‘yong tipo mong babae na makakasundo mo pagdating sa musika. Hindi kasi ako fan ng anumang banda o singer. Basta’t maganda ang ritmo at liriko, wala na akong pakialam kung sino ang kumanta. Gano’n naman kasi dapat ang musika, hindi ba? Hindi dapat masakit sa tainga. Malalim at tagos dapat sa puso ang bawat liriko.

Mahaba pa ang listahan ng mga patunay na hindi ako ‘yong tipo mong babae. Hindi ako ‘yong tipo mong babae kaya’t hanggang ngayon ay hindi ko alam kung bakit ako ang pinili mo.

Bakit nga ba ako ang mahal mo?

florence

Advertisements
Posted in Filipino, friendships, journal, love, poetry, random

journal #9: habit

Nito ko lang napansin na mayro’n akong napakawirdong habit. Kapag may joke sa TV, lilingon ako sa mga kasama ko. Kapag may nag-joke (kahit sino), lilingon ako sa mga kasama ko.

Kaya lang naman ako lumilingon sa kanila, ay dahil sa dalawang dahilan:

  1. Kung hindi sila tatawa, hindi rin ako tatawa. Bukod sa awkward kapag ako lang ang natawa, hindi ko alam kung bakit pero parang dumidepende ako sa kanila. Kapag tumawa sila ay tatawa rin ako. At kapag masaya sila, masaya na rin ako.
  2. Gusto kong marinig ang mga tawa nila bago ako tumawa kasi masarap sa tainga. At isa pa, gusto ko rin kasing malaman kung sino ang tumatawa nang peke at nagkukunwaring masaya. Baka kasi malungkot talaga sila. Baka kasi kailangan nila ng makakausap at hindi nila masabi ang problema nila dahil ayaw nilang masira ang kasiyahan.


    florence

    Posted in Childhood, Filipino, friendships, journal, love, poetry, random

    journal #8: hi, A.

    Kanina, nanunuod ako ng T.V. Wala si Mama, nagnenegosyo. ‘Yong kapatid ko naman, kasama rin ni Mama. At si Papa, nagnenegosyo rin. Tumatawa ako kapag may nakakatawang eksena. Tatawa ako at pagkatapos kong tumawa, tatahimik ulit ang paligid.

    And that moment, all I could think of was how everything would be better if you were there, A.

    Akala ko, masaya ako kapag naiiwan akong mag-isa sa bahay. Solo ko kasi ‘yong WiFi pero pakshet. Mas lalo ko lang nararamdamang mag-isa ako. Napaisip tuloy akong bigla kung anong pakiramdam ng katabi ka kasi…hindi ko alam e. At alam kong kahit kailan, hindi kita makakatabi o makikita man lang.

    Akala ko, tanggap ko na e. Hindi pala. Ang nakakatawa pa, mukhang ako lang ang hindi pa nakaka-move on sa pagkawala mo.

    At ang mas nakakatawa pa, hindi naman kita nakasama. Ni anino mo, hindi ko nakita pero ganito ako makaiyak.

    florence

    Posted in friendships, journal, Maikling Kuwento, poetry, random

    random #15: suicidal

    Hindi na alam ni Aika kung anong sasabihin sa kaibigang si Mae. Kinakailangan kasing umalis ng ina ni Mae at iyon ang ikinatatakot nito. Kung anu-ano na kasi ang pumapasok sa utak ni Mae. Mommy’s girl si Mae habang Daddy’s girl naman si Aika. Ang pinagkaiba ng sitwasyon nilang dalawa ay buhay pa ang nanay ni Mae samantalang ang tatay ni Aika ay matagal nang patay.

    Ting!, tunog ng laptop ni Aika, senyales na nakatanggap siya ng mensahe sa Facebook. Isang bagong mensahe mula kay Mae. Huminga muna ng malalim si Aika bago buksan ang chatbox nila ni Mae.

    M – Mae; A – Aika

    M: bes, parang gusto ko na lang mawala 

    A: hoy, wala namang ganyanan

    M: seryoso, hindi ko kakayanin pag umalis si mama

    A: kaya mo ‘yan! ikaw pa, fighter tayo, di ba?

    M: hindi ko na alam…

    A: Mae, nandito lang ako… Isipin mo na lang kung anong mararamdaman ko kapag tinuloy mo ‘yang binabalak mo

    M: sige, babye na

    A: Basta, wala kang gagawing hindi ko gusto… Okay?

