Posted in Filipino, Maikling Kuwento, poetry, random, Uncategorized

Ang Pintor at Ang Manunulat

Si Arkin Lawrence Reyes ay isang pintor. Kasama siya sa Arts Club ng kanilang unibersidad. Bilang isang pintor, kadalasan ay mag-isa lamang siyang nakaupo sa damuhan at nagpipinta. Wala naman kasi siyang kaibigan at para sa kaniya, hindi rin naman niya kailangan ng kaibigan. Hanggang may mga pintura, canvass, sketchpad, at pinsel, alam niyang mabubuhay siya. Ito marahil ang dahilan kung bakit madalas siyang inaasar ng mga sikat niyang mga kaklase… Katulad na lamang ngayon.

“Arkin, ano na? Nagawa mo na ba iyong pinapagawa ko sa iyong proyekto ko?,” nakangising tanong sa kaniya ni Brent, ang kinikilalang lider ng Campus Royalties – ang grupo ng mga pinakasikat at pinakamayayamang estudyante sa Unibersidad ng Barrio Belleza.

Nauutal niya itong sinagot ng, “H-hindi. Alam mo namang hindi ko gawaing gumawa ng proyekto ng kaklase… Pandaraya iyon.”

“Sinasabi mo bang mandaraya ako?,” maangas na tanong ni Brent. Hinawakan nito ang kuwelyo niya at nagwika, “Kailangan ko na iyon bukas. Siguraduhin mong matatapos mo iyon nang maganda.”

Bago pa pumayag si Arkin sa kagustuhan ni Brent, isang babae ang lumapit sa kanila. Sinampal nito ng malakas si Brent, dahilan upang mabitiwan ng lalaki ang kuwelyo ni Arkin. “Brent, ano ba?! Hindi ba’t sinabi kong ayokong ginaganyan mo si Arkin?,” inis na sabi ng babae.

Tahimik na pinagmasdan ni Arkin ang babae. Maputla ang balat nito, mapungay ang mga mata… Ang ikinagulat ni Arkin ay ang pagkapula ng dulo ng mala-alon nitong buhok. “Mangingialam ka na naman ba, Keira?,” pabalik na tanong ni Brent kay Keira.

“Lubayan mo na si Arkin… Tigilan mo na ang pambubully,” utos ni Keira. “Arrgh!,” inis na sigaw ni Brent at saka ito umalis. Dali-daling lumapit si Keira kay Arkin. “Ayos ka lang ba?,” nag-aalala nitong tanong.

“Ayos lang ako,” sagot ni Arkin. “Bakit mo ako tinulungan? Hindi ba’t kaibigan mo si Brent?,” nagugulumihan niyang tanong kay Keira. “Kasama ako sa grupo ngunit hindi ko sila kaibigan. Ayokong magkaroon ng kaibigan na nambubully,” sagot ni Keira.

“Ganoon ba? Sige, salamat sa pagtulong mo, Keira.” Akmang aalis na si Arkin ngunit tinawag siya ni Keira, “Arkin!”. “Puwede ba tayong maging magkaibigan?,” nakangiting tanong ni Keira. “Oo naman,” sagot ni Arkin na may halong pagtataka.

Naging magkaibigan ang dalawa magmula ang araw na iyon. Madalas silang nakaupo sa damuhan at nagkukuwentuhan habang nagpipinta o gumuguhit si Arkin. Si Keira naman, ay palaging may hawak na ballpen at kuwaderno – waring may sinusulat na kung ano man.

“Mapagkakatiwalaan naman kita, hindi ba?,” tanong ni Keira kay Arkin. “Oo naman.”

Binigay ni Keira ang kanina pa niyang hawak na kuwaderno kay Arkin. “Diyan ako nagsusulat ng mga tula. Parang diary ko na rin.”

Binasa ni Arkin ang mga nakasulat at napag-alaman niyang sa kabila ng pagiging madaldal at masiyahin ni Keira, may dinadala pala itong problema. Sinubukan niyang tanungin si Keira ukol dito ngunit lagi lamang nitong iniiwasan ang mga tanong at madalas  magpaalam na aalis sa tuwing magtatanong na si Arkin.

Isang araw, hindi pumasok si Keira. Tinanong ni Arkin ang mga kaklase nito subalit hindi rin nila alam kung nasaan ang dalaga. “Baka nagkasakit,” usal ng mga napagtanungan niya.

Sumunod na araw, wala pa rin siyang nakitang Keira Dione Villafuerte. Ni-isang text message galing rito ay wala siyang natanggap. Kaya katulad ng sinundang araw, mag-isa lamang siyang umupo sa damuhan at nagsimulang gumuhit. Nagsimula siya pagguhit ng mga nangungusap na mata na sinundan ng napakaliit na ilong. Ilang minuto pa at halos patapos na si Arkin sa ginuguhit. Kasalukuyan niyang kinukulayan ng itim ang buhok ng babae sa kaniyang obra. Muntik na niyang makalimutan – kinuha niya ang pulang pintura at kinulayan ng pula ang dulo ng maitim na buhok ng babae. Si Keira.

Nakangiti niyang pinagmasdan ang kaniyang obra. At noon lamang niya napagtantong hindi na pala kaibigan ang turing niya kay Keira. Kung kailan nagsimulang umusbong ang kaniyang nararamdaman ay hindi niya alam. Sino nga ba ang makapagsasabi ng tamang panahon para umibig? Wala naman, hindi ba?

Dahil wala naman siyang nakukuhang konkretong sagot mula sa mga kaklase ni Keira, tinungo niya ang bahay ng dalaga. Nadatnan niyang umiiyak ang ina ni Keira. “Nandiyan ka na pala, hijo.” Agad itong nagpunas ng luha. “Nandito ka ba para itanong sa akin kung nasaan si Keira?”

Tumango lamang si Arkin. “Wala dito si Keira. Nang tiningnan ko ang kuwarto niya, wala na ang mga gamit niya…”

“Wala po ba siyang sinabi?,” tanong ni Arkin. “Wala siyang sinabi.”

Ilang araw pa ang lumipas hanggang sa nagdaan na ang mga buwan, at taon. Hindi na talaga nakita ni Arkin si Keira. Nakakatawang isipin pero kung kailan pa niya napagnilayan ang nararamdaman para sa dalaga, saka naman ito nawala.

“And may we now call the artist, the one responsible for the magnificent artworks, Mr. Arkin Lawrence Reyes!,” pagtawag sa kaniya ng lalaki sa entablado.

Nakangiting umakyat si Arkin at pinalibot ang kaniyang mga mata sa mga dumalo sa kaniyang art exhibit, sa pag-aakalang muli niyang makikita si Keira ngunit… Hindi isang nobela ang kaniyang buhay na maaari pang makaranas ng masayang pagtatapos. Hindi na niya muling makikita ang mga ngiting iyon, mga matang mapupungay, at ang pulang dulo ng mala-along buhok ni Keira. At kailangan niyang tanggapin iyon.

florence

Advertisements

Author:

"You need to get lost before you find yourself" likes: coffee ☕ || rain ☔ || books 📚 || music 🎧 || writing at 2 AM :)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s