Posted in Filipino, random, Uncategorized

Si Amos at Si Luna

Idaraos na sa mundo ng mga mortal ang Araw ng mga Puso kaya pinaghahanda na ni Gratia ang kaniyang anak na si Amos sa muli nitong pagbaba sa mundo ng mga mortal. “Amos, mahal kong anak, nakakuha ka na ba ng mga bagong palaso?,” nag-aalala niyang tanong sa anak na si Amos. Nakangiti itong sinagot ni Amos ng, “Opo, ina. Kahapon pa po ako nakakuha ng mga bagong palaso.” Mahigpit na niyakap ni Gratia ang anak. “O siya, sige na at baka mahuli ka pa, magmumukha ka na namang masama sa mata ng mga mortal sakaling mahuli ka ng dating. Mag-iingat ka doon…”

Kinuha ni Amos ang kaniyang gintong pana sa loob ng isang sikretong silid at saka siya tumuloy sa mundo ng mga tao. Pagdating niya sa mundo ng mga tao, napangiti si Amos. Araw na naman ng mga puso at tulad ng inaasahan niya, maraming mga mortal ang makikitang nagdidiwang sa araw na iyon. May mangilan-ngilang mga tao na nakaupo lamang sa isang sulok ngunit sisiguraduhin ni Amos na magiging maligaya sila ngayong Araw ng mga Puso.

Nagbuntong-hininga si Amos at nagpalinga-linga upang mahanap ang una niyang misyon. Nakalagay sa listahan niya ang isang lalaking nagngangalang Rey at isang babaeng nagngangalang Karina. Pasimple siyang tumabi sa isang babaeng yukong yuko sa pagbabasa ng libro upang abangan ang nakatadhanang sina Rey at Karina. Kung tutuusin ay pupuwede naman siyang umupo na lang sa kung saan ngunit tila ba may puwersang nagtutulak sa kaniya papunta sa kinalalagyan ng babaeng iyon. Ipinagsawalang bahala na lang iyon ni Amos at masugid na inabangan sina Rey at Karina. Napakagandang tingnan ng mga pulang sinulid sa dulo ng mga daliri ng mga mortal. Umiilaw ang mga iyon sakaling nahanap na nila ang kani-kanilang mga karugtong na nasa hinliliit ng mga nakatadhana sa kanila. Lingid sa kaalaman ng mga mortal, ang bawat isa sa kanila ay may nakatadhana nang may makasama hanggang sa kanilang pagtanda. Si Amos ang may gawa ng mga tinatawag ng mga mortal na ‘destiny’ at ‘kismet’ nang hindi nila siya nakikita o nararamdaman man lang. Totoong kinikilala siya ng mga tao bilang Diyos ng Pag-ibig ngunit hindi naman naniniwala ang mga ito na tunay nga siya at hindi lang produkto ng malikot nilang mga imahinasyon.

Trabaho ni Amos na siguraduhing konektado ang mga sinulid ng dalawang taong nakatadhana. Ang kailangan lamang niyang gawin ay panain ang mga taong iyon sa puso at paniguradong kahit pa anong paglayo nila sa isa’t isa ay gagawa ng paraan ang mga sinulid sa daliri nila upang hanapin ang karugtong. Lahat naman ay puwedeng gawin ni Amos dahil nga hindi naman siya makikita at makakagulo sa mga mortal. Ngunit may isang hindi puwedeng mangyari – ang Diyos ng Pag-ibig na si Amos ay ipinagbabawal na umibig kaninoman. Nang tanungin niya si Allerio, ang Hari ng mga Diyos, kung bakit, sinabi nito sa kaniya na hindi niya mapagtutuunan ng pansin ang kaniyang trabaho.

Nang makilala niya ang dating kasintahang si Psyche, agad siyang kinausap ni Allerio at sinabihang pigilan ang kaniyang nararamdaman para sa dalaga. Alam ni Amos sa sarili niya na hindi niya mapipigilang umibig kaya pinakiusapan niya si Allerio na balutin ng yelo ang kaniyang puso ngunit bago niya ito napapayag sa kaniyang kagustuhan, nakipagkasundo ito sa kaniya. “Sakaling matunaw ang yelong bumabalot sa iyong puso, hindi ko na kayo hahadlangan ng kung sinuman ang dahilan ng pagtunaw niyan,” naaalala niyang wika ni Allerio sa kaniya.