    M: Okay…

    Nag-log out na si Aika sa Facebook, isinara ang laptop, at saka humiga sa kama. Maya-maya  pa ay muli siyang tumayo. Binuksan niya ang isang drawer sa tabi ng kanyang kama at nanginginig na dinampot ang kumikinang na blade.

    florence

    Posted in Filipino, journal, love, Maikling Kuwento, poetry, random

    gusto kong magsulat.

    Gusto kong magsulat. Nasa pagitan na ng aking mga daliri ang plumang handa nang humalik sa papel ngunit paano ba ako magsisimula?

    Hindi ko alam kung magsisimula ba ako sa malaking letra (masyado kasing pormal) o sa maliit na letra (baka magmukha namang walang kuwenta).

    Hindi ko alam kung sisimulan ko ba ang tulang balak kong isulat sa pamamagitan ng isang masayang linya o isang malungkot na linya.

    Kung magsisimula ako sa masayang linya, siguradong mapapangiti ang sinumang magbabasa. Kung magsisimula ako sa isang malungkot na linya, hindi ba’t magiging isang bagsakan ang sakit?

    Hindi ko alam kung tungkol saan, ano, at kanino ang isusulat kong tula. Basta’t ang alam ko ay gusto kong magsulat. Hindi ko alam kung paano ngunit nginingitian ata ako ng mga pluma.

    Isang ngiting napakaganda.

    Nakakaakit at nakakaadik.

    florence

    Posted in Filipino, friendships, journal, Maikling Kuwento, poetry, random, Uncategorized

    journal #7: isang sulat para sa taong ‘di karapat-dapat

    Para sa’yo,

    Alam kong hindi mo inaasahang magsusulat ako tungkol sa’yo ngunit may mga gusto akong sabihin sa’yo na hindi ko kayang sabihin nang harapan. Una sa lahat, salamat dahil naging matatag ako. Dahil sa’yo, natuto akong pumili ng mga dapat pagkatiwalaan. Salamat sa’yo at naging maingat ako sa lahat ng bagay.

    Pasensya nga pala kung lumayo ako nang hindi man lang kita hinayaang magpaliwanag. Halos tuklawin na kasi noon ako ng katotohanan at may quota naman ang pagpapakatanga ko. Pasensya nga pala kung tumigil ako sa pagsagot sa mga tawag mo, pati sa pagrereply sa text at chat mong pulos “uy” at “hi” ang laman. Naumay na kasi ako sa pagpapapansin at hanging dala mo.

    Aaminin ko, nagpahabol ako sa’yo. At pakiramdam ko, ang sama sama kong nilalang dahil hindi ko man lang binagalan ang takbo ko para makahabol ka. Nakalayo ako at nang madapa ako, may tumulong sa akin… at hindi ikaw iyon. Tinanggap ko ang tulong niya at sinamahan niya ako habang ikaw… Hindi na kita natanaw pa.

    Hinding hindi ako mapapagod sa pagpapasalamat sa iyo. Kung hindi dahil sa’yo, hindi magyeyelo ang puso ko at marahil ay mawawalan siya ng papel sa buhay ko. Alam mo bang dahil sa’yo ay ilang beses ko siyang pinagdudahan? Dahil sa’yo, nahirapan akong ibahagi ang kuwento ko sa kanya. Dahil sa’yo, nanatiling tikom ang bibig ko hangga’t hindi ako tinatanong. 

    Salamat at patawad. Hanggang sa muli, kaibigan.

    florence

    Posted in Uncategorized

    journal #6: mga katanungan

    Kamakailan, hindi ko na maintindihan ang mga bagay-bagay kaya’t nagtanong ako sa isang kaibigan. (Lagumang Pagsusulit kasi namin sa asignaturang Ekonomiks)

    A: Bakit natin kailangang kabisaduhin ‘tong mga teyorya nina Adam Smith, Artistotle, Thomas Aquinas, Fan Li, etc.?

    S: Para makapasa tayo sa test.

    A: Bakit natin kailangang pumasa sa mga test?

    S: Para makakuha tayo ng matataas na grades.

    A: Bakit natin kailangang makakuha ng matataas na grades?

    S: (naiinis) Para makakuha tayo ng magandang trabaho.

    A: Bakit natin kailangang makakuha ng magandang trabaho?

    S: Para sa magiging future ng mga magiging pamilya natin.

