Posted in Filipino, friendships, journal, love, poetry, random, Uncategorized

random #14: nakikita mo ba ang babaeng ‘yan?

Nakikita mo ba ‘yang babaeng tumatawang parang tanga? ‘Yang babaeng napapalibutan ng mga kaibigan niyang wagas din kung makatawa? Alam mo ba kung bakit lagi siyang nasa gitna? Alam mo ba kung bakit siya laging nakayuko? Syempre hindi mo alam, wala ka naman kasi yatang pakialam. Pero sige, sasabihin ko sayo kung bakit. Ayaw kasi niyang mahusgahan – sa bawat titig na natatanggap niya galing kung kaninuman.

Naaalala mo ba ‘yong babaeng tinuro ko sayo? Alam mo bang umiiyak ‘yan gabi-gabi? Alam mo ba kung bakit siya umiiyak na parang tanga sa harap ng laptop niya tuwing gabi? Syempre, hindi mo alam kasi, wala ka naman yatang pakialam. Pero sige, sasabihin ko sayo kung bakit – umiiyak siya dahil sayo.

May pakialam ka na ba ngayon sa kanya dahil sa mga nalaman mo? O dahil lang ‘yan sa konsensya mo?

 

florence

Advertisements
Posted in Filipino, friendships, journal, love, poetry, random, Uncategorized

random #13: huwag ka sanang magtaka

Mahal ko, huwag ka sanang magtampo sakaling dumating ang araw na hindi ko na masuklian ang mga sulyap mo. Sana’y maintindihan mong pagod na akong magnakaw ng sulyap sayo, sa pag-asang haharap ka at lalapitan ako.

Huwag ka sanang magalit sakaling dumating ang araw na hindi ko na mapindot ang pangalan mo sa chatlist ko. Sana’y maintindihan mong pagod na akong maghintay sa mga mensahe mong hindi naman pala talaga darating.

Huwag ka sanang magdamdam sakaling dumating ang araw na kaya na kitang tingnan nang diretso sa mata. Sana’y maintindihan mong hindi ko na maramdaman ang mga paru-paro sa aking tiyan na dating dahilan ng pagkailang ko sayo.

Mahal, huwag ka sanang magtaka sakaling dumating ang araw na kaya na kitang tiisin gaya ng pagtiis mo sakin ngayon sa kabila ng mga ipinapadala kong mga mensahe at mga tawag kong hindi mo sinasagot.

Huwag ka sanang magtaka kung sakaling dumating ang araw na kaya na kitang daan-daanan na para bang hindi kita kilala kasi mahal ko…

Ganyan ka rin naman sa akin, hindi ba?

florence

Posted in Filipino, friendships, journal, love, poetry, random, Uncategorized

journal #3: okay lang ako…

“Ayos ka lang ba?”

“Ha? Ah. Oo, ayos lang ako,” nakangiti kong sagot kasabay ng isang thumbs-up.

Laging ganito. Araw-araw pa nga e. Hindi ko alam kung matutuwa ako na hindi nila napapansin o maiinis kasi hindi napapansin ng mga taong gusto kong makapansin. Nalalabuan na nga rin ako sa sarili ko e. Gusto kong mapansin nila pero ayokong mag-alala sila. Ayokong may magpakita ng concern sa akin – pakiramdam ko hindi ako karapat-dapat sa pag-aalala nila. Pakiramdam ko mas mabuti na akong mag-isa.

Ayoko ng nagkukuwento kasi wala rin naman akong ikukuwento. Miski ako nawiweirduhan sa sarili ko eh, pa’no pa kaya sila?