Natigil ang pag-iisip ni Amos nang makita ang malungkot na mukha ni Karina. Sa hindi kalayuan naman ay tila walang pakialam sa mundo si Rey habang naglalakad papunta sa direksyon ni Karina. Bago pa malampasan ni Rey ang malungkot na si Karina ay mabilis silang natamaan ng gintong palaso ni Amos. Agad na nagdugtong ang mga sinulid ng dalawa ngunit hindi na iyon nabigyang-pansin ni Amos dahil sa pagtayo ng katabi niyang babae. Tila nabato si Amos pagkakita niya sa napakaamong mukha ng babae. Nakangiti itong tumakbo patungo sa isang lalaking nakatayo malapit sa kinauupuan nila kanina. Ang nakapagtataka, tila kumirot ang puso ni Amos nang makitang hinagkan ng babae ang lalaki.

Mas nakapagtataka dahil hindi siya nakaramdam ng tuwa nang makitang umilaw ang pulang sinulid ng dalawa na senyales na nakatadhana sila sa isa’t isa. Sa pagkakataong iyon ay nararapat na panain ni Amos ang dalawa nang magdugtong na ang kanilang mga sinulid ngunit hindi niya nagawa. Patuloy lang niyang pinanuod ang dalawa habang hawak ang kaniyang gintong pana. Ang isip at puso naman niya ay nagugulumihan na sa nangyayari. Hindi na bago sa kaniya ang konsepto ng pag-ibig ngunit hindi ba’t nababalutan ng yelo ang puso niya? Siya na ba ang babaeng tinutukoy ni Allerio?, wika niya sa isip.

Matapos ang araw na iyon, dali-daling bumalik si Amos sa mundo nila. “Maaari ko bang makausap ang Haring Allerio?,” magalang niyang tanong kay Cinsel, ang anak ni Allerio. Nginitian siya ng batang babae at itinuro ang isang pintuan. PInasalamatan ni Amos ang bata at tumuloy na sa silid.

“Amos… Nagbalik ka na,” bati sa kaniya ni Haring Allerio. Malungkot na tiningnan ni Amos ang hari at nagwika, “Sa palagay ko po ay natunaw na ang yelong bumabalot sa puso ko.”

“Sino ang babae?,” gulat na tanong ni Allerio sa kaniya. “Isa pong mortal,” sagot ni Amos.

“Ikinalulungkot ko pero mahigpit ko nang ipinagbabawal ang pag-ibig sa isang mortal matapos ang relasyon ninyo ni Psyche. Lungkot lamang ang dala sa atin ng mga mortal, Amos.”

Nagtiim-bagang si Amos. “Kung hindi ninyo sana kami hinadlangan ni Psyche, may sarili na sana akong pamilya. Maaari naman ninyo siyang pakainin ng ambrosia pero hindi talaga kayo pumayag kahit anong pagmamakaawa ko.”

“Amos, para naman iyon sa kapakanan mo.”

“Para sa kapakanan ko? Haring Allerio, alam nating pareho na sadyang may mga katangian ang mga mortal na kaakit-akit para sa ating mga Diyos… kaya naman hindi ko maintindihan kung bakit pinagbabawalan ninyo kami.”

“Amos… Maaari bang sumunod ka na lang? Huwag mo sanang kalimutan na ako pa rin ang mas nakakataas sa iyo.” Inis na yumuko si Amos at sumagot ng, “Opo, Mahal na Hari.”

Kinabukasan ay muling tumungo si Amos sa parke kung saan niya nakita ang magandang babae. Ayon sa librong hawak niya, “Luna” ang pangalan ng babae habang ang lalaking kasama nito kahapon ay nagngangalang “Callisto”. Katatapos lang ng Araw ng mga Puso kaya marami pa ring mga magkasintahan ang nandoon sa parke. Puno pa rin ng mga pulang rosas ang paligid na sinabayan rin ng mga kulay lila at rosas na mga matatamis na bagay na kung tawagin ng mga mortal ay “kendi”. Halos limang oras ding naghintay si Amos sa lugar na inupuan niya kahapon pero hindi man lang niya nasilayan ni anino ni Luna. Papalakad na siya palayo nang marinig niya ang isang napakagandang tinig at nang nilingon niya ang direksyong pinanggagalingan ng tinig, nakaramdam siya ng saya. Si Luna pala ang pinagmumulan ng magandang tinig na iyon.