    A: Bakit kailangang pag-ipunan ang future?

    S: Ha? ‘Di ba gano’n naman talaga dapat?

    A: Sino ba ang nagsabing dapat gawin iyon? Nasa batas ba natin iyon? Kasama ba iyon sa Sampung Utos ng Diyos?

    S: Hindi ko rin alam e.

    A: E bakit mo iyon sinusunod?

    S: Hindi ko rin alam e.

    A: Sigurado bang magiging masaya ka kapag maganda ang  future mo?

    S: . . . . . . . . . .

    Naumid ang dila niya. Hindi rin pala siya sigurado kung magiging masaya siya.

    florence

    Posted in Childhood, love, random, Uncategorized

    huwag ka sanang magmadaling tumanda.

    Sa aking nakababatang kapatid,

    Huwag ka sanang magmadaling tumanda. Lasapin mo ang mga panahong ang inaalala mo lamang ay ang inaabangan mong palabas sa telebisyon. Huwag kang magmadaling tumanda dahil sa oras na hinayaan ka nilang pumasok sa iyong paaralan nang mag-isa, binibigyan na rin nila ang mga sarili nila ng karapatang husgahan ka. Hanggang ngayon ay palaisipan pa rin sa akin kung paano nangyari iyon. Sa pagkakatanda ko ay hindi ko naman sila binigyan ng karapatan na husgahan ako. Marahil ay inakala nilang tanggap ko ang mga panghuhusga nila sa akin dahil nanatili akong tahimik. Huwag mo nga palang hayaang madaig nila ang boses mo. Kung kaya mong isigaw o sabihin ang mga nasa isipan mo, huwag kang magdalawang isip na gawin iyon dahil pupunan lamang nila ng sarili nilang boses ang bawat pananahimik mo.

    Dahil sa oras na punan nila ng kanilang salita ang sarili mong labi, baka sumabog ka na lang sa sobrang kalungkutan. At ang kalungkutang iyon ay dulot nila. Iyon ang kalungkutang magdadala sa’yo sa posisyon ko ngayon – nakaupo sa ibabaw ng kama na tanging laptop at mga salita lamang ang armas. Huwag kang magmadaling tumanda dahil darating ang panahon na maiinggit ka sa mga batang kasing-edad mo ngayon… kasi ako, naiinggit ako sa’yo. Alam mo bang nadudurog ang puso ko sa tuwing pinagmumukha ka nilang tanga dahil hindi mo memoryado ang multiplication table? Ayaw kong tingnan mo ako bilang kakumpitensya dahil lamang sa kinukumpara nila ako sa’yo na kesyo ako raw no’ng kasing-edad mo, ay kaya na’ng sabihin ang iniiyakan mong multiplication table na iyan. Sinusunod ko lang naman noon ang mga kagustuhan nila sa kadahilanang akala ko ay sasaya ako… ngunit mali ako. Hindi ako masaya. Oo nga’t napasaya ko sila ngunit paano naman ako? Isipin mo ang kasiyahan mo dahil ikaw ay nabuhay para maging ikaw.

    Kung kaya ko lamang itigil ang oras upang hindi mo maranasan ang mga nararanasan ko, ay gagawin ko dahil mahal na mahal kita.

    florence

    Posted in Filipino, friendships, journal, love, Maikling Kuwento, poetry, random, Uncategorized

    journal #5: ala-ala

    Nakangiti na naman ang buwan sa akin na tila ba may gustong ipaalala. Napakalamig din ng hanging unti-unting sumusuot sa mga hibla ng suot kong damit. Sa sobrang lamig ng haplos ng hangin, naalala na naman kita. Ah, baka ikaw ang ipinapaalala sa akin ng buwan. Ikaw na pilit kong kinakalimutan at inaalala. Kung paano ko iyon ginagawa nang magkasabay ay hindi ko alam. Hinahanap na ako sa bahay natin ngunit mananatili muna ako rito – sa lugar na tanging ako lang ang may lakas ng loob na pumunta. Napakatahimik ng paligid ngunit maririnig ang mahinang ungot ng kinakalawang na swing.  Kahihiligan mo rin kaya ang mga gabing tulad ng ngayon? Heto na naman ako, inaalala ka kahit wala naman akong mga ala-alang kasama ka. Gusto kitang kalimutan ngunit hindi ko magawa. Maging ang hangin at buwan kasi ay ipinapaalala ka sa’kin. Umupo ako sa swing na kahit anong oras ay mukhang bibigay na.