Pakiramdam ko, nauubos ako. Pakiramdam ko pagod na pagod na ako kahit wala naman akong masyadong ginagawa sa buhay.

florence

Posted in ekphrasis, Filipino, journal, poetry, random, Uncategorized

Ang Inuman nina Juan at John

Kinakapos na ang aking hininga

Kasabay ng dugong tumutulong malaya

Nanginginig na ang lamang

Umiindak sa ritmo ng sigaw sa kalayaan

 

May patalim sa dibdib

Ngunit hininga’y patuloy kong iniigib

Sa posong kulay pula at tila itim ang tubig

Isang lagok pa at dito ako’y iibig

 

Medyo pumitik sa aking lalamunan

Ang likidong itim na aking natuklasan

Mahapdi at mabigat sa tiyan

Subalit ako’y tumungga pa dahil kay Pareng John

 

“Cheers, Juan!” ani Pareng John, tangan ang shot glass

Lakas ko’y unti-unti nang kumukupas

Dala yata ito ng inumang biglaan

Dala rin ba nito ang ramdam kong kalungkutan?

 

“This is called coke,” turan ni John

Pabiro pa nga niya akong inakbayan

“Do you want a hamburger?,” tanong niya sakin

Tanging iling lang ang naisagot ko

 

“Don’t you understand me?”

Walang salitang namutawi sa aking labi

Kaya’t isang iling ang muling ibinigay ko

“Don’t worry, I’ll teach you”

 

Napakabuti ni Pareng John

Binigyan pa niya ako ng dollars for fun

Kung kaya’t abot-langit ang aking ngiti

Habang binabaybay ang daan pauwi

 

“Juan, saan ka galing?,” tanong ni Inay

Ngunit iling lang ang aking naibigay

“Anak, sumagot ka, anong nangyari sa iyo?”

Isang litong tingin ang ipinukol ko

 

“I’m sorry Mom but I can’t understand you.”

 

– isang ekphrasis para sa “Itak sa Puso ni Mang Juan” ni Antipas Delotavo

florence

Posted in Filipino, friendships, journal, love, poetry, random, Uncategorized

random #12: kagabi, naalala kita

Kagabi, naalala kita. Naalala ko ‘yung dating tayo. Naalala ko ‘yung mga panahong nakasandal ako sa balikat mo habang tahimik na nilalabanan ang antok. Pasensya na kung sumakit ang balikat mo no’n ah? Ang komportable kasi.

Kagabi, naalala kita. Naalala ko ‘yung mga panahong palihim mo akong tinatawanan. Nakakatuwa kasi ‘yung hiniram kong libro, hindi ko tuloy namalayang nakangiti akong mag-isa. Pasensya na kung mukha akong baliw no’n ah? Hindi ko naman kasi napansin na nakatingin ka sa akin.

Kagabi, naalala kita. Naalala ko ‘yung pamumula ng magkabila mong pisngi nang minsan ay nadapa ako. Akala mo ba, hindi ko napansing pigil na pigil kang huwag tumawa? Nangingiti ka pa nga no’ng sinabihan mo akong mag-ingat sa susunod.

Pero wala na palang susunod.

Kinabukasan, kakausapin sana kita. Ipapaalala ko sana ‘yung masasaya nating ala-ala. Hihingi sana ako ng tawad. Hihiling sana ako ng isa pang pagkakataon kaso naalala kong hindi ka bituin sa langit na tutupad ng hiling ko. Sinabi mong pagod ka na kaya hindi ko na ipinilit pa ang gusto ko. Sinabi mong pagod ka na kaya hinayaan kitang lumayo.

Pagkatapos makikita kitang kasama siya?

Kaya naman pala napagod ka sa akin – sa atin. Hindi pa ako nakuntento sa sakit, sinundan ko pa kayo. Nakasandal siya sa balikat mo at humihikab, tila pinipigilan ang antok-tulad ko noon- na dala ng komportable mong balikat. Hinayaan mo siyang matulog kahit halata sa mukha mong masakit na ang iyong balikat.