Umupo siya sa tabi ni Luna at pinakinggan nang buong puso ang maganda nitong tinig. Tila nawalang bigla ang sayang naramdaman ni Amos nang makita ang papalapit na kasintahan ni Luna – si Callisto. Nakangiting binati ni Callisto si Luna at saka ito binigyan ng halik sa pisngi – na sinuklian naman ni Luna ng matamis na ngiti. Halos hindi makahinga si Amos sa kaniyang nasaksihan. “Ganito pala ang nararamdaman ng mga mortal sa tuwing sila ay nasasaktan..? Walang duda, kaya naman pala lubha silang galit sa akin,” bulong niya sa hangin. Umiwas siya ng tingin sa papalayong sina Callisto at Luna at ibinaling ang kaniyang atensyon sa makulimlim na langit. Si Nexus ang inuutusan ni Haring Allerio pagdating sa ulan at bagyo sa mundo ng mga tao kaya alam na ni Amos kung sino ang may kagagawan ng biglang pagdilim ng langit na wari ba’y nakikisabay sa kalungkutan niya. “Nexus, ikaw pala,” bati niya sa bagong dating na kapwa-Diyos.

“Mukhang malungkot ka, Amos. May maitutulong ba ako?,” tanong sa kaniya ni Nexus habang nakangiti nang nakapangingilabot. Si Nexus ang siyang responsable sa mga negatibong emosyon sa mundo ng mga tao – lungkot, galit, pagkamuhi, desperasyon, pagkainggit, pagkaganid, kasamaan, at kamatayan.

“Hindi ko alam, Nexus. May iniibig akong mortal ngunit siya’y nakatadhana na sa iba.”

“Hmm.” Saglit na natigilan si Nexus na para bang nag-iisip ng malalim. “Hindi ba’t ikaw ang Diyos ng Pag-ibig? Dahil may kakayahan kang pagdugtungin ang kapalarang ng dalawang mortal, natural lang na may kakayahan ka ring putulin ang kapalaran ng dalawang nakatadhana.”

“Hindi ba’t ipinagbabawal iyon?”

Nginitian siya ni Nexus at muling nagsalita. “Alam kong ipinagbabawal iyon pero hahayaan mo na lamang bang maging miserable ang buhay mo habang pinapanood ang babaeng mahal mo sa piling ng iba?” Napatingin siya kay Nexus at muli, binigyan siya nito ng isang nakapangingilabot na ngiti.

Masaya naman si Luna sa piling ni Callisto ngunit hindi masaya si Amos na nakikita silang ganoon. Nais niyang siya ang yumakap kay Luna. Nais niyang siya ang bigyan nito ng magagandang ngiti. Nais niyang makasama si Luna kaya sinunod niya ang suhestiyon ni Nexus – pinutol niya ang pulang sinulid sa daliri ni Luna na naging dahilan upang humanap ng ibang kadugtong ang pulang sinulid sa daliri ni Callisto. Matapos niyang putulin ang sinulid sa daliri ni Luna, tila ba nawalan ng kislap ang mga mata ni Callisto para kay Luna. Hindi naglaon ay humanap nga ng iba si Callisto at iniwang luhaan ang walang kasalanang si Luna. Mas tumindi ang lungkot sa puso ni Amos nang makitang ganoon ang epekto kay Luna ng ginawa niyang pangingialam.

Mas tumindi rin ang pagnanais niyang yakapin ng mahigpit si Luna. Lagi kasing malungkot ang dalaga at hindi na ngumingiti. Hindi na rin ito katulad ng dati na laging masaya at tila ba laging pinapalibutan ng positibong enerhiya. Nais niya itong damayan ngunit paano? Siya ang Diyos ng Pag-ibig – hindi siya nakikita ng mga mortal at mas lalo namang hindi niya kayang humawak man lang ng kahit na anong bagay na may kinalaman sa mundo ng mga mortal.