    Pakiramdam ko nga ay ikaw itong nagyeyelong hanging ngayon ay palihim akong niyayakap. Naramdaman mo bang iniisip kita? Paano, lagi ka nilang binabanggit sa akin. Napapangiti na lang ako sa tuwing makikita ko ang ngiti sa labi ni Mama sa tuwing babanggitin niya ang pangalan mo. Isang ngiting hinding hindi ko maibibigay sa kanya. Ni hindi ko nga maintindihan kung bakit mas pinapahalagahan ka nila kaysa sa akin. Ako itong nasa tabi nila at nakapagbibigay ng maraming gintong medalya ngunit mukhang mas mahal ka pa nila kaysa sa akin. Ramdam kong ikaw ang mas mahal nila – ikaw na walang ginawa kundi gumapang, umiyak, matulog, at kumain… noon.

    Gusto kong magalit sa iyo dahil kahit wala ka naman dito, mas mahal ka nila, ngunit hindi ko magawa. Hindi ko magawa dahil wala ka namang kasalanan. Hindi mo naman ginustong magkaroon ng sakit sa puso at iwanan kaming lahat. Hindi mo naman ginustong iwanan ako. Sa palagay ko, kung hindi mo ako iniwanan, hindi ako maiinggit sa iyo. Marami na siguro tayong mga ala-ala. Napatotohanan ko na rin siguro ang mga kuwento ng mga ninang mo na magkamukha raw tayong dalawa. Napakadaya mo kasi. Natakasan mo ang mga panghuhusga ng mga tao, hindi tulad ko na hanggang ngayon ay nakakulong pa rin sa pamimili kung susundin ko ba ang nais nilang mangyari. Nakatakas ka kasi mula sa reyalidad na lubha kong kinatatakutan kaya’t… naiinggit ako sa iyo. Natatawa na lamang ako sa mga naiisip kong hindi dapat. Sa ating dalawa kasi, ikaw ang mas matanda, pagkatapos heto ako’t nag-iisip ng kung anu-ano sa’yo. Napayakap ako sa braso ko nang muling umihip ang hangin na tila ba may ibinubulong.

    “Ang daya mo, Kuya,” pabalik kong bulong sa hangin. Dahan-dahan akong tumayo mula sa pakupas nang dilaw na swing. Hindi ko alam kung guni-guni ko lang ngunit narinig ko ang tinig ng isang lalaki. “Patawad sa’yo, mahal kong kapatid.” Sinuri ko ang paligid at nakumpirma kong walang tao. Bagaman nangingilid na ang luha sa aking mga mata, muli akong bumulong sa hangin, “Patawarin mo rin ako, Kuya. Hintayin mo ko diyan, ha?”

    florence

    Posted in Uncategorized

    unsent messages #1

    Isang araw, sinabihan mo akong padalhan ka ng text message paggising ko. Nang tinanong kita kung bakit, ang sabi mo, “para magising ka nang maaga“. And then it dawned upon me.

    Why do I need to text you if I know I’m not going to get a reply?

    It was like throwing a ball upwards and expecting the ball to fall down the exact spot you threw it.

    Napaka-pointless.

    Alam kong pointless pero ginagawa ko pa rin. Pakiramdam ko kasi, if I fail to make you feel I still exist, makakalimutan mo ako. Come to think of it, mas madali nga siguro ‘yon.

    Our lives would have been easier if I simply don’t exist in your world – in this world.

    Mas madali kung wala ako. I know it won’t be the same without me (paradox kasi, ‘di ba?). But still, magiging ayos pa rin naman siguro lahat. I just won’t be a part of anything. I just won’t be there to see your smiling face or hear your laugh.

    I would just vanish into thin air, along with the things I love. My favorite things – necklaces, bracelets, probably even with the keychains given by my bestest friends.

    Everything won’t be the same but you won’t remember me anyway.

    You won’t remember the way I smile.

    You won’t remember the sound of my laugh.

    You won’t remember the way I sneeze.

    You won’t remember the way I wear my jackets.

    You simply won’t remember anything about me.

    The way I blink with my hazel eyes.

    The way I brush my wavy hair with my child-like fingers.

    The way I fit my foot in a 5-sized shoe.

    The way I look at you with cold, sad, disappointed eyes.

     

    Surely, it’s better for the both of us if I don’t exist.

    florence