Hindi pa ako nakuntento. Nanatili ako sa kinatatayuan ko at pinanuod ko pa kayo na parang isang soap operang ipinapalabas tuwing hapon. Ang ganda ng ngiti mo habang pinagmamasdan siyang nagbabasa ng libro. Tingnan mo nga naman, pareho pa kami ng paborito – Paper Towns ni John Green. Ang tagal mong nakangiti habang nakatitig sa kanya. Kinuhanan mo pa nga siya ng litrato e.

Ang sakit sakit na. Akala ko wala nang isasakit ‘tong masokista kong puso. Nagkamali na naman pala ako. Nang muntikan kasing matisod itong ipinalit mo sa akin, nginitian mo siya at sinabihang, “Mag-ingat ka kasi sa susunod“.

Buti pa kayo, may susunod pa. E tayo kaya?

Ay oo nga pala, pagod ka na.

florence

Posted in friendships, journal, love, poetry, random, Uncategorized

random #11: regrets

“Where were you last night? I was actually waiting for you. Did you receive my text messages asking if you want to come over? You see, they started fighting again. Believe me, I tried not to hear them by plugging my earphones with the volumes maximized. I even tried listening to some heavy metal song even though it’s not my genre. You advised me to watch any funny movie just to get my mind off of things and I did… But sadly, your suggestion wasn’t effective. Don’t worry, I’m perfectly fine. See you tomorrow. Good night. :)”

Tears dropped continuously from his eyes as he read her last text message. He should have been there the minute he received her messages but he wasn’t. It really was stupid of him to choose a computer game over her. What if he was there with her last night? He could have saved her. If he went over to her house last night, he could have been holding her in his arms right now instead of crying in front of her cold body, lying comfortably inside a white box.

florence

Posted in Filipino, friendships, journal, poetry, random, Uncategorized

random #10: nakalimutan ko

Naiinis ako sa kanila. Naiinis ako sa mga taong, handa kong iwan ang kahit na anong importanteng gawain, makausap lang sila. Naiinis ako kasi kapag ako naman ang nangangailangan ng ni-katiting na oras nila, hindi man lang nila ako mapagbigyan. Sila kasi ang mga taong hinayaan kong sirain ang pader na itinayo ko, maprotektahan lang ang sarili ko. Kasalanan ko rin naman kasi e. Napansin ko na agad no’ng una pa lang pero anong ginawa ko? Pinanood ko lang silang kumuha ng pala at mga martilyong sisira sa pader ko. At nang tuluyan nilang masira ang pader na pinaghirapan kong itayo, nakangiti ko pang inabot ang mga kamay na inilahad nila sa harapan ko.

Nagpapasalamat ako na dumating kayo sa buhay ko pero hindi ko naman alam na kasabay ng mga masasayang ala-alang sabay nating naranasan, ay kailangan ko ring ihanda ang aking sarili sa katotohanang sa isang iglap ay maghihiwalay rin tayo ng landas. Alam ko naman na ganito ang kahahantungan natin e. Pero ano na namang ginawa ko? Pinanood ko ang sarili kong tumatawa kasama kayo – kahit pa napakawalang kwenta ng pinag-uusapan natin. Hinayaan ko ang sarili kong malunod sa ideyang ayos lang ang lahat. Hinayaan kong makalimutan ko ang reyalidad na maghihiwalay rin tayo pagdating ng panahon.

Nakalimutan ko kasing may katapusan pala. Nakalimutan kong umaalis ang lahat ng mahal ko. Nakalimutan kong kaakibat ng kasiyahan ang kalungkutan katulad na lang ng pagiging 2-in-1 ng mga salitang ‘hello‘ at ‘bye‘. Oo nga pala, ang bawat simula ay may katapusan. Oo nga pala, ang bawat ngiti ay may katumbas na isang patak ng luha.

Oo nga pala, may umaga at gabi. Oo nga pala, may araw at buwan.

florence

Posted in Filipino, journal, random, Uncategorized

journal #2: grades are ‘just’ numbers

VI.XII.XVI.