Tanging si Nexus lang ang makatutulong sa kaniya. Nahihibang na siguro siya dahil hangal ang sinumang makipagkasundo kay Nexus. Hindi kasi ito nakikipagkasundo nang walang nakukuhang kapalit. Hindi rin siya sigurado sa gagawing desisyon dahil may galit si Nexus sa kaniyang ina — si Gratia, ang Diyosa ng Pag-asa — kaya malaki ang tiyansang sa kaniya ito gumanti. Dalawang taon pa lamang ang nakalilipas, inutusan ni Haring Allerio si Nexus na gumawa ng isang kahong ipadadala sa mundo ng mga mortal. Pinalagyan ni Haring Allerio ang kahon ng mga negatibong emosyon — pagkainggit, pagkagalit, desperasyon, pagkaganid, pagkamuhi, kasamaan, at kamatayan — kay Nexus. Ngunit dahil sadyang maawain ang kaniyang inang si Gratia, nilagyan nito ng kakarampot na pag-asa ang kahon na ikinagalit ni Nexus. Ayon kay Nexus, mawawalan ng saysay ang mga nilagay niyang negatibong emosyon sa kahon dahil sa kaunting pag-asang nilagay ni Gratia. Ayon naman sa kaniyang ina, kailangang magkaroon ng pag-asa ang mga mortal upang patuloy na mabuhay. At iyon ang simula ng pag-aaway ni Nexus at Gratia.

Buo na ang desisyon ni Amos kaya pagsapit ng gabi ay tinungo niya ang kwebang tinitirhan ni Nexus. “Ikaw pala, Amos. Anong maitutulong ko at kinailangan mo pang pumunta sa aking gayong dis-oras na ng gabi?,” nakangiting bati nito sa kaniya. “Gusto kong maging tao. Naging miserable si Luna dahil sa akin kaya gusto ko siyang damayan… Kahit doon man lang ay makabawi ako sa kasamaang nagawa ko.”

Saglit na nawala si Nexus sa paningin ni Amos at pagbalik nito ay may dala itong maliit ng boteng may pulang likido. “Ito ang carissia. Kung ang ambrosia ay para sa mga mortal na nais maging Diyos, ang carissia naman ay para  sa mga Diyos na nais maging mortal.” Inilapag ni Nexus ang maliit na bote sa harapan ni Amos. “Anong gusto mong kapalit?,” matapang na tanong ni Amos.

Nginitian siya ni Nexus. “Sapat na ang pagiging Diyos mo bilang kapalit ngunit nais kong magkaroon tayo ng kasunduan.” Nalukot ang noo ni Amos. “Ano iyon?”

“Kapalit ng carissia, kailangan mong mapaibig si Luna. Ganoon lang kasimple,” sagot ni Nexus. “Paano kung hindi ko magawa?” “Hindi ka na makakabalik sa pagiging Diyos ng Pag-ibig.”

“Pumapayag ako.”

Hibang na nga talaga si Amos. Pagbaba niya sa mundo ng mga mortal, agad niyang ininom ang *carissia at hinanap si Luna. Nadatnan niyang umiiyak si Luna. Sa sobrang pagkasabik ni Amos, niyakap niya ng mahigpit ang dalaga. Syempre, nagpumiglas si Luna mula sa pagkakayakap niya ngunit maya-maya pa ay napagod ito sa pagpupumiglas at umiyak nang umiyak. Kailangan ni Luna ng masasandalan kaya narito si Amos para sa kaniya. “Sino ka?,” humihikbing tanong ni Luna. “Ako si Amos. Maaari ba tayong maging magkaibigan?” Tumunghay lamang si Luna at marahan na tumango.

Lumipas ang ilang buwan at naging masaya sina Amos at Luna. Nanliligaw na rin siya sa dalaga. Wala pang balak si Luna na sagutin si Amos kahit iniibig na niya ito. Pakiramdam niya kasi ay marami pa siyang hindi nalalaman tungkol kay Amos hanggang sa isang araw, may nagpakilalang lalaki kay Luna. Kapatid daw ito ni Amos. “Wala namang nakukuwento sa akin si Amos na may kapatid siya,” wika niya sa lalaki. “Umalis kasi si Amos mula sa aming kaharian para sa iyo. Ako nga pala si Nexus.” Inilahad ng lalaki ang kaniyang kamay na hindi tinanggap ni Luna. “Kaharian? Hindi kita maintindihan. Anong kaharian?”

“Hindi ba sinabi sa iyo ng mahal kong kapatid na siya ang Diyos ng Pag-ibig?” Umiling si Luna. “Hindi ko alam.” “Naaalala mo ba ang minamahal mo noon, si Callisto? Si Amos ang dahilan kung bakit bigla kang iniwan ni Callisto. Nangialam siya sa kapalaran ninyong dalawa.” Tila nag-uunahang pumatak ang mga luha sa mata ni Luna. “B-bakit niya nagawa iyon?” “Hindi ko rin alam… Ilang beses ko rin siyang pinigilan para huwag matuloy ag binabalak niya pero sadyang matigas ang ulo ni Amos, ayaw niyang may nangingialam sa kaniya.”

Hindi makapaniwala si Luna sa sinabi ni Nexus. Kaya pala ganoon ang pagtataka niya kung paano siya nakilala ni Amos, kaya pala bigla siyang iniwan ni Callisto, kaya pala hindi nagkukuwento si Amos tungkol sa pamilya nito, kaya pala biglang dumating si Amos sa buhay niya. Matagal na pala siya nitong pinagmamasdan kahit pa noong Diyos pa ito ng Pag-ibig. Nagpasalamat si Luna kay Nexus at pinaalis na ito sa kaniyang tahanan. Pag-alis ni Nexus, hindi na napigilan ni Luna ang kalungkutan at galit na kanina pa niya nararamdaman. Nagagalit siya kay Amos pero mahal niya ito. Mahal na mahal niya si Amos ngunit nagsinungaling ito sa kaniya.

“Iniibig mo ba siya, Luna?,” tanong ng isang tinig.

“Sino ka?” Pagsambit niya ng mga salitang iyon ay nagpakita sa kaniya ang isang lalaking nababalutan ni puting liwanag. “Ako si Haring Allerio. Iniibig mo ba si Amos?,” tanong ng lalaki sa kaniya. “Opo, mahal na mahal ko si Amos pero nagsinungaling siya sa akin… Hindi ko alam kung magagawa ko pa siyang pagkatiwalaan ulit.” “Ano ang nais mong mangyari, Luna?” Mahal na mahal niya si Amos ngunit nagagalit siya rito. “Ayoko na po siyang makita ulit,” sagot niya.

“Sigurado ka ba, hija? Kaya kitang tulungan ngunit ikinalulungkot kong hangga’t isa kang mortal, matutunton ka ni Amos dahil sa pulang sinulid mo sa dulo ng iyong daliri.”

“Ayoko na po siyang makita… Maaalala ko lang ang pagtatraydor na ginawa niya.”

“May solusyon akong naisip ngunit kailangan mong isuko ang iyong pagiging mortal.” Inilabas ni Haring Allerio ang isang maliit na bote na kinalalagyan ng asul na likido (ambrosia). “Gagawin kitang isang Diyos para hindi ka na matunton ni Amos.”

“Pumapayag po ako.”

Sa pamamagitan ng ambrosia, naging Diyosa ng Buwan si Luna samantalang binura ni Haring Allerio ang mga ala-ala ni Amos na may kinalaman sa pagiging Diyos ng Pag-ibig. Nanatiling mortal si Amos habang naging isang Diyos ang kaniyang iniirog na si Luna. Pagsapit ng gabi at bilog ang buwan, sa hindi niya alam na kadahilanan, ay nakakaramdam ng lungkot at pagkaulila ang mortal na si Amos.

Samantala, matapos ang pangyayaring iyon, napagdesisyunan ni Haring Allerio na hindi na niya hahadlangan ang pag-iibigan sa pagitan ng mortal at ng isang Diyos. Dahil nga isa nang mortal ang dating Diyos ng Pag-ibig na si Amos, pinalitan ito ng isang matipunong lalaking nagngangalang Eros.

florence

Advertisements

Author:

"You need to get lost before you find yourself" likes: coffee ☕ || rain ☔ || books 📚 || music 🎧 || writing at 2 AM :)

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s