Ako lang ba ang nakakapansin na sadyang may mali sa ating sistema? Diyos ko po, hindi ko na yata kayang makitang ninenerbyos ang mga kaibigan ko tuwing bigayan ng report cards. Hindi ko na yata kayang marinig ang mga hinaing patungkol sa mga nagkokopyahan sa likod tuwing Periodic Test na baka raw masali pa sa Top 10 ng klase.

Hindi naman sa sang-ayon ako sa pandaraya pero kasi, nasa high school kami. At ganito ang normal na estudyante sa high school – nagkacutting, nagtatanungan at nagkokodigo tuwing exams, nagsisiraan, nagpi-feeling presidente kahit hindi naman, at nagpi-feeling maganda o guwapo kahit mukhang kamatis na sa pula ang mukha nila dahil sa dami ng tigyawat.

Hindi ko na alam kung tama o mali ang takbo ng utak ko. Ayaw ko rin namang magsalita dahil baka matulad ako sa kaklase naming babaeng walang kasamang kumain tuwing lunchtime.

Grades are just numbers” daw pero bakit gano’n? Bakit ganito? Ang daming nandaraya para lang sa letseng grades na ‘yan. Ang daming napagkakamalang bobo at tanga dahil sa hinayupak na numerong ‘yan. Napakaraming bumababa ang tingin sa sarili dahil sa mga putanginang mga numerong ‘yan. Napakaraming mga estudyante ang nag-iisip na kitilin ang sarili nilang buhay tuwing gabi dahil bagsak sila sa isang subject. Napakarami rin siguro ng mga tulad kong hindi na alam kung saan lulugar.

Nakakapagod na kasing manood. Nakakapagod na ring makinig.

Pero nakakapagod ring magbulagbulagan at magbingi-bingihan.

Saan nga ba talaga ako lulugar?

florence

Posted in Filipino, journal, love, poetry, random, Uncategorized

Mahal Kita.

Mahal kita

Kaya kahit anong iutos mo ay gagawin ko,

Makita ko lamang ang mga mata mong napakaamo

Na nangungusap kasabay ng ‘yong mga salitang nagmistulang musika sa aking tainga.

 

Mahal kita

Kaya kahit pilit mo akong nilalayuan na para bang ako’y basura,

Mananatili akong nakangiti at nakakapit sa’yong bisig

Na tahasang kumakalas mula sa aking pag-ibig

 

Mahal kita

Kaya kahit may ‘di ako magandang nakikita,

Patuloy kong ipinipikit ang aking mga mata

At nagbubulag-bulagan kahit lutang na ang pruweba.

 

Mahal kita

Kaya kahit hindi ka sumagot sa bawat ‘Mahal kita’ng aking sinasambit,

Heto ako sa’yong tabi at tuloy pa rin sa pagkapit

Sa napakarupok nang lubid na sayo’y nakakabit

 

Pero mahal ko, bakit ikaw mismo ang pumuputol sa lubid na aking kinakapitan?

 

Mahal kita

Kaya kahit anong iutos mo ay gagawin ko.

Mahal na mahal kita

Pero mahal mo ba ako?

 

Mahal kita

Pero bakit ka umiling nang ika’y tanungin ko?

Mahal na mahal kita

Ngunit gusto mo siya – siya at hindi ako

 

Mahal kita

Kaya’t sana’y sa huling pagsambit ko sa dal’wang salitang ito,

Maunawaan mo ang dahilan ng aking pagbitiw

Sa lubid na tanging ako lang pala ang nakakapit

 

Mahal kita

Kaya’t sana’y tigilan mo na ang pagbihag sa puso’t isipan ko.

Mahal na mahal kita

Kaya’t sana’y hayaan mong hilumin ko ang mga sugat kong dulot ng pag-ibig ko sayo

 

Mahal na mahal kita pero sana’y maintindihan mong napapagod din ako.

florence